Aktibista akong napaibig sa iyo, sinta
Kinakasi kita sa bawat kong pakikibaka
Ibig kong sa habambuhay kita ang magkasama
Berdugo man ako ng mga surot ng lipunan
Ang prinsipyong tangan ko'y sadyang di mapipigilan
Kita'y magbubuo ng isang bagong pamayanan
Adbokasya'y para sa hustisya at karapatan
Hindi tayo tatahimik sa panahong ligalig
Upang itama ang mga mali, di palulupig
Wastong makapiling ang proletaryong kapitbisig
At sama-samang buuin ang bukas ng daigdig
Gawin natin kung anong talagang makabubuti
Maging makatwiran sa ating mga sinasabi
Angkinin ang proletaryadong diwa, aking kasi
Tahakin ang wastong landas, panganib ma'y sakbibi
Aking sinta, kakaharapin ma'y sanlibong sigwa
Kikilos tayo, sangkaterba ma'y makasagupa
Obrero'y kasama bilang hukbong mapagpalaya
Tungo sa sistemang ang pagsasamantala'y wala.
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento