Huwebes, Marso 12, 2015

Nakapagpiyansa ang suspek sa masaker

NAKAPAGPIYANSA ANG SUSPEK SA MASAKER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Napalaya ang suspek sa pagpaslang ng marami
Bakit? Tanong ng madla. Tugon: Nagpiyansa kasi
Laya na ang suspek. Sa bayan ba ito'y mabuti?
Makakatulog ka pa ba ng mahimbing sa gabi?

Piyansa'y labing-isang milyong piso, anang ulat
Na mismong hukuman ay pinayagan itong sukat
Kaya ayun, dahil sa pera'y laya na ang lekat
Habang mga namatayan ay tiyak nangagulat

Magkano ba ang kalayaan, aking natatanong
Pag dukha, walang pampiyansa, walang laya, kulong
Pag may pera, may pampiyansa, laya nang ganoon
May presyo nga ba ang paglaya, anong itutugon?

Ang namamayapa'y tiyak di na natatahimik
Silang tanging saksi sa araw na ang bala'y hitik
SIlang nasang hustisya'y tila nabaon sa putik
Silang ang mga buhay ay di na maibabalik


MANILA, Philippines – Pinayagan ng korte ngayong Lunes ang isa sa mga suspek sa Maguindanao massacre na makapagpiyansa para sa kasong multiple murder.
Nagbayad ng P11.6 milyon si dating provincial officer-in-charge Sajid Islam Ampatuan upang pansamantalang makalaya matapos aprubahan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang kanyang bail petition. (mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 9, 2015, na may kawing sa http://www.philstar.com/bansa/2015/03/09/1431728/sajid-ampatuan-nakapagpiyansa-ng-p11.6m-sa-maguindanao-massacre)

Walang komento: