MAGSISIPAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taudtod
kayrami muli nilang mga magsisipagtapos
maghahanap ng trabaho't sa dunong na'y di kapos
sa laot ng buhay ay sasagasa na sa aagos
ang makatapos sa kolehiyo'y may bagong puntos
upang bakasakaling karukhaan na'y matapos
kadalasan sa barkada'y magsisipag-inuman
baka sulirani'y mahanapan ng kalutasan
sa alak manghihiram muna ng kapayapaan
lango man sa luho yaong naghahari-harian
dukha’y nagsasaya rin sa gitna ng karukhaan
sakaling sa payapang ilog magsisipaglangoy
damhin natin ang lamig na sa puso'y umuugoy
at baka manariwa ang balat na nanguluntoy
at kung sa pagtingala'y may makita tayong banoy
isiping may pag-asa't tugon sa bawat panaghoy
sa bulok na burgesya, tayo'y magsisipaglaban
upang mapangyurak na sistema nila'y palitan
sapagkat nilalabag ang batayang karapatan
ng bawat indibidwal, ng masa, ng taumbayan
lalaban tayo't di basta magsisipagtakbuhan
upang tamuhin ang pag-unlad ako'y magsisipag
magbabanat ng buto, habang walang nilalabag
sa lipunang ito'y mahirap maging pipi't bulag
kaya kadalasan kailangan mo ring pumalag
ngunit ingat sinong hunyango ang dapat ibunyag
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento