Biyernes, Hulyo 31, 2015

Halina't magbasa

HALINA'T MAGBASA
16 pantig bawat taludtod

“Hindi mo kailangang magsunog ng mga aklat para lipulin ang isang kultura – ang kailangan lang ay huwag na itong basahin ng mga tao.” ~ Ray Bradbury

Halina't magbasa ng sarili nating mga aklat 
upang kultura ng bayan ay di naman inaalat!
Sa kasaysayan at kalinangan ay dapat mamulat
at matatagpuan ang sarili sa ating nabuklat!

- gregbituinjr.

Pasasalamat

PAGPAPASALAMAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hindi madaling bigkasin ang salitang salamat
kung wala ka namang dapat na ipagpasalamat
kung ang bunga ng paghihirap ay di pa masipat
kung balantukan pa rin ang iyong natamong sugat
kung pag-aatubili sa loob mo'y di masukat

pagkat salitang salamat ay kaysarap bigkasin
bilang isang pagtanaw ng utang na loob natin
sa mga nakatulong sa suliranin, usapin
gawa nilang kaybuti’y naukit sa saloobin
ang sukli natin ay salamat na di kayang bilhin

sa mga pinagpipitaganang nanay at tatay
kayong pinagkakautangan niring iwing buhay
salamat po sa maraming panahong ibinigay
ang pakikipagkapwa-tao'y itinurong tunay
upang magandang palad ay aming mapasakamay

Huwebes, Hulyo 30, 2015

Ang Pinoy Manunulat

Ang Pinoy Manunulat
Nananatiling tapat
Hindi man maging sikat
Sulat pa rin ng sulat
Ng akdang mapagmulat
Kahit na laging puyat
Ang Pinoy Manunulat

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 29, 2015

Isang dukhang manunulat

ISANG DUKHANG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Dukhang manunulat sa mata ng marami
Tila walang alam, namamayat sa tabi
Palagi pang nakatingala sa kisame
Tinititigan yaong kariktan ng gabi
Mukha pang tulala dahil kumain dili

Sinusulat yaong nadamang pagkasawi
Ang kaakuhan niya'y tila bali-bali
Bakit sa puso'y lumbay ang nananatili
Angaw-angaw ba yaong sa kanya'y nalugi
Sa kabiguan ba'y kaya niyang humindi

Dukha man siya'y mayaman sa karanasan
Kahit bawat suot niya'y pinaglumaan
Nakipaglaban pa sa maraming digmaan
Upang palayain ang bansa't sambayanan
Siya'y napilayan, nabalian, duguan

Laman yaon ng mga tala't kasaysayan
At ngayon, nililikha niya ang tagpuan
Sari-saring kabanata, yugto, tipanan
Pinagdaanan, kahirapan, kagutuman
Demokrasya, sosyalismo, kapayapaan

Dukhang manunulat sa mata ng marami
Kakatha habang nakatitig sa kisame
Dudungaw, tatanawin ang tala sa gabi
Tutunganga ngunit kayraming sinasabi
At sa kanyang mga akda, tayo ang saksi

Martes, Hulyo 28, 2015

Nilay sa isang pagawaan

NILAY SA ISANG PAGAWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

alin sa dalawa'y nauna: trabaho o sweldo?
tiyak ang sagot dito'y batid ng mga obrero
pagkat alam nila ang galaw ng kapitalismo
di maaring mauna ang kalesa sa kabayo

kahit gutom ka'y trabaho yaong dapat unahin
di maaring bumale ang baguhan sa gawain
baka dapat pagtiwalaan ka munang malalim
bago sisiw ay palimliman sa ibang inahin

nagsisipag sa trabaho, laging kayod-kalabaw
anumang trabaho'y gagawin kahit di malinaw
kung may benepisyo ba, magkano ang bawat araw?
ramdam ba sa sarili'y isang makinang bakulaw?

ilang buwan lamang ang pagkamada mo ng kahon
o pagsuksok ng bawat pyesa sa produktong iyon
sadyang kayhirap umalis pag may pinalalamon
sadyang kayhirap lumipat pag sa utang ay baón

lakas-paggawa'y binarat na, di pa makaangal
di pa makapagtayo ng unyon silang kontraktwal
kayod kalabaw na'y madalas pang hingal ng hingal
mahalin daw yaong trabaho upang makatagal

mga biktima ng kontraktwalisasyon, halina
ang maging regular ay pangarapin sa tuwina
magkaisa kayo't magsianyong tila balyena
kalakaran ay palitan ng matinong sistema

Lunes, Hulyo 27, 2015

Ilang tula sa SONA

Ilang tula para sa Huling SONA ni PNoy
ni Greg Bituin Jr.

I
(9 pantig bawat taludtod)

sa magrarali'y pakiusap
gawing malinis ang kalsada
ang mga trapong mapagpanggap
ang dapat nating ibasura
dusa na'y di dapat malasap
nitong nahihirapang masa
habang ginagawa’y pangarap
upang mabago ang sistema
sa SONA'y ipakitang ganap
aktibista'y may disiplina
kahit sa simpleng pakiusap:
HUWAG MAG-IWAN NG BASURA!

II
(7 pantig bawat taludtod)

sa darating na SONA
patuloy ang protesta
ngunit tiyakin sana:
"WALANG MGA BASURA!"
malinis ang kalsada
kahit na pulang-pula
ang daan sa protesta

trapo ang ibasura
at bulok na sistema

III

sa huli mong SONA
PNoy, kumilos ka!
ibalik na sa Canada
ang imported na basura

IV
(11 pantig bawat taludtod)

huwag mong katitigan ang basura
baka maduling, lumaki ang mata
sana'y marinig ng bayan sa SONA
na basura'y mabalik sa Canada
sa usaping ito'y manindigan ka!

Pilipinas ay hindi basurahan
ng Canada o ng iba pang bayan
pangulo ka nitong pamahalaan
mamili ka: kumilos kang tuluyan
o ibasura ka ng taumbayan

Linggo, Hulyo 26, 2015

Ang panawagan sa sambayanan

ANG PANAWAGAN SA SAMBAYANAN
12 pantig bawat taludtod

Sabi niya noong una, Boss daw tayo
Subalit bakit nabusabos ng todo
Ang masang pinanumpaan ng pangulo
Boss ba o busabos ang tingin sa tao?

SAF at Obrero ng Kentex ay namatay
Ngunit pangulo'y huli na kung dumamay
Sadya bang siya'y laging papatay-patay?
Di ba mahalaga sa kanya ang buhay?

Noon, kaytaas ng presyo ng bilihin
Ngunit ngayon, aba'y kaytataas pa rin
Sa mga pangakong ngangata-ngatain
Ay di rin pala nila kayang tuparin

Burgesyang lumpen itong dumadaluhong
Sa mga pamayanang ikinakahon
Sa mga disenyo nila't pandarambong
Na tunay ngang imperyalistang daluyong

Rehimeng Aquino'y dapat nang magdusa
Elitistang paghahari'y tapusin na
O, sambayanan, halina't makibaka
At pawiin na ang pagsasamantala

Wakasan ang elitistang paghahari
Wakasan din ang pribadong pag-aari
Sistemang bulok, di dapat manatili
Sa labang ito, masa'y dapat magwagi

- gregbituinjr.

Wakasan ang elitistang paghahari


WAKASAN ANG ELITISTANG PAGHAHARI
15 pantig bawat taludtod

lipunan itong sadyang hinati sa mga uri
sinadya ng burgesyang may pribadong pag-aari
sistemang ito'y ayaw ng obrerong mamalagi
ang hiyaw: wakasan ang elitistang paghahari

binabagtas ng mga ahas ang daang matuwid
tumuwid sa latigo ng kapitalistang sampid
tinuwid ng demonyong sa impyerno naghahatid
matuwid bang ang masa'y sa kumunoy binubulid

isulong ang tunay na gobyerno ng mamamayan!
iyan ang sigaw ng masang sadlak sa kagutuman
iyan ang nais ng manggagawang nahihirapan
iyan din ang pulso ng mayorya ng mamamayan

dapat nang magtulungan ang naguguluhang madla
dapat nang magkaisa ang ginigipit na dukha
dapat nang magkapitbisig ang uring manggagawa
dapat nang patalsikin ang mga trapong kuhila

subalit katuparan nito'y nasa kamay ninyo
sa nagkakaisang pangarap ng mga obrero
upang magbigkis para sa tunay na pagbabago
upang lipunang pangarap ay mabuong totoo

- gregbituinjr

Basurahan ang tuwid na daan


BASURAHAN ANG TUWID NA DAAN
13 pantig bawat taludtod

tulad ng Canadang ginawang basurahan
ang bansa, ganoon din ang tuwid na daan
pagkat ang pinuno'y sadyang pinabayaang
dapurakin ng dayuhan ang iwing bayan

sa huling SONA'y ano ang daang matuwid
kundi ang bansa'y tuluyang ibinubulid
sa sangkaterbang problema't mga balakid
bansa’y sa daang balikô inihahatid

sa obrero’y kontraktwalisasyon ang salot
sa dukha'y demolisyon ang laging panakot
trapo'y sa anomalya laging nasasangkot
pinuno’y sa puhunan ay naging patutot

bayan na'y pinagtatapunan ng basura
gobyerno'y wala bang magawa sa Canada
kurakutan sa matataas ay lipana
ang mga lingkodbayan ba'y nagsisilbi pa?

mataas ang presyo ng kuryente't bilihin
kalahati na lang ang sampung pisong kanin
buti sa SONA, pulitiko'y busog pa rin
habang mayorya ng masa'y di makakain

sa SONA'y kaysarap ng kanilang nilamon
katas nga ba iyon ng kontraktwalisasyon?
ah, tama nga ang Freedom from Debt Coalition
basurahan ang tuwid na daan ng nasyon!

- gregbituinjr.

Huwebes, Hulyo 23, 2015

Huwag itapon ang basura sa kalsada


kapag ikaw ay nasa biyahe
nakasakay sa dyip, bus o taksi
aba’y huwag itapon sa kalye
ang basura, balat man ng kendi

noong bata ka pa'y tinuruan
na itapon mo sa basurahan
ang basura mo't kalat na iyan
di sa daan o kung saan-saan

subalit ngayong malaki ka na
natutuhan mo'y tanda mo pa ba?
kalat mo'y iyo munang ibulsa
huwag pagtapunan ang kalsada

nawa paalalang ito'y dinggin
para sa kabutihan din natin

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 22, 2015

Bawasan natin ang polusyon

bawasan natin ang polusyon
gawin natin ng mahinahon
magsikilos sa bagong hamon
huwag basta tapon ng tapon
sa ilog, dagat, o kalyehon
maaring magresiklo ngayon
magaganda iyang solusyon
lalo’t bawat isa’y sang-ayon
at lahat ay magtulong-tulong

- gregbituinjr.
9 pantig bawat taludtod

Biyernes, Hulyo 17, 2015

Durugin si Haring Pader!

DURUGIN SI HARING PADER!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

diktadurya ang sistema ng hari
kayrami ng pribadong pag-aari
bawat atas niya'y di mababali
ang sumuway, buhay ay madadali

pader siyang di basta magigiba
totalitaryarismo'y kanyang likha
tingin sa kanya'y anak ni Bathala
sa bayan nga'y pangunahing kuhila

kung may Harry Potter na anong bait
siya'y Haring Pader na anong lupit
biyaya'y kanyang ipinagkakait
sa masang sa gutom ay alumpihit

ang tulad nila'y kapara ni Hitler
tinitingala pagkat nasa poder
kahit bayan ay kanyang minamarder
tingin sa masa'y laging kanyang ander

dapat mawala ang pinunong ganyan
pati na pagkaapi sa lipunan
balang araw, mag-aalsa ang bayan
at bubuwagin iyang kaharian

papalitan ang pyudal na sistema
ipapalit ay isang republika
ng burgesyang puno ng elitista
sistemang di naman gusto ng masa

mula pyudal naging kapitalismo
mahalaga'y pag-aaring pribado
kinakawawa ang mga obrero
lalo't bayang nagugutom ng todo

si Haring Pader, sadyang anong lupit
pulos tubo ang laging nasa isip
ang kapitalismo'y wakasang pilit
kung katarungan ang nais malirip

kwento ni Haring Pader ay wakasan
lipunang bulok ay dapat palitan
walang magsasamantala sa bayan
walang masang aapihing tuluyan

di na iisipin ay pulos tubo
kapitalismo'y dapat nang maglaho
o, manggagawa, magkaisa na po
bagong lipunan na’y ating itayo

Lunes, Hulyo 13, 2015

Huwag magtapon ng basura kung saan-saan

HUWAG MAGTAPON NG BASURA KUNG SAAN-SAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

huwag kang magtapon ng basura kung saan-saan
dahil baka balikan ka nito sa kalaunan
baha na ang lungsod sa kaunting patak ng ulan

di ba't malaki ka na’t di na dapat pagsabihan?
sakali mang di ka makatulong sa kalinisan
ang pagdumi nito'y huwag mo na sanang dagdagan

pakiusap: alagaan natin ang kalikasan
nang sunod na salinlahi’y mayroon pang magisnang
isang daigdig na di pa sira’t may kaayusan

Linggo, Hulyo 12, 2015

Tulad din ng bagyo

TULAD DIN NG BAGYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tulad ng bagyong di mapipigil ninuman
di rin mapipigil ang himagsik ng bayan
lalo na ang manggagawang nahihirapan
sa ilalim ng sistemang makapuhunan

ang rebolusyon ay bagyong di mapipigil
pag manggagawa'y patuloy na sinisiil
ng sistemang sa pagpapakatao'y sutil
at sa kabutihan ng mayorya'y inutil

di nga mapipigil ang pagdatal ng bagyo
lalo na't nagkaisa ang uring obrero
dadaluyong silang kapara'y ipu-ipo
at sa sistemang bulok sila ang delubyo

pag nagkaisa na ang uring manggagawa
mananalasa silang kapara ng sigwa
sistema'y papalitan ng inaadhika
ititindig ang lipunang bago't dakila

Sabado, Hulyo 11, 2015

salin ng tulâ sa punò ni Joyce Kilmer

MGA PUNÒ (1913)
ni Joyce Kilmer
translated into Filipino by Gregorio V. Bituin Jr.
15 syllables per line

Palagay ko’y hindi na ako makakakita pa
Ng tulang ang rikit animo’y punò ang kapara

Sa nagugutom nitong bibig yaong puno'y handâ 
Laban sa kaytamis na agos ng dibdib ng lupà;

Sa araw-araw ay punong sa Diyos nakatingin,
Angat ang malabay na bisig upang manalangin;

Isang punong maaring sa tag-init ay isuksok
Ang pugad ng mga ibong robin sa kanyang buhok;

Na sa sinapupunan ang niyebe’y nakahimlay;
Kapiling ang ulan ay matapat na namumuhay.

Tulad kong hangal ang lumilikhâ ng mga tulâ 
Ngunit tanging Diyos ang sa puno'y makalilikhâ.

TREES (1913)
by Joyce Kilmer

I think that I shall never see
A poem lovely as a tree.

A tree whose hungry mouth is prest
Against the earth's sweet flowing breast;

A tree that looks at God all day,
And lifts her leafy arms to pray;

A tree that may in summer wear
A nest of robins in her hair;

Upon whose bosom snow has lain;
Who intimately lives with rain.

Poems are made by fools like me,
But only God can make a tree.

Biyernes, Hulyo 10, 2015

Pagtatalakupan sa gawain

PAGTATALAKUPAN SA GAWAIN (networking at work)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

talakop yaong gawang sadya ngang sala-salabat
nang kita'y makagamit ng tinatawag ding lambat
pukot din yaon, panghuli ng isda sa dagat
o anumang makakain mula tabang o alat

mula dito'y uminog ang salitang talakupan
na sa salitang Ingles ay networking pala naman
ah, ito pala'y wika ng pakikipag-ugnayan
nagtatalakupan ang maliit nilang samahan

mahalagang magtalakupan ang magkakasama
marapat lang sa samahang ang adhika'y kayganda
palalawakin ang kanilang naoorganisa
pararamihin ang kasama sa layunin nila

mahalaga ang talakupan sa gawain natin
lalo't pagbabago ng sistema ang simulain
yaman ng ilan, dusa ng marami'y babaguhin
magtalakupan hanggang magtagumpay sa hangarin

*network - talakupan, mula sa tagalog-Batangas na talakop o net, at talakupan o network

Huwebes, Hulyo 9, 2015

Buhay na masaya, di naaksaya

BUHAY NA MASAYA, DI NAAKSAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

naaaksaya lang daw ang buhay ko sa kilusan
itong saad ng ilang kakilala't kaibigan
na imbis daw na magtrabaho ako't magpayaman
niyakap ko'y simpleng buhay ng dukhang mamamayan
masaya daw ba sa buhay na pawang karukhaan?

tugon ko: hindi ba't sabi nyo'y kung saan masaya
doon ako pagkat iwing buhay ko'y may halaga
kung saan sa pagtatrabaho'y dama ang ligaya
kung saan di ka nang-aapi't nagsasamantala
buhay ko ba'y naaksaya pag kapiling ang masa?

pag may krisis sa bayan, masaya bang nakatanghod?
sa naghahari-harian, tama bang manikluhod?
sa masa't obrero'y masaya akong naglilingkod
masayang tanganan itong prinsipyo kahit pagod
di naaksaya ang buhay na masaya, may lugod

Huwag magbayad ng buo

HUWAG MAGBAYAD NG BUO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sa bus, huwag kang magbayad ng buo
isang aral ito't tapat na payo
karanasan na itong nagtuturo
upang di mabiktima't masiphayo

sakaling buo ang iyong salapi
tiyaking maibibigay ang sukli
kung sabihin ng konduktor, "sandali!"
wala bang panukli o sadyang gawi?

tingin yata'y iyong malilimutan
pagbaba’y saka mo matatandaan
ang sukli mo pala'y iyong naiwan
wala na, di mo na mababalikan

ako po’y mamamayang nagtatanong
pagkat sandaan lang ang aking baon
ang nangyaring iyon ba'y nagkataon?
o modus operandi nila iyon?

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

Kung sa baro lang nakasulat

kung sa baro lang natin nakasulat
ang prinsipyo't adhika nating lahat
totoong ito’y nakapagmumulat
ngunit baro lang ito't hindi sapat
dapat prinsipyo'y naukit sa balat
tagos sa buto, sa puso'y bumakat
di huhubarin, kahit magkasugat

di hanggang damit lang ang adhikain
na pinakitang dama ang layunin
di sapat ang damit sa tumitingin
kundi ano bang ginagawa natin?
paano tutupdin ang simulain?
lipunan ba'y paano babaguhin?
sa puso ba prinsipyo'y anong lalim?

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 7, 2015

Dukhâ man, may karapatan ding angkin

DUKHÂ MAN, MAY KARAPATAN DING ANGKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga basura yaong turing sa kanila
wala raw alam sa buhay at ekonomya
mga basurang sa mundo'y nananalasa
dukha sa ilalim ng ganitong sistema

kasalanan ba nilang sila'y naging tao
na kahirapan ang nakagisnan sa mundo
nagkataong nabuhay sa kapitalismo
na kahit masipag ay di umaasenso

hampaslupa, mga basura, batang hamog
sa kagutuman, tiyan nila'y nabubugbog
sa karukhaan, katawan pa'y nalalamog
sa nangyayari'y kanino sila dudulog?

lumalaki silang walang pinag-aralan
inaaral lang ay sariling karanasan
sa magiging anak, anong kinabukasan?
kung ang nangyayari'y palagi na lang ganyan

buong buhay nila'y dinaanan ng sigwa
minsan masaya, kalakhan ay pulos luha
pangarap din nila ang buhay na marangya
upang makaalpas naman sa pagkadukha

mga anak sana'y di danasin ang hirap
wala mang edukasyon, sila'y nagsisikap
pilit ginagagap ang karanasang lasap
pilit inuunawa ang lipunang ganap

mga basura yaong turing sa kanila
wala raw alam sa buhay at ekonomya
ngunit alam nila yaong buhay ng masa
at bakit dapat lumahok sa pulitika

itatakwil nila ang tusong pulitiko
pangarap nila ang totoong pagbabago
matitinô lang ang kanilang iboboto
makikipagkaisa sa uring obrero

mga basura man ang sa kanila'y turing
sa bilang nila, ang mundo'y babaligtarin
sila'y dukha man, may karapatan ding angkin
upang lipunan ay tuluyan nang baguhin

Sabado, Hulyo 4, 2015

Sa 2 araw na "Labor Beat" seminar

dalawang araw na nakapagpapasigla
pagkat pagsasanay para sa manggagawa
nang kami'y makatulong sa pagbabalita
upang mga danas na mali'y maitama
at masagip din ang tinamaan ng sigwa

may nadagdag muli sa aming kasanayan
isang paglilingkod ito sa sambayanan
nawa'y patuloy ang ganitong kaganapan
hanggang obrero'y magkaisa sa lipunan
salamat, salamat sa inyo, kaibigan

- gregbituinjr, 070415

- sinulat at binigkas sa pagtatapos namin sa dalawang araw na "Labor Beat" seminar na ibinigay ng Center for People's Media

Huwebes, Hulyo 2, 2015

Kayganda ng luntiang kagubatan

Kayganda ng luntiang kagubatan
Kagubatang kayganda at luntian
Luntian ang gubat ng kagandahan
Tungkulin nating ito'y alagaan!
 - gregbituinjr.

Ang litrato ay mula sa pahina ni Smart Beautiful Pictures
https://www.facebook.com/Smartbeautifulpictures/photos/a.402342416511454.98725.402330666512629/877745905637767/?type=1

Miyerkules, Hulyo 1, 2015

Aksaya sa pagkain ang mumo

AKSAYA SA PAGKAIN ANG MUMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pulutin mo ang mumong nangalaglag riyan
sayang ang mga ito't laman din ng tiyan
magsasaka'y magagalit kapag nalaman
kapag ang kanin ay inaaksayang tuluyan
pagkat mula sa palay na pinaghirapan

bawat butil ay mahalaga, at ang mumo
ay kaning hinayaang umilalim sa plato
o malaglag sa lamesang kinainan mo
gayong mula sa binhi'y lumagong totoo
naging palay, inani, naging bigas ito

hanggang ito'y inyong lutuin, naging kanin
isusubo sa bibig, pag-ingatan mo rin
baka malaglag sa lupa, huwag sayangin
ang maaaksayang mumo'y sino ang kakain
bahala na ang langgam,iyong sasabihin

tandaan mong bawat butil ay mahalaga
kahit isa'y di dapat iitsa-puwera
alalahanin ang pagod ng magsasaka
pagbubungkal, nag-araro'y ginawa niya
palay, bigas, kanin, pahalagahan sila