Huwebes, Agosto 30, 2018

Katapatan

maging tapat tayo sa ating kapwa tao
maging tapat din sa tangan nating prinsipyo
maging tapat sa ating mga saloobin
maging tapat din sa paniniwala natin

"honesty is the best policy" daw, anila
sa pakikisalamuha'y maging tapat ka
huwag kang magtataksil o maging sukab pa
pagkat katapatan ay asal na kayganda

maging totoo ka, kahit ang iba'y hindi
maging totoo ka, huwag kang managhili
maging totoo ka, gaano man kahapdi
maging totoo lagi, ano man ang sanhi

maging tapat sa sinumpaan mong tungkulin
hanggang kamatayan, dapat mo iyong tupdin

- gregbituinjr.

(ang tula ay batay sa isang pinta sa pader ng isang paaralan sa Parañaque, kuha ng makata noong Agosto 30, 2018, matapos ang aktibidad ng mga guro kung saan idinaos ng Kamalaysayan ang Kartilya ng Katipunan)

Huwebes, Agosto 23, 2018

Grade 6 nagnakaw ng laptop ng propesor

ano kayang naituro sa batang ito?
at sa ginawa'y tiyak siyang kalaboso
anong naituro ng guro at magulang?
sa tulad niya'y saan ba sila nagkulang?

bakit ba inagaw ang mahalagang gamit?
ng isang guro, siya ba'y talagang gipit?
bakit kailangan niyang gawin ang gayon?
na sa mabuting asal ay di naaayon

bakit ba propesor ang kanyang pinuntirya?
may poot sa loob, ibinagsak ba siya?
kabisado ba niya ang pasikut-sikot
ng loob ng bahay, saang daan lumusot?

nasa dalawampung libong piso ang laptop
na ninakaw at maaring ibentang ganap
ang napagbilhin, ibibili ba ng bisyo?
anong bukas mayroon ang batang ganito?

- gregbituinjr.

(ang tula ay batay sa balitang may pamagat na "Grade 6 ninakaw ang laptop ni professor", Abante Tonite, Agosto 23, 2018, p. 2)


Miyerkules, Agosto 22, 2018

Palabas

palabas na kami pagkat tapos na ang palabas
pelikula'y ikinintal ang sekso't mararahas
ganyang palabas ang pinagkikitaan ng hudas
magagandang babae't baril ang pinalalabas

dahil maganda raw ang palabas, kami'y pumasok
ngunit karahasang napanood ay di malunok
di kaiga-igaya yaong nakasusulasok
kung nasaan daw ang apoy ay naroon ang usok

palabas ba'y dapat may magagandang binibini?
upang ito'y panoorin at kabigha-bighani
kikitain sa palabas nila'y sadyang kaylaki
lalo't pinagpapantasyahan ay mga babae

sinumang negosyante'y nais ng malaking tubo
kahit ang kagandahang asal pa'y ipagkanulo

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 18, 2018

Pagkamatay sa sunog ng limang magkakapatid

PAGKAMATAY SA SUNOG NG LIMANG MAGKAKAPATID

kahindik-hindik kapag may balitang pagkamatay
ng limang magkakapatid na naiwan sa bahay
nang magkasunog, habang nasa palengke si nanay
at namamasada naman ng pedikab si tatay

sa ulat, naglaro ng lighter ang magkakapatid
na minulan ng apoy, sila'y nakulong sa silid
bahay ay kulob, ang buhay nila'y agad napatid
nangyari'y anong aral sa atin inihahatid

nakapanghihimagsik ng loob, nakalulungkot
magulang ba'y pabaya, sino ang makasasagot
sinong masisisi sa buhay na agad nalagot
pasensya lang ba't aksidente, sinong mananagot

anong sakit sa mga magulang ang pangyayari
ngunit madalas nga'y nasa huli ang pagsisisi

- gregbituinjr.
(batay sa ulat sa pahayagang Kadyot, Agosto 28, 2018, p. 2)

Biyernes, Agosto 17, 2018

Kian Delos Santos

Kian delos Santos, sa murang edad naging martir
Isang estudyanteng sinita lang ngunit minarder
Ang tulad niya'y biktima ng mga bagong Hitler
Na paslang ng paslang, polisiya ng nasa poder
Durugin ang droga, lumuha man ang mga mother.
Estudyanteng masipag mag-aral, agad pinaslang
Luha'y nagsiagos sa pisngi ng mga magulang
Oo, mga parak ang dumale, siya'y tinokhang
Siya'y biniktima ng mga may bitukang halang!
Sila'y nambiktima ng estudyanteng walang muwang!
Aniya, "Huwag po! May pasok pa po ako bukas!"
Ngunit tinig niya'y di dininig ng mga hudas
Tuluyan siyang binaril,buhay niya'y inutas!
O, bayan ko, wala man lang paglilitis sa batas
Sana hustisya'y makamtan at kamtin niyang patas!
- gregbituinjr.

Martes, Agosto 14, 2018

Karapatan ang manlaban

KARAPATAN ANG MANLABAN

sino kang manghuhuli at basta na lang papaslang?
di ba't sila'y dapat munang litisin ng hukuman?
suspek pa lang, walang due prosess, itinitimbuwang!
sino kang huhusga sa kanila ng kamatayan?

kung sakaling sila'y manlaban upang ipagtanggol
ang buhay nila, aba'y karapatan nila iyon!
manlalaban sinumang sasagpangin lang ng ulol
kung mamamatay silang walang laban, ano iyon?

bawat may sala, may karapatan sa paglilitis
pagkat sila'y kapwa tao mo rin, di mga ipis
kung may kasalanan man, bigyan sila ng due process
kung napatunayan, ipiit silang walang gurlis

kung wala kang laban, susuko ka't makikiusap
nagbabakasakaling may due process kang malasap
pagkat batid mong may paglilitis kang mahaharap
huwag ka lamang patayin ng mga mapagpanggap

anuman ang sitwasyon, karapatan mong manlaban
kung bansa'y sasakupin, iyon ay dedepensahan
kung gagahasain ka, dapat talagang manlaban
kung papatayin ka, buhay mo ba'y pababayaan?

karapatan mong manlaban, karapatan mo iyon
buhay mo'y pahalagahan, anuman ang sitwasyon
kung nagkasala ka, dapat kang malitis ng hukom
kung may krimen kang ginawa, dapat ka lang makulong

sa madaling sabi, karapatan nating manlaban
at di basta gawaran ninuman ng kamatayan
nararapat lang na pantay ang batas sa sinuman
dapat may due process, sa mayaman o dalita man

- gregbituinjr.

Martes, Agosto 7, 2018

Unos

UNOS

unos ay kaytagal, di humuhupa
tulad ng aking hibik at pagluha
laksa-laksang tubig ang rumagasa
dinadalirot ang puso ko't diwa

wala sanang malunod sa pagsubok
lalo't wala pang laman ang palayok
ang di malasahan ay di malunok
ano ba yaon at di ko maarok

tinipon ang iba't ibang panambak
upang ilagay sa maraming lubak
mga kamay ko'y puno man ng lipak
may tutubo ring magandang bulaklak

may pag-ibig sa pagitan ng unos
na sa mutya'y ihahandog kong lubos

- gregbituinjr.

Lunes, Agosto 6, 2018

Saloobin sa isang Binibini - ni V. Mayakovsky

Saloobin sa isang Binibini
ni Vladimir Mayakovsky
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pinaghalawan: marxists.org

Ang gabing iyon ay pagpapasiya
kung siya at ako
ay magiging magkasintahan.
Sa lambong
ng kadiliman
walang makakita, nakikita mo.
Yumukod ako, iyon ang totoo
at tulad ng ginawa ko,
iyon ang totoo, isinusumpa ko,
sabi ko
tulad ng isang mabait na magulang:
"Ang pag-ibig ay isang kahibangan -
kaya maaari bang
lumayo ka?
Lumayo ka,
pakiusap! "

Attitude To A Miss
by Vladimir Mayakovsky

Source: 20th Century Russian Literature.

That night was to decide
if she and I
were to be lovers.
Under cover
of darkness
no one would see, you see.
I bent over her, it’s the truth,
and as I did,
it’s the truth, I swear it,
I said
like a kindly parent:
“Passion’s a precipice –
so won’t you please
move away?
Move away,
please!”

Linggo, Agosto 5, 2018

Anong tutulain?

ang tanong ko, ano bang aking tutulain
sa harap nitong samutsaring suliranin
hinggil ba sa diwatang aking sasambahin
o hinggil sa aking prinsipyo't adhikain

ang aking pasiya'y kakatha ng kakatha
at ibabahagi ang nasa puso't diwa
kakatha ako para sa aking diwata
kakatha rin para sa uring manggagawa

ah, paksa'y hahahapin saanman masuot
malayong lungsod at nayon ma'y malilibot
susuungin ang gubat mang masalimuot
lalakbayin kahit kalaliman ng laot

nawa sa munting layon ako'y magtagumpay
nang malaon ako'y mapayapang hihimlay

- gregbituinjr.

Huwebes, Agosto 2, 2018

Sa gabi ng taglagas - tula ni Ho Chi Minh

SA GABI NG TAGLAGAS
Tula ni Ho Chi Minh
Salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Doon sa tarangkahan, isang bantay
ang may riple sa kanyang balikat.

Sa kalangitan, tumakas ang buwan
sa pulumpon ng mga ulap.

Namumutiktik ang mga surot sa kama,
tulad ng hukbo ng mga tangkeng itim sa karimlan.

Kawan-kawan ng mga lamok,
tulad ng pag-alon ng mga eroplanong lumulusob.

Iniisip ko ang aking tinubuang-bayan.
Pinapangarap kong makalipad papalayo.

Napanaginipan kong tila nasukol
sa pumulupot na kalungkutan.

Mag-iisang taon na ako rito.
Anong krimen ang aking nagawa?

Isinusulat ko sa mga luha
ang isa pang tula sa piitan.


AUTUMN NIGHT
Poem by Ho Chi Minh
Translated by Kenneth Rexroth

Before the gate, a guard
with a rifle on his shoulder.

In the sky, the moon flees
through clouds.

Swarming bed bugs,
like black army tanks in the night.

Squadrons of mosquitoes,
like waves of attacking planes.

I think of my homeland.
I dream I can fly far away.

I dream I wander trapped
in webs of sorrow.

A year has come to an end here.
What crime did I commit?

In tears I write
another prison poem.

Miyerkules, Agosto 1, 2018

Kumot na papel ng isang kasama

KUMOT NA PAPEL NG ISANG KASAMA
Tula ni Ho Chi Minh
Salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mga bagong mga aklat, mga lumang aklat,
ang mga dahon ay nakasalansan lahat.

Isang kumot na papel
ay mas mainam kaysa walang kumot.

Kayong natutulog na animo’y mga prinsipe,
na nababalabalan mula sa lamig,

Alam nyo ba kung gaano karaming tao sa piitan
ang hindi makatulog sa buong magdamag?


A COMRADES PAPER BLANKET
Poem by Ho Chi Minh
Translated by Kenneth Rexroth

New books, old books,
the leaves all piled together.

A paper blanket
is better than no blanket.

You who sleep like princes,
sheltered from the cold,

Do you know how many men in prison
cannot sleep all night?