Lunes, Nobyembre 23, 2015

Kumakagat ang lamig habang kagat ang mansanas

KUMAKAGAT ANG LAMIG HABANG KAGAT ANG MANSANAS
Paa’t diwa’y humahakbang sa panahong taglagas
Kumakagat ang lamig habang kagat ang mansanas
Nanunuot sa kalamnan, tumatagos sa swelas
Ugat ay dapat gisingin ng marubdob na ningas

Ako’y sandaling tumigil at baka may kuliglig
Marahil dahil sa ginaw ay di sila marinig
O marahil sila’y sadyang wala, di maulinig
Pagkat sila’y nagsilikas na’t di angkop sa lamig

Ang tanging naririnig na’y ang himig niring puso
Kaya pang maglakad, nilalamig man yaring dugo
Ang adhikain sa puso’t diwa’y di maglalaho
Pagkat nilalakad ay para sa bayan at mundo

Nilalamig man, mansanas na kagat ay naubos
Habang sa diwa ko mga kasama’y lumalagos
Mahabang paglalakad ma’y di pa matapos-tapos
Ramdam kong adhikaing tangan ay di mauupos

- gregbituinjr, sa bayan ng Cheateau Landon sa Pransya, 23 Nobyembre 2015

Sabado, Nobyembre 21, 2015

Pagdama sa pintig ng puso't hininga

PAGDAMA SA PINTIG NG PUSO'T HININGA

Ating damhin, di ang bilis ng paa
Kundi ang pintig ng puso't hininga
Tumatalim ang nagbabagong klima
Klimang lumalamig at nagbabaga

Sa malayong pook kami’y napadpad
Upang mga pangyayari’y malantad
Sigwa’t unos na laging bumubungad
Trahedya nito sa iba’y malahad

Rumagasa ang Ondoy at Yolanda
Maraming bayang sinalpok ng Glenda
Sendong, Pedring, binaha ang kalsada
Kayraming namatay at nasalanta

Paano aangkop at maghahanda
Ang bayang dinadaluhong ng sigwa
Ah, kaylalim, tumatagos ngang pawa
Sa kaibuturan ng puso't diwa

Santambak na ang kuro’t mga lumot
Iba na ang timpla ng saya’t lungkot
Ngumingiti kahit nabuburaot
Di malimi kung anong masasambot

Bawat isa’y magkakasamang buo
Nagbabaga man ang sigwang bubugso
Patuloy ang lakad ng buong puso
Para sa bayan at mahal na bunso

- gregbituinjr, kinatha sa bayan ng La Charite sur Loire sa Pransya, 21 Nobyembre, 2015

Martes, Nobyembre 17, 2015

Maligayang kaarawan po, Itay

MALIGAYANG KAARAWAN PO, ITAY
Bumabati po ako, malayo man,
Itay, ng maligayang kaarawan
Nawa’y nasa mabuting kalagayan
At maayos ang inyong kalusugan

Kayo’y aking inspirasyon ni Inay
Sa bawat akda’t mga paglalakbay
Mga payo nyo’y mabubuting tunay
Na sa araw at gabi’y aking gabay

Sa inyo, Itay, maraming salamat
Pagkat pinalaki nyo kaming mulat
Sa lipunan ay nanatiling dilat
Sa dunong ay di kami nagsasalat

Natatangi kayong ama sa mundo
Itay, maligayang kaarawan po

-gregbituinjr
17 Nobyembre 2015,
Kinatha sa bahay ng aming host sa nayon ng Versaugues, malapit sa bayan ng Paray le Monial, sa France
#ClimateWalk #ClimatePilgrimage

Linggo, Nobyembre 15, 2015

Panawagang katarungan sa Paris

PANAWAGANG KATARUNGAN SA PARIS

Nasagap naming ulat ay sadyang nakagigitla
Ang lungsod ng Paris ay nabubo ng dugo’t luha
Kayraming inosenteng buhay yaong nangawala
Ah, nakalulungkot mabatid ang gayong balita

Pati pamilya namin ay tunay ngang nag-alala
Kaya maagap na tugon ay agad pinadala
Wala pa sa Paris, ipinaalam sa kanila
Kami pong naglalakad ay malayo sa disgrasya

At ipinapanawagan naming dapat makamtan
Ng mga inosenteng biktima ang katarungan
Patuloy na maglalakad, sa dibdib may takot man
Hanggang maabot namin bawat adhikaing tangan

- gregbituinjr
Kinatha sa banal na nayon ng Taize sa France, 15 Nobyembre 2015

Masukal ang lansangan patungong Taize

MASUKAL ANG LANSANGAN PATUNGONG TAIZE

Masukal ang lansangan patungong Taize
Umagang sabik kaming umalis ng Cluny
Labing-isang kilometro, dumating kami
Bago magpananghali, buti’t di ginabi

Dinaanan namin ay dawag, kabukiran
Akyat-baba, tambak ang dahong naglaglagan
Rantso, kayraming bakang inaalagaan
Hanggang ang tinahak na’y gilid ng lansangan

Sa banal na nayon ng Taize tumigil
At isinuko roon anumang hilahil
Sa aming adhika’y walang makapipigil
Lalo’t hustisyang pangklima ang umukilkil

Di ko malilimot ang nayon ng Taize
Ang pagdatal dito’y ipinagmamalaki
Banal na nayong nagsisilbi sa marami
Sana dito’y makabalik pa muli kami

-gregbituinjr
Kinatha sa banal na nayon ng Taize, sa France, 14 Nobyembre 2015


Sabado, Nobyembre 14, 2015

Gabi’y kaylamig sa Cluny

GABI’Y KAYLAMIG SA CLUNY

Gabi’y kaylamig sa Cluny, kaysarap ng kwentuhan
Malugod kaming tinanggap sa kanilang tahanan
Napag-usapan ang lugar, pati na kasaysayan
Cluny’y naitayo sampung siglong nakararaan

Maraming salamat, tinanggap kaming anong tamis
Lalo’t kami’y kinupkop ng pamilya Nozieres
Tahanan nila sa Cluny’y pagmasdan mo’t kaylinis
Kapara’y puso nilang sa diwa’y di mapapalis

- gregbituinjr
Kinatha sa bahay na aming tinuluyan sa Cluny, France, 14 Nobyembre 2015


Biyernes, Nobyembre 13, 2015

Paglalakad sa taglagas

PAGLALAKAD SA TAGLAGAS

Di tulad sa Climate Walk, kaiba ang paglalakad
Sa panahong taglagas ay lamig ang tumatambad
Sa katawan at diwang tila ba inilalahad
Na magtatagumpay din kapag mabuti ang hangad

Lamig ang kalaban, dapat huwag kang masiphayo
Pagkat makararating din kung saan patutungo
Sa bawat hakbang sa taglagas tayo’y di susuko
Lalo’t adhikain ay nasa loob, diwa’t puso

- gregbituinjr
Kinatha sa Paroisse de Cluny – Saint Benoit, sa bayan ng Cluny sa France, 13 Nobyembre 2015

Payapa ang umaga sa Macon

PAYAPA ANG UMAGA SA MACON

Payapa ang umaga sa Macon
Dumilat, unti-unting bumangon
Naglalaglagan ang mga dahon
Ramdam na ang taglagas na iyon

Ngayon, maglalakad muli kami
At tutungo sa bayan ng Cluny
Sa daan ay magdidili-dili
At nawa’y di abutin ng gabi

- gregbituinjr
Kinatha bago maglakad tangan ang bandera ng People's Pilgrimage
13 Nobyembre 2015

Martes, Nobyembre 10, 2015

Sining sa dingding

SINING SA DINGDING

Naroon kami’t sumama sa pagpinta sa dingding
Tulong-tulong upang malikha ang kaygandang sining
Ipininta ang larawan ng batang anong lambing
Upang dakilang mensahe sa madla’y maparating

Kung nagtatanim na ng halaman kahit bata man
Inihahasik na’y pag-asa ng kinabukasan
Hangin, karagatan, lupain, kapwa, kalikasan
Ay dapat pagtulungan na nating pangalagaan

Panahon nang higitan natin ang pulos salita
Dapat nang magsikilos at ipakita sa gawa
Ang pagiging handa sa mga daratal na sigwa
Huwag ding pabayaan ang hayop nating alaga

Pakatitigan ang sining, may ipinaaabot
Mga suliranin gaano man kasalimuot
Paglutas sa problema’y di dapat pulos palusot
Maliit mang pagkilos, may magandang idudulot

- gregbituinjr
10 Nobyembre 2015, sa Espace Protestant Theodore Monod sa Lyon, France
Ang nasabing pagpipinta sa dingding ay pinangungunahan ni AG Sano

Lunes, Nobyembre 9, 2015

Karangalang makasama sa Climate Pilgrimage

KARANGALANG MAKASAMA SA CLIMATE PILGRIMAGE

Nang ako’y mapili, aba’y isa nang karangalan
Ang pagkapiling ito’y di ko dapat pabayaan
Pagkat pagkakataong ganito’y bihira lamang
Tulad ng agilang bihira na sa kalawakan.

Taos-pusong pasasalamat sa mga tumulong
At sa misyong ito’y nabigyan ng pagkakataon
Upang panawagang “Climate Justice” ay maisulong
Kinatawan ng bansa, at sa Paris paparoon

Sa bawat kasama sa Climate Pilgrimage na ito
Ang bawat hinahakbang natin ay para sa mundo
Sa mga di nakasama, kaisa namin kayo
Sa diwa’t niloloob ay nagkakaisa tayo

Kaya sa inyo, mabuhay kayo, mga kapatid
Pagbabago ng mundo’t sistema ang ating hatid
Pagkat habang bulok na sistema itong balakid
Ah, kayrami pang buhay ang tiyak  na mapapatid

Layunin nitong Climate Pilgrimage patungong Paris
Sa mga lider ng mga bansa’y maisaboses
Init ng mundo’y huwag madagdagan ng two degrees
Bulnerableng bansa’y sagipin sa pagmamalabis

Dapat magkaisa sa paghahanap ng solusyon
Bago pa ang mundo’y maging isang tila kabaong
Sa panawagan ng mamamayan ng mundo ngayon
Ay dapat nang makinig ang mga lider ng nasyon

- gregbituinjr
9 Nobyembre 2015, sa tanggapan ng Espace Protestant Theodore Monod, sa Lyon, France

Pagdatal sa bunganga ng Lyon

PAGDATAL SA BUNGANGA NG LYON

Biglaan, di ko inaasahang makararating
Sa bunganga ng Lyon na tila sumisingasing
Habang mga tao’y sinalubong akong kaylambing
Tila ako’y bumangon sa kayhabang pagkahimbing

Narito na po sa Lyon ang inyong anak, Inay
Handa po sa layuning nasa balikat na tunay
Habang nasa eroplano pa’y aking naninilay
Ang sakripisyo’t pag-asang dapat ipagtagumpay

Sa mga taga-Lyon, Pilipino man o Pranses
Maraming salamat sa pagtanggap nyong anong tamis
Para sa dakilang layunin ay handang magtiis
Sa aming dibdib, pagmamahal nyo’y di maaalis

Nag-aalab ang damdaming maglalakad ng Lyon
Patungong Paris habang tangan yaong nilalayon
Nawa’y magkaisa na ang mamamayan at nasyon
Upang suliranin sa klima’y mabigyang solusyon

-gregbituinjr
9 Nobyembre 2015, sa bahay ng pamilya Curvers malapit sa Parc Chamvolet sa Lyon, France

Pagninilay sa Lyon

PAGNINILAY SA LYON

Napapatitig sa anong gandang panahon
Siyang tunay, nandito na ako sa Lyon
Aba’y di na ito panaginip sa hapon
Kinurot ko ang kutis, narito nga ngayon
Handang tahakin ang nag-aalab na layon.

Sa buong mundo’y isisigaw: “Climate Justice!”
Ang mga bansa’y di dapat Climate Just-Tiis!
Dapat nang pigilan yaong nagmamalabis
Sa emisyon na sa marami’y tumitiris
Tayo’y kumilos para sa mundong malinis.

Hanging malinis, di polusyon ang malanghap
Dagat na malinis, di tapunan ng iskrap
Lupaing malinis,  di miniminang ganap
Pusong malinis, di pulos tubo ang hanap
At bawat isa’y sama-samang lumilingap.

- gregbituinjr
madaling araw ng Nobyembre 9, 2015
kinatha sa bahay ng pamilya Morlac, Lyon, France

Linggo, Nobyembre 8, 2015

Payo ni Inay

PAYO NI INAY

"Anak, huwag mong kalilimutang magpasalamat
Sa lahat ng mga biyayang iyong natatanggap
Saan ka man pumunta at sa iyo'y may lumingap
Pasalamatan ang buti nilang iyong nalasap."

Payo ni Inay ay mahalaga sa pagkatao
Dignidad at pakikipagkapwa'y dapat taglay mo
Saanman makisalamuha, doon man o dito
Mga payo niya'y para sa ikabubuti ko

Lalo na ngayong nasa malayo akong lupain
Mga payo't bilin niya'y di ko dapat limutin
Lalo sa pagharap sa daratal mang suliranin
Loob ko'y malakas na bawat sigwa'y sagupain

Maraming salamat po, Inay, sa bawat mong payo
Tunay ngang ayaw mong sa karimlan ako tumungo

- gregbituinjr
8 Nobyembre 2015
Lyon, France

Miyerkules, Nobyembre 4, 2015

Di tayo lingkodbayan upang paglingkuran

DI TAYO LINGKODBAYAN UPANG PAGLINGKURAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga lingkodbayan tayong malalakas ang tuhod
na sa problema ng masa'y di basta nakatanghod
lingkodbayan tayong dapat tapat sa paglilingkod
upang serbisyo'y kamtin ng madla't sila'y malugod

sapagkat lingkod bayan tayong kanilang alipin
tunay na nagsisilbi sa dukha't walang makain
ang paglilingkod ay di negosyong pagyayamanin
kundi pagharap sa suliraning dapat lutasin

bakit may mga dukha't pinagsasamantalahan
nitong mayayaman at may mga ari-arian
dahil may pribadong pag-aaring pinagyayabang
na siya ngang puno't dulo ng katampalasanan

kung ang paglilingkod natin ay tunay na masidhi
pawiin ang konsepto ng pribadong pag-aari
nang mapawi na rin ang pagkakahati sa uri
pag-aaring di sagrado’y dapat ipamahagi

di tayo naging lingkodbayan upang paglingkuran
tayo'y lingkodbayan dahil naglilingkod sa bayan
di tayo boss o amo ng dukha't nahihirapan
pagkat tayo'y dapat nagsisilbi sa sambayanan

Martes, Nobyembre 3, 2015

Paglalakbay para sa manggagawa

PAGLALAKBAY PARA SA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

manlalakbay akong wala ni sariling tahanan
lakad ng lakad na tila walang patutunguhan
tinatagos ang mga ilog, dagat at kabundukan
tinatahak ang sementado't maputik na daan
nasa'y matayo ang makamanggagawang lipunan

kasama sa pag-oorganisa ng manggagawa
bilang uri't matatag na hukbong mapagpalaya
na laging nakaharap sa rumaragasang sigwa
silang hukbo ng obrero ang kawal na gigiba
sa bayang tiwali ng mapang-api't mapangutya

uring manggagawa silang mapagpalayang hukbo
pulu-pulutong at briga-brigadang matitino
handang dumurog sa kapitalismong walang puso
upang pang-aapi'y wakasan sa ilaya't hulo
pagsasamantala'y pawiin sa lahat ng dako

manggagawang papawi sa pribadong pag-aari
pag-aaring pinagmamalaki ng hari't pari
pag-aaring dahilan ng karukhaang masidhi
siyang dahilan din ng pagkakahati sa uri
pribadong pag-aaring dapat tuluyang mapawi

yaman ng lipunan ay ipamahagi sa lahat
di dapat gawing pribado ang lupa, hangin, dagat
sa ganito'y dapat uring manggagawa'y mamulat
di baleng mayayaman ay mawalan ng ulirat
kaysa burgesya'y nagdiriwang, dukha'y nagsasalat

o, manggagawa, hukbong mapagpalaya, halina
lipunang makatao'y itayo nang sama-sama
bawat obrero'y patuloy nating iorganisa
at habang sila'y ating nakikita't nadarama
alam kong sa paglalakbay ko'y di na nag-iisa

Babae'y di paaapi

Mabuhay ang mga KABABAIHAN
pagkat di paaapi kaninuman
sarili'y handa nilang ipaglaban
talagang kanilang patutunayan:
babae'y di tanda ng kahinaan!

tulad ng mahal na ina, babae
di sila basta iiyak sa tabi
at kayang ipagtanggol ang sarili
di sila papayag na magpaapi
laban sa sinumang nananalbahe

- gregbituinjr.110315