Linggo, Disyembre 31, 2017

Nawa sa pagsalubong sa Bagong Taon 2018


NAWA SA PAGSALUBONG SA BAGONG TAON 2018

sadyang napakamadugo nitong nagdaang taon
kayrami ng patayan, umaga, tanghali, hapon
gabi, animo'y karaniwan lang ang mga iyon
na nangyayari, mga dukha'y sinagpang ng leyon

hilakbot ang itinititik niyon sa kasaysayan
nagpasimuno'y kasalukuyang pamahalaan
na dapat ay nagtatanggol sa ating karapatan
tulad na lamang ng nangyari sa batang si Kian

libo'y pinaslang, di dumaan sa tamang proseso
ng hustisya, na sadya namang nakapanlulumo
pinaslang na lamang ng naglalaway na berdugo
walang kara-karapatan sa mga tsonggong ito

sa maraming komunidad, pamilya'y lumuluha
pagkat ang buhay ng minamahal nila'y nawala
sa pagtambang at pagpaslang, kayraming napinsala
buhay at puso, mga kapamilya'y natulala

ngayong Bagong Taon, nawa'y mayroong pagbabago
kung may kasalanan, idaan sa tamang proseso
kung kinakailangan, maysala'y makalaboso
huwag paslangin kundi panagutan ang asunto

ngayong Bagong Taon, tamang proseso'y bigyang puwang
karapatan sa buhay ng kapwa tao'y igalang
kung nararapat, ibagsak na ang gobyernong hibang
at huwag nang hayaang ang bayan ay nililinlang

- gregbituinjr.

#NoToSalvagings #StopTheKillings #EJKnotOK #RespectTheRightToLife

Walang komento: