Linggo, Hulyo 9, 2017

Sinong maysakit?

SINONG MAYSAKIT?

sino kang nakahawak ng kapangyarihan
na sa baril inaasa ang "katarungan"
atas mong pagpaslang ay anong kahulugan
kundi magtanggal ng buhay at karapatan

bakit nais na hustisya'y walang proseso
iyon ba ang kahulugan ng pagbabago
walang proseso'y kaparaanan ng gago
walang paggalang sa buhay ng kapwa tao

sa mga nakagawa ng sala'y may batas
at may mga proseso upang maging patas
ang hustisya't di basta na lamang uutas
hatol na batay sa ebidensyang malakas

ang nagdroga'y sa karamdaman nakapiit
at may karapatang di dapat ipagkait
sugapa'y kriminal na kung nakapanakit
kung wala pang sala'y inosente't maysakit

sugapa'y sa halusinasyon nakaratay
kaya gamutin sila't huwag gawing bangkay
bawat buhay ay igalang, at sunding tunay
ang ikalimang utos: Huwag kang papatay!

- gregbituinjr.

Walang komento: