Lunes, Abril 27, 2015

Ang totoong mabait

Para sa akin, yaong totoong mabait
Ang gawang kabutihan sa kapwa'y di pilit
Kahit na walang ipinapangakong langit
Mabuti kaninuman, matanda o paslit.

Iba'y kaya gumagawa ng kabutihan
Ay dahil sa pangakong kaluwalhatian
Iniisip lang ay sariling kaligtasan
Habang sa kanyang kapwa'y walang pakialam.

Sariling kapakanan lang ang iniisip
May pangakong langit, sarili'y sinasagip
Tila kay Bathala'y talagang sumisipsip
Habang sa kapwa, puso niya'y naiidlip.

Ang mabait, wala mang langit na pangako
Tutulong wala mang kapalit na mahango
Gagawin ang mabuti sa lahat ng dako
Wala mang langit, kabutiha'y taos puso.

Subalit nasaan kaya ang ganyang tao?
Nasa simbahan ba, sinagoga o templo?
Nasa iskwater ba, pabrika o gobyerno?
Baka sila'y nasa puso ng kapwa tao.

- gregbituinjr.

Walang komento: