sariwain ang kagitingan ni Ka Popoy Lagman
elitistang paghahari'y dapat nating labanan
lalo't banta ng pasismo ng estado'y nariyan
na maaaring magdulot ng laksang kamatayan
ang pamana ni Ka Popoy sa uring manggagawa
ay mga dalisay na aral na sadyang dakila
anya'y organisahin ang hukbong mapagpalaya
pagtayo ng sosyalistang lipunan ay ihanda
dapat nang durugin ang elitistang paghahari
silang sakim sa lupain, pribadong pag-aari
lalo't nasa pamahalaan din silang tiwali
ito sa laksang dukha'y tunay na nakamumuhi
mahigpit nating tinutuligsa ang pamamaslang
ng bagong gobyernong kayraming buhay na inutang
laksang inosente'y binulagta dahil tinokbang
banta ng pasismo'y naging binhi sa lupang tigang
paninibasib ng kapitalismo'y nasa rurok
kaya ang lipunang ito'y sinawi't inuuk-ok
sigaw ng madla: baguhin na ang sistemang bulok
at mga walang pag-aari'y ilagay sa tuktok
- tula’t litrato ni gregbituinjr. / 020617
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento