Lunes, Pebrero 2, 2015

Kayrami pang dapat mamulat

KAYRAMI PANG DAPAT MAMULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayhirap talagang masdan ang kahirapan
matindi man ang titig mo sa karukhaan
mapupuwing ka sa sadyang katotohanan
may kahirapan sa gitna ng kaunlaran

dapat bang maawa, kaawaan ang dukha?
habang ngingisi-ngisi ang mga kuhila
sistemang bulok ba'y kailan isusumpa?
kailan kikilos ang laksang manggagawa?

ang pagdurusa ng dukha'y kaytinding danas
malabo pa rin ang mata ng matataas
lango sa kapangyarihan ang mararahas
aasahan ba silang sa dukha'y magligtas

ngunit sadyang magkaiba sila ng uri
yaong nasa taas, sa dukha'y nandidiri
panahon nang wakasan iyang paghahari
nilang mapagsamantalang nakamumuhi

delubyo kung manghawi ang sistemang bulok
ipu-ipong mapangwasak ang nasa tuktok
sa unos nila, mga dukha'y nilulugmok
araw ng paglaya'y kailan maaarok

o, talagang kayrami pang dapat mamulat
paanong dukha'y maghimagsik, maging dilat
manggagawa, papel mo'y pangunahang sukat
ang pagtayo ng lipunang para sa lahat

Walang komento: