ISANG SULYAP SA KAMATAYAN
(batay sa isang sikat na litrato hinggil sa EJK)
hindi siya pinaslang dahil siya'y pasahero
na nilabag yaong babala sa batas-trapiko
gaya ng pinahihiwatig doon sa litrato
na yakap ng babae ang duguang mahal nito
sa lansangan ba ang tulad niya'y isang balakid?
siya ba'y itinumba dahil sa maling pagtawid
o maling pagbaba o pagsakay? bakit hinatid
sa kamatayan ng kung sinong sukab na di batid?
kung may sala sa batas, bakit di muna nilitis?
bakit ang tulad niya'y tiniris na parang ipis?
nasaan ang proseso't di ginalang ang due process?
bakit sa kapangyarihan sila'y nagmamalabis?
hustisya'y gigil na hiyaw ng kanilang pamilya
anila'y dapat munang nilitis ang mahal nila
kung may pagkakasala nga'y sa piitan magdusa
at huwag basta hatulan ng punglo sa kalsada
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento