PAG-IBIG SA ISANG SANGRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
dinadalaw akong lagi sa aking panaginip
ng larawan mo, Sangre Danaya, sa puso't isip
kung bakit ikaw ang sinisinta'y di ko malirip
ngunit sa puso ko'y ligaya kang kahalukipkip
hanga ako sa iyong galing sa pakikidigma
sa arnis, katunggali'y tiyak kakain ng lupa
anong tamis ng iyong ngiti, mahal kong diwata
kaakit-akit kahit marami kang kasagupa
sa panawagang hustisya'y tunay kang inspirasyon
pagkat magkatugma tayo ng mithi't nilalayon
sa aming mundo'y kayraming dapat tugunang hamon
lalo't pinapaslang akala'y buhay na patapon
atas ng nakaupo'y walang habas na pagpatay
walang paggalang sa karapatang pantao't buhay
at nais din nilang ibalik ang parusang bitay
at ituring na kriminal ang batang walang malay
walang proseso, walang patumanggang karahasan
sa daigdig naming tila walang pagmamahalan
sa mundo mo'y batid kong iyong ipinaglalaban
dapat makatarungang palakad sa mamamayan
isang aktibista't isang diwata'y tumitindig
para sa hustisya't layuning dulot ng pag-ibig
kaya paghanga sa iyo sa puso ko'y pumintig
ikaw, aking diwata, ang nais kong makaniig
pagkat sa pagtudla mo puso ko ang tinamaan
iwing mong ganda't tapang ano't di ko maiwasan
ang prinsipyo't tindig mo'y tunay kong hinahangaan
hangad kong makasama ka, O, diwata kong hirang
ilang bundok ma'y tatawirin ko, Sangre Danaya
karagatan ma'y lalanguyin, makita lang kita
tayo na'y magsama sa anumang pakikibaka
nang kamtin ng ating mundo ang asam na hustisya
* binasa ang tulang ito sa isang kulturang pagtatanghal na pinangunahan ng grupong KAUSAP (Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan) na ginanap sa Rizal Park Open Air Auditorium, Pebrero 17, 2017, araw ng Biyernes
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento