Martes, Marso 10, 2015

Ang bayang ginawang basurahan ng Canada

ANG BAYANG GINAWANG BASURAHAN NG CANADA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang Pilipinas ay di basurahan ng Canada
Perlas ng Silangan ay di tapunan ng basura
ngunit bakit bansa'y napiling pagtapunan nila?
tiwaling gobyerno ba'y isang malaking basura?

repleksyon ng pamahalaan ang mga basura
matitinong batas nga'y binabasura pa nila
kadalasan batas na kanilang ipinapasa
ay para lang sa kapitalista, at di pangmasa

kayraming pulitikong ang gawi'y sadyang kayrumi
madla’y nagtitimpi sa katiwaliang kayrami
mga pulitiko’y lingkod ng mga negosyante
at nagpapabaya sa mga kababayang pobre

lingkod bayang huwad silang pulitikong gahaman
na nasa diwa'y ang magpayaman sa katungkulan
dapat itapon sila sa Canadang basurahan
pagkat gobyernong malinis ang hangarin ng bayan

kaya akala ng Canada'y basurahan tayo
dahil basura ang utak ng ating pulitiko
batas nila'y laging pakinabang lang sa negosyo
ngunit inutil sa kabutihan ng simpleng tao

gobyerno'y maglinis upang bayan ay di mahapis
dapat katiwalian ay tuluyan nang mapalis
upang Canada'y di tayo pagtapunan nang labis
at bansa’y respetuhin pagkat marangal, malinis

Walang komento: