FDC - Pasyon 2017
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
Freedom from Debt Coalition
taas-noong bumabangon
upang bayan ay iahon
sa inhustisya’t korupsyon
na sa bayan lumalamon
tumaas ang pamasahe
pati presyo ng kuryente
tubig, pagkain, tuition fee
ganid ay ngingisi-ngisi
gobyerno ba'y nagsisilbi
nagmahal na pati tubig
kaya madla'y may ligalig
gulo man ang puso’t bisig
lalaban, di palulupig
nang hinaing ay madinig
utang na ilehitimo
kanselahin nang totoo
pasaning kaybigat nito
lalo’t di ito serbisyo
para sa bayan at tao
makatarungang pagbuwis
ay dapat gawing mabilis
nang obrero’y di mahapis
masa'y di dapat magtiis
sa pamumuno ng burgis
kapitalista'y nagumon
na sa kontraktwalisasyon
di makataong kondisyon
obrero na'y nilalamon
sa kahirapan nabaon
mga obrerong kontaktwal
ay dapat maging regular
binuhay nila'y kapital
kontraktwalisasyong hangal
ay di na dapat magtagal
buhay ng dukha’y bantulot
biling kanin, isang balot
ulam lang ay tuyong hawot
kaya hilo't umiikot
ang paningin, may hilakbot
diktador na di bayani
na sa masa'y naging imbi
ay naging santong bayani
sa panahon ni Duterte
ito’y di nakabubuti
"kill! kill! kill!” anang pangulo
bukambibig: "I will kill you!"
wala nang due process of law
patay doon, patay dito
buhay na’y di nirespeto
ang pangulo'y pumapatay
wala bang paki sa buhay?
laksa-laksa na’y binistay
libu-libo na ang nahimlay
kayraming lumuhang inay
namunong trapo’y kuhila
ninenegosyo ang bansa
nagsamantala sa dukha
manggagawa'y kinawawa
pagkakapantay pa'y wala
binaboy ang karapatan
binago ang kasaysayan
ngunit di dapat payagan
na mismong dangal ng bayan
ay unti-unting yurakan
tama na ang kahirapan
sobra na ang karukhaan
na aming nararanasan
panahon nang mapalitan
ang sistema ng lipunan
lipunang hati sa uri
di na dapat mamalagi
wakasan nating masidhi
ang pribadong pag-aari’t
elitistang paghahari
kapitalismo'y sumira
sa buhay ng mga dukha
kayraming gutom, kawawa
sistema'y dapat magiba
sapagkat kasumpa-sumpa
hustisyang pang-ekonomya
ay dapat kamtin ng masa
ito'y makakamit lang ba
pag nabago ang sistema?
kung lahat, kumakain na?
wakasan ang kahirapan
wakasan ang karahasan
karapatan, ipaglaban
nawa'y makamit ng bayan
ang pangarap na lipunan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento