Lunes, Hunyo 27, 2016

Sa pagpihit ng sitwasyon

SA PAGPIHIT NG SITWASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taudtod

anong dapat nating gawin sa ganitong sitwasyon
tanong nitong kabataang mapagsuri't may layon
pulos katiwalian sa daang matuwid noon
pulos pagpaslang sa mga sangkot sa droga ngayon

bakit kayrami ng ahas sa gobyernong patapon
gaano ba kahanda sa pagpihit ng sitwasyon
bakit kayraming kabataang sa droga nagumon
bakit tumindi ang pagitan ng wala't mayroon

sa nagbabagong kalagayan, kayrami ng tanong
marami sa madla sa sarili'y bubulong-bulong
kung sa mga problema gobyerno'y urong-sulong
ang taumbayan ba'y kanino na dapat magsuplong

nahaharap itong bayan sa panibagong hamon
uring manggagawa ba'y aasahan pang bumangon

Walang komento: