ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
sa pagtitig ni Medusa'y nagiging bato
ang sugapang sa mga bato nagkagusto
animo'y grabang nagsama-sama ng husto
tulala, kaipala'y magngingising aso
hahalakhak ay biglang magiging seryoso
aandap-andap ang kanilang mga titig
tila si Medusa'y naroong nakatindig
ang taumbayan kaya'y kanino papanig
sa sugapang sa mga bato nagpalupig
o sa sambayanang sa kanila'y umusig
nagiging bato sa pagtitig ni Medusa
madalas sa sarili'y nawawala sila
nagiging halang na ang puso't kaluluwa
putla na't namayat, nanlalaki ang mata
animo'y pating ang tingin sa lumba-lumba
sa titig ni Medusa ba'y mayroong lunas
o dapat si Medusa'y tuluyang mautas
bunutin ang ugat at tiyak malulutas
nang di maging bato ang madla, pati pantas
nang di masira ang pangarap nila't bukas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento