nakilala si Juan na sa bayabas nag-abang
kung kailan sa lupa'y lalagpak na manibalang
habang patuloy ang nilay ng makata sa ilang
lumilipad ang isip at naroong naglilinang
tambay si Juan, nakikipaghuntahan sa kanto
paano raw kabit niya'y bibigyan ng sustento
tambay rin ang makatang ang baon ay pulos kwento
tinitirintas sa buhangin ang mata ng bagyo
di sila mga tamad pagkat pawang malikhain
bawat bagay sa daigdig ay nais maeksamin
bagsak ng bayabas ay siyentipikong suriin
habang anumang tuklas ng makata'y kakathain
si Juan gayong nagsusuri'y tinuring na tamad
tulad ng iba pang siyentipikong kapuspalad
habang isip ng makata'y ibong lilipad-lipad
sa mga tirong at katunggali'y nakikitalad
- gregbituinjr.
Talasalitaan:
manibalang - malapit nang mahinog
huntahan - kwentuhan
tirintas - paglubid ng tatlo o higit pang hibla
tirong - taong nagkukunwaring matapang o makapangyarihan at nananakot ng kapwa
talad - manu-manong paglalaban na gamit ang espada o itak
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento