Linggo, Agosto 14, 2016

Patayin ang droga, hindi ang tao

PATAYIN ANG DROGA, HINDI ANG TAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naglipana sa bansa ang mga sugapa
sa drogang kaulayaw nilang tila sumpa
maysakit sila't dapat lang inuunawa
alam naman nila anong mali sa tama

subalit bakit sa labi'y namumutawi
nag-iba na ang unawa sa tama't mali
bakit ba sa droga sila'y nananatili?
bakit ba ang buhay nila'y pinadadali?

ang sistema ba ng lipunan ang dahilan?
nagdodroga ba upang gutom ay maibsan?
tanggap ba nilang sila'y latak ng lipunan?
walang makitang magandang kinabukasan?

sa pagtanggal ng droga'y walang pagtatalo
patayin na ang droga, ngunit di ang tao
bakasakaling mga sugapa'y magbago
at karapatang pantao'y nirerespeto

Walang komento: