Miyerkules, Mayo 21, 2014

Ang tingin nila sa dukha'y dagang dapat lipulin

ANG TINGIN NILA SA DUKHA'Y DAGANG DAPAT LIPULIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa flood summit ng gobyerno, ang biktima'y kriminal
maralita ang sinisisi sa bahang dumatal
dukhang todong binaha, itinuring na sagabal
marapat daw mawala nang lumuwag ang imburnal

ang tingin nila sa dukha'y dagang dapat lipulin
at sila'y Pied Piper na dukha ang pupuksain
tingin nila bawat dukha'y nakagawa ng krimen
krimen ang maging mahirap sa ganitong rehimen

nais linisin, pagandahin ang mga estero
kaya tinataboy ang dukhang nakatira rito
project cost ay kaylaki, sa social cost, walang pondo
kung meron man, tinitipid, ibinubulsa ito

para sa kanila, itaboy dapat iyang dukha
iyan umano'y buod ng flood summit na ginawa
dagang dapat nang lipulin ang mga maralita
pagkat dukha raw ang dahilan kaya nagbabaha

wala sanang problemang linisin iyang estero
basta't maralita'y ituring nilang kapwa tao
ang paglilipatan pa'y di malayo sa trabaho
di sa kung saang relokasyong magugutom tayo

ang dukha'y di daga kundi taong may karapatan
bakit aalipustain ang dukhang mamamayan?
di daga iyang dukha, kapwa tao natin iyan
dukha'y dalita man, may dangal na iniingatan

Walang komento: