Huwebes, Marso 31, 2016

Ang bilin ng bayani

ANG BILIN NG BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

may isang bayaning diwa'y nawatas
na may bilin palang para sa bukas
anya, ang naiiwan nating bakas
ay kasaysayan ng ating lumipas

tila ang bayani'y tunay na pantas
pananalita'y nagsisilbing lakas
sa bayang may kabayanihang likas
sa sanlahing may prinsipyong matikas

panahon na upang pagkaisahin
yaring madlang may isang adhikain
sa pagharap sa mga suliranin
sama-sama natin itong lutasin

ang naiwang bakas ng nakaraan
ay aral para sa kasalukuyan
bilin: lupigin ang mga gahaman
at baguhin ang bulok na lipunan

Martes, Marso 29, 2016

Patuloy ang lumbay ng dalita at sindak

PATULOY ANG LUMBAY NG DALITA AT SINDAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy ang lumbay ng dalita at sindak
doon sa sabanang di nila tinatahak
kaytaas ng talahib, di mga pinitak
habang yaong dukha'y gumagapang sa lusak

di dapat matakot sa sariling anino
kung matino ang asal ng burgesya't trapo
hukbo ng mandirigma ang mga obrero
na papaslang sa salot na kapitalismo

di nila magigiba ang prinsipyong angkin
pagkat ang dukha'y di nila mga alipin
paroon sa pangarap na handang tahakin
magkasugat-sugat man ay handang tiisin

makakaya natin ang daratal na unos
di tayo papayag muling maging busabos

Linggo, Marso 27, 2016

Laging balais ang pakiramdam

LAGING BALAIS ANG PAKIRAMDAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ano't laging balais iring pakiramdam
nais laging umalis sa iwing tahanan
di mapakali't may gunitang tatakasan?
aba'y ang puwit nga'y tila sinisilihan

ano't di maapula ang pagkabalais
ng katawang nais nang laging tumalilis
tuliro't di malaman ang dumadalisdis
sa diwa't pusong di nakakayang matiis

bumuntonghiningang saglit, magnilay-nilay
aba'y kaysarap ng nasa sariling bahay
at kung may ligalig na nadaramang tunay
aba'y pag-usapan ang mga bagay-bagay

kung isang dalaga man ang iyong nabuntis
maigi'y pag-usapan ninyong magkadais
di sasalang may lunas na di magmimintis
at angking pang-unawa'y may kung anong tamis

Huwebes, Marso 24, 2016

Ang nasa isip lagi'y paano tumubo

ANG NASA ISIP LAGI'Y PAANO TUMUBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang nasa isip lagi'y paano tumubo
ang puhunan at inaalagaang luho
dugo man ng obrero'y tuluyang mabubo
sa pagkamal ng tubo'y hindi humihinto

lupang sakahan ay ginawang subdibisyon
tuluyang niyakap yaong globalisasyon
pilit na nilunok kahit pribatisasyon
mang-aapi manalo lang sa kumpetisyon

manggagawa'y di aambunan kahit mumo
pagawaan daw ay pag-aaring pribado
kaya di raw dapat umangal ang obrero
ganyan makapanlamang sa kapwa ang tuso

kung manggagawa'y pinagagapang sa lusak
tingin ng trapo’t burgesyang sila'y mautak
ah, tama lang na lipunang ito'y ibagsak
kaysa pamunuan ng mga linta't tunggak

Huwebes, Marso 17, 2016

Ang sertipiko

ANG SERTIPIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

isang sertipiko ang pinakita ko kay Ina
tandang nakatapos sa dinaluhang kumperensya
habang naglilinis ng kasangkapan, sinabi niya
na ito'y ipaseroks ko't bigyan siya ng kopya

aba'y iniipon pala ni Ina ang ganito
tulad ng diploma nila't ng mga kapatid ko
na sa aming bahay ay maayos na nakakwadro
tandang nagsikap sila't nagtapos ng kolehiyo

sertipikong iniipon, ipinagmamalaki
patunay na mga anak ay nagsikap mabuti
maraming salamat, Ina, sa inyong pag-intindi
ni Ama sa amin nang lumaki kaming may silbi

* Humingi ng kopya ang aking ina ng sertipikong natanggap ko matapos ang tatlong araw na Climate Reality Leadership Corps Training na ginanap sa Sofitel sa Lungsod ng Pasay mula Marso 14-16, 2016.

Miyerkules, Marso 16, 2016

Pag-aabang sa pag-asa

PAG-AABANG SA PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy ang pag-aabang sa pag-asang parating
ang oong asam ba'y ibibigay ng dalaginding
kayraming suliranin sa mundo ang kawing-kawing
na di madalumat kahit sa pagitan ng dingding
puyat sa magdamag ay nananatili pang gising
kay-ilap ng inaasam kaya pailing-iling
ang pangarap bang minumutya'y magiging kasiping
o ang sawing pag-ibig ay panahon nang ilibing

Martes, Marso 15, 2016

Matalulot na halik

MATALULOT NA HALIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

bigla kong hinagkan ang dilag
na sa puso ko’y nagpapitlag
bumuhay sa buhay kong hungkag

pangarap siya’t minumutya
kahit hirin sa dusa’t luha
na sa puso ko’y dumaragsa

ngunit sampal yaong inabot
sapagkat walang pahintulot
ang paghalik kong matalulot

Paglalakad sa kawalan

PAGLALAKAD SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

naglalakad ako sa kawalan
tila isip ay nadirimlan
nagbabaha na sa lansangan
dahil sa malakas na ulan
ngayon, tila nabubusalan
bawat salitan gkinagisnan
paano ba malulunasan
ang nangyari sa daigdigan
kung tayo’y walang pakialam

Kung maging kandila sa dilim

KUNG MAGING KANDILA SA DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kung maging kandila sa dilim
sa panahong puno ng lagim
yaon na’y tugon sa panimdim
at mga karima-rimarim
na nangyaring di mailihim

kung maging kandila sa dilim
animo tayo’y nasa lilim
lalo’t rosas ang nasisimsim
ng pusong dalisay ang lalim

Di kasalanang maging dukha

DI KASALANANG MAGING DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 na pantig bawat taludtod

kasalanan na ba ng dukha
ang kanyang pagdaralita
ang pagiging dukha ba’ysumpa
kaya sila napariwara
dahil ba kami’y walang-wala
ay tuturingang hampaslupa
sinilang kaming walang lupa
ngunit ang dusa’y timba-timba
ah, ang maging dukha’y di sala

Biyernes, Marso 11, 2016

Ang payo ng langit

ANG PAYO NG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang payo ng langit, kapag lumalangitngit
may palasong paparating, humahaginit
mula mandirigmang nag-aapoy sa ngitngit
na hiyaw sa katahimikan pumupunit

payo ng langit, huwag sabayan ang poot
baka buhay ay lalong magkalagot-lagot
mahinahong pag-usapan anumang gusot
at makararating din sa angkop na sagot

Dumudulog ang bulkan

DUMUDULOG ANG BULKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dumudulog ang bulkan upang kumawala
sa kapangyarihang di nito matingkala
nais ibuga ang hinanakit at luha
subalit di magawa't kawawa ang madla

maigi nang sa lunan niya'y manahimik
kaysa bumuga pa ng sangkaterbang lintik
sa aserong init ang galit niya'y hitik
poot na sa mga ganid sana tumalsik

nawa'y pumayapa ang kanyang kalooban
sa poot niya madla'y walang kinalaman
kay Bathala isumbong ang nararamdaman
at kakamtin din ang hangad na kalutasan

Huwebes, Marso 10, 2016

Ang bantay sa swimming pool

ANG BANTAY SA SWIMMING POOL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

naroroon ang bantay sa swimming pool, nakatanod
mga bata'y binabantayan upang di malunod
mabuti't may nagbabantay, at di lang nakatanghod
nasasa isip ay kaligtasan, nakalulugod

ang kaligtasan sa tubig ay dapat nasa isip
na sakaling may mangyari'y agad makasasagip
kung may bantay at may nalunod pa rin, di malirip
kung bantay ba'y di alisto o biglang nakaidlip

Miyerkules, Marso 9, 2016

Tangan nila ang mga bandilang Oriang

TANGAN NILA ANG MGA BANDILANG ORIANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tangan nila ang mga bandilang Oriang
simbolo ng Lakambini ng Katipunan
noong Marso Otso'y nagrali sa lansangan
pinakita ang lakas ng kababaihan

may pitong laban pa silang ikinakasa
para sa kababaihan, para sa masa
mga isyung laban sa bulok na sistema
na dapat malutas at kamtin ang hustisya

mabuhay kayo, mga kasama't kapatid
magkaisa upang lutasin ang balakid
sa lipunang sa dilim tayo binubulid
salamat, bagong pag-asa ang inyong hatid

Martes, Marso 8, 2016

Ang binibining iyon

ANG BINIBINING IYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang binibining iyon, ah, ang binibining iyon
sa aking panaginip ay laging naglilimayon
naroong dinuduyan ng magdamag at maghapon
ah, dama ko ang saya kahit pangarap lang yaon

at doon sa silid na aking pinagninilayan
kariktan niya'y tagos sa aking kaibuturan
kahit buhay ko'y tinigib ng dusa't kalumbayan
ngunit ang binibining iyon, ah, kaligayahan

sana'y maging totoo ang marikit kong diwata
upang alayan ko ng bituin ang minumutya
nawa'y di na ako muling magdusa pa't lumuha
at makamtan din ang ligayang kaytagal nawala

ang binibining iyong magpapalaya sa akin
mula sa sanlaksang lumbay na sa akin umangkin

Lunes, Marso 7, 2016

Itayo ang gobyerno ng masa

ITAYO ANG GOBYERNO NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sinusungkit ng anino yaong mga tiwali
dinadagit upang di makabalik na mag-uli
upang ang naghihirap naman ang magsipagwagi
sa pagtutunggaling ito ng magkalabang uri

itayo ang gobyerno ng masa, iya’y hinaing
ng mga dukhang gutom pagkat walang maisaing
nangangarap silang may pag-asa pang paparating
kung buong masa'y magkakapitbisig na magaling

Sabado, Marso 5, 2016

Paghihintay ni Bantay

PAGHIHINTAY NI BANTAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagmamahal sa kanya'y kaytagal hinintay
upang muli niya itong makaagapay
sa maraming bagyo't suliranin sa buhay
bakas sa mukha ang pag-asang sumisilay

Biyernes, Marso 4, 2016

Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal

PALAYAIN ANG LAHAT NG BILANGGONG PULITIKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal
sila'y lumaban para sa bayan at di kriminal
ikulong nyo'y pulitikong sa kurapsyon pusakal
lalo yaong mga ganid sa tubo’t trapong hangal

silang bilanggong pulitikal dapat palayain
sa obrero't dukha'y mga bayani silang turing
silang nakibaka para bayan ay palayain
mula sa kuko nitong mperyalismong salarin

bilanggong pulitikal, may prinsipyo, ikinulong
habang sa tiwali'y gobyerno pa ang nagkakanlong
ang pagpapalaya sa kanila'y ating isulong
silang aktibistang lumaban sa burgesyang buhong

Huwebes, Marso 3, 2016

Minsan, sa FB

MINSAN, SA FB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

may isang taong nagalit
inimbitahan lang, nagsungit
may ugali palang pangit
kaibigang anong lupit
simpleng bagay ay nagngitngit

pagpapakatao'y wala
pakikipagkapwa'y sumpa
di kayang magpakumbaba
santambak kasi ang muta
nakita sa dusa'y tuwa

* FB - FaceBook

Martes, Marso 1, 2016

Sa minumutya

SA MINUMUTYA
15 pantig bawat taludtod

isinuot ko ang ngiting binigay mo sa akin
na nagbigay ng pag-asa upang aking harapin
ang samutsaring pagsubok at laksang suliranin
nang masayang lutasin ito't huwag didibdibin

isinuot ko ang ngiting sa akin ay bigay mo
kaya sa araw-gabi'y tunay akong inspirado
tila naglalambing ang ulap sa himpapawid ko
pati ibon sa pagsinta'y nagpapasirko-sirko

isinuot ko ang binigay mo sa aking ngiti
tila akin nang nakamtan ang pangarap ko't mithi
gayon man, hindi pa sadya, kaya ako'y masidhi
na gawin ang lahat bagamat hangad ko ma'y munti

isinuot ko ang magandang ngiti mong binigay
di ko ito huhubarin tayo ma'y magkawalay
sa iyo'y aking handog lahat ng aking tagumpay
dama ko na ang saya't matamis akong hihimlay

- gregbituinjr.