BUGBUGIN SILA BAGO MULATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
astig sila, siga ng lansangan
hilig nila'y makipagbanatan
ngunit sila ba'y dapat patulan
upang matigil ang kalokohan
tanong namin: bakit lalabanan
kung wala kang mapapala riyan
lagi silang nasa kaguluhan
di maawat kahit ng magulang
liban kung may layuning mataman
tulad ng pagbago ng lipunan
mga maton na totoong lumpen
nais lagi'y pumormang tigasin
kami'y tibak, may prinsipyong angkin
nais na lipunan ay baguhin
sa kanila'y anong dapat gawin
siga'y paano pasusunurin
bugbugin sila bago mulatin
alikabok, sila’y palamunin
pag bugbog na, sila’y kausapin
sa pagkilos ay agad himukin
kaya sila'y pinagkaisahang
iwasto ang angkin nilang tapang
organisahin at direksyunan
hanggang lipunan ay pag-aralan
bakit may mahirap, may mayaman
bakit nagpapasasa'y iilan
bakit may lumpen sa kadawagan
hanggang kanilang maunawaan:
dapat kumilos sa tamang daan
tungo sa pagbago ng lipunan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento