Martes, Hulyo 7, 2015

Dukhâ man, may karapatan ding angkin

DUKHÂ MAN, MAY KARAPATAN DING ANGKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga basura yaong turing sa kanila
wala raw alam sa buhay at ekonomya
mga basurang sa mundo'y nananalasa
dukha sa ilalim ng ganitong sistema

kasalanan ba nilang sila'y naging tao
na kahirapan ang nakagisnan sa mundo
nagkataong nabuhay sa kapitalismo
na kahit masipag ay di umaasenso

hampaslupa, mga basura, batang hamog
sa kagutuman, tiyan nila'y nabubugbog
sa karukhaan, katawan pa'y nalalamog
sa nangyayari'y kanino sila dudulog?

lumalaki silang walang pinag-aralan
inaaral lang ay sariling karanasan
sa magiging anak, anong kinabukasan?
kung ang nangyayari'y palagi na lang ganyan

buong buhay nila'y dinaanan ng sigwa
minsan masaya, kalakhan ay pulos luha
pangarap din nila ang buhay na marangya
upang makaalpas naman sa pagkadukha

mga anak sana'y di danasin ang hirap
wala mang edukasyon, sila'y nagsisikap
pilit ginagagap ang karanasang lasap
pilit inuunawa ang lipunang ganap

mga basura yaong turing sa kanila
wala raw alam sa buhay at ekonomya
ngunit alam nila yaong buhay ng masa
at bakit dapat lumahok sa pulitika

itatakwil nila ang tusong pulitiko
pangarap nila ang totoong pagbabago
matitinô lang ang kanilang iboboto
makikipagkaisa sa uring obrero

mga basura man ang sa kanila'y turing
sa bilang nila, ang mundo'y babaligtarin
sila'y dukha man, may karapatan ding angkin
upang lipunan ay tuluyan nang baguhin

Walang komento: