MABUTI PA'Y TUTONG KAYSA PANIS NA KANIN
13 pantig bawat taludtod
sino kayang matino pa yaong kakain
kung batid naman niyang panis yaong kanin
kahit na pulubing marahil walang kain
di gaganahan, di nila iyon kakanin
tanungin mo kaya, bakit ka napanisan
kaning kaysarap ay bakit pinabayaan
dahil maraming bigas na maisasalang
o dahil ito'y di mo naman pinaghirapan
marami nga riyan, sa gutom nagtitiis
kung may kanin man, kakainin kahit panis
di ba't ang gayon ay nakapaghihinagpis
lalo'y may anak pang sa gutom nananangis
huwag magpabaya, ang kanin man ay tutong
pagkat sa kalusugan, malaki ring tulong
sa oras ng kagipita'y lunas sa gutom
kaysa anak mo'y ang kamao'y nakakuyom
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento