Lunes, Mayo 29, 2017

Sisisirin ko ang laot

sisisirin ko ang laot upang makita lamang
ang sirenang nagpapahirap sa puso kong hibang
ngunit maraming siyokoy ang doon nakaabang
na pag dumating ako'y kanila nang mapapaslang

nais kong makita ang sirena kong minumutya
na dumadalawa sa panaginip ko't tila sumpa
kung siya ang aking palad, nais ko nang mawala
manirahan kasama niya't iwan na ang lupa

ngunit ako'y manunulat na kakampi ng bayan
na may prinsipyong taglay at tungkuling gagampanan
kaya bakit ko iiwan ang aking sinumpaan
kung kapalit nito'y ang puso kong nahihirapan

pagbabago ng lipunan o pangarap na sinta
minumutyang kaylayo o babaeng aktibista
sirena sa panaginip o isang amasona
kayhirap pang pumili, masa'y paglingkuran muna

- gregnituinjr.

Maligayang kaarawan, O, Klasmeyt Fides

nais kong humabol ng taos na pagbati
maligayang kaarawan sa iyong muli
tulang alay nawa'y salubungin ng ngiti
at anumang pagod ay agad mapapawi

may unos man at walang mga alitaptap
sa panahong munti-munti man ang paglingap
nawa'y kamtin mo ang mga pinapangarap
at kaginhawahan nawa'y iyong malasap

tahak ko ma'y maputik na pampang o libis
bakong talampas o matarik mang dalisdis
diwata kang binabati kong anong tamis
maligayang kaarawan, o, klasmeyt Fides

- gregbituinjr.

Sabado, Mayo 20, 2017

Manggagawa, sino ka?

MANGGAGAWA, SINO KA?

manggagawa, kayo ang bumubuhay sa lipunan
mula noon hanggang ngayon, magpakailanpaman
kayo ang bumubuhay sa ekonomya ng bansa
ngunit bakit kayo pa ang mahirap at kawawa
sa inyong butil ng pawis kaya mundo'y umiral
laging kayod-kalabaw sa lipunan ng kapital
suriin ang sarili, kayo'y makapangyarihan
na kayang maglugmok sa katusuhan ng puhunan
bawat kayod, lipunan at pamilya'y binubuhay
sa inyong manggagawa, taas-kamaong pagpupugay

- gregbituinjr.
(nilikha at binasa sa aktibidad ng Bantayog Initiative sa TriMoNa, Lungsod Quezon, Mayo 20, 2017, ang pamagat ay mula sa tema ng aktibidad)

Lunes, Mayo 15, 2017

Si Lean at ang Pulitika ng Sinigang

SI LEAN AT ANG PULITIKA NG SINIGANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Apart from that, he tried to explain to us – his dormitory roommates – the politics of sinigang, positing with confidence that he knew the cuisine’s history and why Pinoys loved it. He said it had something to do with the sinigang being “a complete meal.” The veggies and the meat were there, mixed well with spices and the tamarind fruit via a slow boiling of these ingredients, and ramping up the taste further with patis ng (fish sauce of) Malabon." ~ from Patricio N. Abinales' article "Lean Alejandro's tsinelas revolution"

saanman, lagi siyang nakikipagtalakayan
hinggil sa samutsaring paksa sa ating lipunan
at kasama sa dormitoryo'y pinaliwanagan
na sa sinigang man, may pulitikang malalaman

inihahanda ang sangkap tulad sa rebolusyon
ihanda ang kawali o paglulutuan niyon
hiwain ang kamatis, gulay, kung nais, may hipon
o kaya'y bangus o baboy at pakuluan iyon

maraming paraan ng pagluluto ng sinigang
depende sa diskarte mo kung nais ay maanghang
o tama ang asim, sa pagluluto'y malilibang
tila isang bagong lipunan na ang nililinang

hahaluan pa ng sampalok habang kumukulo
lagyan ng patis, timplahing wasto ang niluluto
tulad din ng pagbabagong nasa'y pinapakulo
upang isang bagong lipunan ang ating mahango

Sabado, Mayo 13, 2017

Nilulumpo ng sukaban

karapatan nga'y nilulumpo ng sukaban
nais pang ulo natin ay kanyang pugutan
sukab na walang paggalang sa karapatan
buhay ng dukha'y tila ipis kung turingan
yapak ba ni Hitler ang kanyang sinusundan

nuong bata ba'y wala sa kanyang gumiliw
kaya patayan sa kanya'y isa lang aliw
mga dukha'y pinapaslang na parang sisiw
pagkamuhi sa dukha'y ano't di magmaliw
o siya'y isinilang na talagang baliw

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 8, 2017

Pagmamasid sa piitan

PAGMAMASID SA PIITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

“When I saw all those people, I couldn’t help reminding myself that indeed, it is the people themselves, bound together by a common cause and caught up in common struggle, who make history. I thought then that no matter what happens, the people have stood up at a very critical juncture in our history. Nothing can take that away from them, whether politically or morally,” Lean said. 
~ mula sa artikulong "The Quintessential Life of Lean Alejandro (1960–1987)"

habang nasa piitan ng Fort Bonifacio
patuloy ang pagdagsa ng maraming tao
ipinagtatanggol ang kanilang idolo
sa mga nakikibaka'y sumasaludo

maaaninag ang tala sa gabi't araw
na tila medalyong sa dibdib nakasingkaw
ang mga tagasuporta'y nagsisidalaw
upang idolo'y di magutom o mauhaw

nagkakaunawaan sa isang layunin
nagkakaisa sila sa isang mithiin
habang sa dibdib ay yakap ang simulain
at handang ipagtagumpay ang adhikain

masa nga ang tagalikha ng kasaysayan
na pinagsugpong ng layuning kalayaan
tumitindig, nakatindig, naninindigan
upang itayo ang makataong lipunan

Sabado, Mayo 6, 2017

X.D.I.

X.D.I.

Ang pangarap na buhay nawa'y may magandang bunga
Para sa samahang patuloy na nagkakaisa
Adhikain ay parang SELDA ngunit walang selda
Habang patuloy na nagtutulungan bawat isa

Nagkaisa mga dating bilanggong pulitikal
Na magpatuloy mabuhay, may gawaing marangal
Lipunan ma'y pinangingibabawan ng kapital
Isang lipunang makatao yaong inuusal

X.D.I. - ang mga kasama'y nagtutulong-tulong
Upang buhay na nadapa'y tuluyang makabangon
Samahang tinayo'y patuloy na pinauusbong
Upang bawat kasapi'y patuloy yaong pagsulong

Isang taas-noo't taas-kamaong pagpupugay
Sa inyo, mga kasapi ng X.D.I., mabuhay!

- gregbituinjr.
- nilikha sa pulong ng X.D.I. (Ex-Political Detainees Initiative) sa tanggapan ng Balay habang katalamitam ang mga estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas College of Social Work, Mayo 6, 2017

Huwebes, Mayo 4, 2017

Kayod-kalabaw na kontraktwal

naroong namimitig ang kanyang mga kalamnan
pawisan, kayod-kalabaw, sa trabaho'y puspusan
tulad ba niya'y makinang pinakikinabangan
kaybabang sahod, laksa ang tinubo ng puhunan
bakit matapos ang limang buwan, siya'y luhaan
ineendo't sa trabaho'y may bagong kapalitan
di maregular, trabaho'y walang kasiguruhan
bangungot nga bang maging kontraktwal sa pagawaan?
- tula't litrato ni gregbituinjr.