Lunes, Marso 2, 2015

Sa paglisan ng isang kasama

SA PAGLISAN NG ISANG KASAMA
15 pantig bawat taludtod

di malubos-maisip ang pagdatal ng karimlan
sa alagad ng sining na naglakbay sa kawalan
biglaan, sikdo ang dibdib ng mga kaibigan
di madalumat ang dapat dalumating dahilan

ikaw ba'y natighaw sa kawalan ng katarungan
sa iyong nakikita sa mapang-aping lipunan
dibdib mo ba'y nawarat sa kayraming karahasan
puso ba'y naliligalig na sa nasasaksihan

mga suliranin ba'y pilit mo nang nilayuan
imbes na mga ito'y hanapan ng kalutasan
lagi ka namang nakangiti, lagi sa tawanan
ngayon, ngiti mo'y naroroon na lang sa larawan

ikaw na kilala sa matimyas na halakhakan
tanong na bakit ay sadyang di namin maiwasan
kasama ko, bakit biglaan ang iyong paglisan
tila anghel sa langit ay nais nang masilayan

- gregbituinjr/030215

Walang komento: