Poetic justice for a poet?
HINGGIL SA KOMENTULA
Ang tula ay tula bagamat nakasusugat din
Kung libelo ang komentula, hinay-hinay na rin
Baka pati ang pluma ko'y kung saan lang pupulutin
Kung ipipiit ang komentulang isa bang krimen
Ngunit kahanga-hanga ang kaibigang makata
Kahit pangunahing biktima ng alon ng sigwa
Ganyan na ba sa bayan kong sawi at napapatda
Sa samutsaring isyung sa madla animo'y sumpa
Halina't patuloy tayong magsabi ng totoo
Makata'y di tulad ng tuwid-ang-tinging kabayo
Kundi kritikal sa baya't lipunang nilulumpo
Hindi bulag sa harapang nakikitang abuso
Mga komentula natin ay dapat magpatuloy
Mensahero'y di dapat magapos sa punungkahoy
Ang mga titik at katha'y di nila maluluoy
Lalo't si Hustisya'y kakamping di dapat palaboy
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento