Miyerkules, Pebrero 15, 2017
Babalik din at babalik ang mga estudyante
BABALIK DIN AT BABALIK ANG MGA ESTUDYANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"The students will come back again and again... and again." ~ Lean Alejandro
patuloy ang mga mag-aaral na prinsipyado
sa pakikibaka taglay ang maraming konsepto
sa pangarap na lipunang tunay na makatao
diktadura'y haharapin humantong man sa dulo
estudyante'y nagsipaglabasan sa pamantasan
pagkat nais nilang paglingkuran ang sambayanan
pinapangarap nila'y pantay-pantay na lipunan
nais nilang lipunang makatao'y ipaglaban
marami pa ring naghihirap sa lungsod at liblib
pagkat diktadura'y patuloy na naninibasib
estudyanteng kumikilos kaharap ay panganib
ang paglingkuran ang bayan sa puso nila'y tigib
nandadaluhong ang burukrata-kapitalismo
magsasaka'y walang lupa dahil sa pyudalismo
patuloy nilang babakahin ang imperyalismo
nang marating ng bayan ang asam na sosyalismo
babalik din at babalik ang mga estudyante
at handang makibaka't yugyugin ang laksang peste
sa bayang dinuhagi ng diktadura't biningi
ng mga hinaing pagkat masa'y di mapakali
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento