Martes, Nobyembre 4, 2014

Tiim-bagang sa salimuot

TIIM-BAGANG SA SALIMUOT 
ni Gregorio V. Bituin Jr 
15 pantig bawat taludtod 

masalimuot din ang climate change, masalimuot
di malirip bakit isyu itong nakakatakot 
di matingkala ang panganib na idinudulot
sa suliraning ito'y paano makalulusot 

halina't magsuri at hanapin kung anong sagot
industriyalisadong bansa ba ang nambalakyot 

pagsunog ng fossil fuels ang pangunahing sanhi
nariyan ang coal-fired power plants na nakadidiri 
mga bansa'y yumaman dito't naging masalapi
habang dapog sa atmospera'y naipon, nagbinhi

kaya karaniwang klima'y nagbagong di mawari
dito'y sinong naging mapalad, sinong nangalugi 

mga industriyalisadong bansa'y nakinabang
nagsunog ng maruming enerhiya'y nagsiyaman 
tama bang umunlad, masira man ang kalikasan
tama bang dukhang bansa'y maapektuhang tuluyan 

aling bansa ang apektado't alin ang nanlamang 
masdan mo ang nangyayari't mapapatiim-bagang

paano tayo aakma sa klimang nagbabago 
paano aagapay sa nararanasang bagyo 
paano ang gagawin sa tumitinding delubyo 
di sapat ang mapatiim-bagang, kumilos tayo

singilin, pagbayarin mga bansang sanhi nito
sa sama-samang pagkilos, magtatagumpay tayo

- sa bayan ng Motiong, Samar, Nobyembre 4, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Walang komento: