Martes, Agosto 14, 2018

Karapatan ang manlaban

KARAPATAN ANG MANLABAN

sino kang manghuhuli at basta na lang papaslang?
di ba't sila'y dapat munang litisin ng hukuman?
suspek pa lang, walang due prosess, itinitimbuwang!
sino kang huhusga sa kanila ng kamatayan?

kung sakaling sila'y manlaban upang ipagtanggol
ang buhay nila, aba'y karapatan nila iyon!
manlalaban sinumang sasagpangin lang ng ulol
kung mamamatay silang walang laban, ano iyon?

bawat may sala, may karapatan sa paglilitis
pagkat sila'y kapwa tao mo rin, di mga ipis
kung may kasalanan man, bigyan sila ng due process
kung napatunayan, ipiit silang walang gurlis

kung wala kang laban, susuko ka't makikiusap
nagbabakasakaling may due process kang malasap
pagkat batid mong may paglilitis kang mahaharap
huwag ka lamang patayin ng mga mapagpanggap

anuman ang sitwasyon, karapatan mong manlaban
kung bansa'y sasakupin, iyon ay dedepensahan
kung gagahasain ka, dapat talagang manlaban
kung papatayin ka, buhay mo ba'y pababayaan?

karapatan mong manlaban, karapatan mo iyon
buhay mo'y pahalagahan, anuman ang sitwasyon
kung nagkasala ka, dapat kang malitis ng hukom
kung may krimen kang ginawa, dapat ka lang makulong

sa madaling sabi, karapatan nating manlaban
at di basta gawaran ninuman ng kamatayan
nararapat lang na pantay ang batas sa sinuman
dapat may due process, sa mayaman o dalita man

- gregbituinjr.

Walang komento: