Biyernes, Pebrero 3, 2017

Pagninilay ng isang dukha sa Kalye Mayaman

PAGNINILAY NG ISANG DUKHA SA KALYE MAYAMAN

bakit sa bayan ko'y kayrami nang naghihikahos
umunlad ang iilan, mayorya'y buhay-busabos
may pagkakataon bang guminhawa't makaraos
ang dukhang nagdurusa, sawi’t laging kinakapos

bakit turing ng marami, iyang dukha'y pusakal
habang sa iba, tila banal ang trapong kriminal
bakit asal ng ilan, mabaho pa sa imburnal
at sa iba pagpapakatao’y dapat na asal

bakit di binabayarang tama ang manggagawa
kaybaba ng presyo ng kanilang lakas-paggawa
bakit tinatanggalan ng bahay ang mga dukha
pinapalayas sa lungsod na tila baga daga

dama mong sistemang bulok ay tigib ng pasakit
kailangang mag-aklas kahit nais mong pumikit
upang pansamantalang di masilayan ang lupit
ng sistemang kayraming ginhawang ipinagkait

- tula’t litrato ni gregbituinjr.

Walang komento: