Lunes, Abril 28, 2014

Habang pinagagapang sa lusak

HABANG PINAGAGAPANG SA LUSAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

napakalupit ng aking mga kaaway
pinahihirapan ako bago mapatay
pagkatao't dangal ko'y ginigibang tunay
ginagawa nila akong buhay na bangkay

habang ako nga'y pinagagapang sa lusak
may babaeng sa aking dusa'y umiiyak
habang ang dangal ko'y kanilang niyuyurak
diwa ko't puso'y unti-unting winawarak

sa isang kasalanan ako'y ginigisa
sala sa gobyernong pinaglingkuran nila
nililikha ko raw ay mga propaganda
upang uring manggagawa'y mapagkaisa

manggagawa'y pinaglilingkuran kong tapat
habang kapitalismo'y nilantad kong sukat
kung pasakit na ito'y siyang nararapat
maluwag kong tatanggapin ang lahat-lahat

sige't paslangin nyo na ang makatang ito
na nangangarap ng lipunang makatao
patuloy kong isusulong ang sosyalismo
na bagong sistemang marapat sa obrero

Ako si Elmo

AKO SI ELMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod

ako si Elmo
masamang damo
basagulero
at barumbado

doon sa kanto
ay siga ako
at sa bahay ko
ay hari ako

paniwala ko
may pagbabago
at ang nais ko
di laging uso

ang katulad ko
ay nagbabago
kaya malay mo
magbago ako

isa nang santo
mabuting tao
tutulungan ko
ang problemado

mga binagyo
at dinelubyo
ako si Elmo
mabuting damo

* Elmo - pangalan ng artistang si Robin Padilla sa pelikulang "Huhukayin ko ang libingan mo"; batay din ang pangalan sa St. Elmo's Fire, na isang penomena ng apoy sa karagatan.

Sabado, Abril 26, 2014

Pagbabalik ng mga dukha

PAGBABALIK NG MGA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di na maganda ang buhay sa relokasyon
gutom, walang kabuhayan, walang malamon
klasiko nga itong "from danger zone to death zone"
inilayo sa lungsod, sa bundok tinapon
tayong mga dukha'y dito na binabaon
dito sa walang kabuhayan, walang malamon

sa dati naming lugar, kami'y may trabaho
pamilya'y di gutom, kumakaing totoo
ilalim man ng tulay, di kami istorbo
tabi man ng riles, kami pa rin ay tao
nang kami'y tinapon sa relokasyong ito
napalayo na sa kabuhayan, trabaho

tila kami tinraydor ng mga ulupong
at inilagay kami sa kutya't linggatong
kaytaas ng bayarin, saan pa hahantong
tila inilibing kaming walang kabaong
mula death zone, babalik kami sa danger zone
dahil may trabaho kami't di gutom doon

Huwebes, Abril 24, 2014

Upuan para sa manggagawa

UPUAN PARA SA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

karpintero ang gumagawa ng upuan
ngunit umuupo'y elitistang gahaman
manggagawa ang bumuhay sa daigdigan
ngunit bakit sila'y walang kapangyarihan?

dahilan niyan ay pribadong pag-aari
na sa daigdig ang nilikha'y mga uri
bawat sistema'y may uring magkatunggali
sistema'y sa mang-aapi't api nahati

uring manggagawa, sa inyo ang daigdig
sama-samang magsikilos ng kapitbisig
kayo ang hukbong mapagpalayang uusig
sa uring mapang-aping dapat nyong madaig

sosyalistang mithiin ay ipagtagumpay
ng mga manggagawang prinsipyadong tunay

Martes, Abril 22, 2014

May paki ka ba sa kalikasan?

MAY PAKI KA BA SA KALIKASAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

anong paki mo sa kalikasan
kung nasa isip lagi'y puhunan
at paano ito pagtubuan
mawasak man ang kapaligiran

polusyon, usok, maruming hangin
kalbong bundok, gubat at bukirin
apektado pati klima natin
pati kinukunan ng pagkain

sa kalikasan dapat may paki
ito'y pangalagaang mabuti
di tayo dapat mag-atubili
pagkat pagsisisi'y nasa huli

malinis na hangin, di polusyon
ang klima'y pakasuriin ngayon
kalikasan ba'y anong relasyon
sa lipuna't buhay natin ngayon

pangalagaan nating marapat
ang lupa, ang paligid, ang dagat
pagkat sa kalikasan nagbuhat
pagkain at buhay nating lahat

sa kalikasan ba'y may paki ka?
anong ginagawa mong programa
upang bumuti ito't gumanda
sana't may pakialam ka, sana

- Abril 22 2014, Earth Day
Araw ng Daigdig

Hinggil sa awiting "Thank You, World"


HINGGIL SA AWITING "THANK YOU, WORLD!"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di lamang salita ang salitang "Salamat"
na matapos bigkasin ay wala na't sukat
ito ay salitang sa puso nagbubuhat
salitang magaan ngunit sadyang mabigat
lalo't buhay at danas yaong kaakibat
katulad ng ginto sa putikang maalat
bibigkasing pilit kahit na minamalat:
"Maraming salamat po sa tulong nyong lahat!"

* Ang awiting "Thank you, world!" ay isinulat ng batikang mang-aawit at kompositor na si Jim Paredes, na isa rin sa kasapi ng grupong Apo Hiking Society. Ang awit ay pasasalamat sa pagtulong ng iba't ibang bansa sa mga biktima ng bagyong Yolanda, na sinasabing pinakamatinding bagyo sa kasaysayan ng daigdig.

* Ang balita ay mula sa https://ph.news.yahoo.com/video/thank-world-song-haiyan-relief-070608397.html

Lunes, Abril 21, 2014

Pagmumuni sa Tao't Kalikasan

PAGMUMUNI SA TAO'T KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di matitikman ang masarap na sabaw ng buko
kung hindi susungkitin ang niyog sa puno nito
o kaya'y aakyatin at bibiyakin ang bao
upang mabuhay, kailangang kumilos ng tao

kayraming burak ang naimbak doon sa imburnal
tambak ang basurang tinipon ng pabaya't hangal
lupit ng kalikasan ay di natin masasakdal
tao, di bagyo, ang makapaglilinis ng kanal

di alam ng bagyo paano tanggalin ang plastik
na bumara sa kanal kaya nagkaputik-putik
bagyo'y di makapagpasyang ilong mo'y may tilamsik
tao ang magpapasya kung ilong mo'y mapipitik

kalikasan ay nariyan lang, may planong sarili
ngunit pag nanalasa, aba'y walang pasintabi
tao nama'y gagawa ng bubong, dingding, haligi
ang tao'y nag-iisip, punung-puno ng diskarte

bakit ka naman titira sa daanan ng tubig
pasesementuhan iyon, paglindol, tayo'y yanig
bakit sa barungbarong, maruming lupa ang sahig
bakit sa maruming sahig maglalatag ng banig

di ba't tao ang kumalbo sa mga kagubatan
tao ang pumatag sa bundok, ginawang minahan
tao ang nagpadumi sa hangin at karagatan
tao rin ang lulutas sa ganitong kahangalan

Sa Bantayog ng mga Bayani

SA BANTAYOG NG MGA BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

yaon ang bantayog ng mga nagsilbi
sa bayan upang tupdin ang minimithi
lumaya ang bayang sa dusa'y sakbibi
ngunit sila'y iwinala, nangasawi
damhin mo ang ginawa nila't magmuni
pinaglaban nila ang laya mo't puri
doon sa bantayog ng mga bayani
ngalan nila'y nakaukit, nanatili

Linggo, Abril 20, 2014

Dapat baligtarin ang tatsulok

DAPAT BALIGTARIN ANG TATSULOK!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

dapat baligtarin ang tatsulok
palitan na ang sistemang bulok
pati na trapong tiwali't bugok
na sa pangungurakot ay hayok

Ang aral sa atin ng nangyari kay Galileo

ANG ARAL SA ATIN NG NANGYARI KAY GALILEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(tugon sa tula ng isang magaling na makata)

huwag nyong sisihin si Galileo
sa pagsasabi niya ng totoo
na ang daigdig ay di siyang sentro
at nadurog ang paniwala ninyo

bumatay si Galileo sa agham
nagsuri sa kongkretong kalagayan
yaong Simbahan sa kanya'y nasuklam
buhay at dangal niya'y niyurakan

nag-obserbang teleskopyo ang gamit
planeta'y di sa mundo umiikit
kundi sa araw ang kanilang orbit
dahil dito, Simbahan ay nagalit

kaytagal na nabalam ang hustisya
higit tatlong siglo ang dumaan pa
bago humingi ng tawad ang Papa
sa Roma, Galileo'y tama pala

at ano ang aral sa atin nito?
ang agham ay dumaan sa proseso
bawat bagay sa mundo’y nagbabago
kalagayan ay suriing kongkreto

Sabado, Abril 19, 2014

Paalam, bunying awtor, Gabriel Garcia Marquez!

PAALAM, BUNYING AWTOR, GABRIEL GARCIA MARQUEZ!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

One Hundred Years of Solitude, natatanging nobela
at naririyan pa ang Love in the Time of Cholera,
talumpating The Solitude of Latin America,
sa Nobel Prize for Literature ay nagtagumpay ka
pang-apat sa kontinente't pang-una sa Colombia

dakila kang may-akda, Gabriel Garcia Marquez
isang henyo, mapanuri, matapang, mapagtiis
na ayon nga sa nobelistang si Carlos Fuentes
sa wikang Kastila ay awtor kang tanyag ng labis
mula pa nang makilala ang dakilang Cervantes

nababasa namin sa titik ang bawat mong tinig
lalo't tinalakay ang mundo ng dukha't pag-ibig
sa mga tigang na puso'y luha ang idinilig
tila bawat akda'y puso yaong nakaririnig
kaya mga akda mo’y kinilala sa daigdig

ang iyong mga nobela'y maraming pinaluha
pagkat inilarawan maging yaong pagkadukha
di lang sa pag-aari kundi ang puso ng madla
paalam, ngunit di mamamatay ang iyong diwa
pagkat walang kamatayan ang iyong mga akda

* Si Gabriel García Márquez (6 Marso 1927 – 17 Abril 2014) ay isang nobelistang Colombiano, may-akda  ng mga maikling kwento, mamamahayag, at kinikilalang isa sa pinakamahalagang awtor ng ika-20 siglo. Nakamit niya ang 1972 Neustadt International Prize for Literature at ang 1982 Nobel Prize in Literature.

Huwebes, Abril 17, 2014

Taguan pung

TAGUAN PUNG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

noon, laro lang naming mga kabataan
ang taguan pung, isa iyong katuwaan
sa puno, ang taya'y pipikit at bibilang
hanggang sampu, kalaro’y nagsipagtaguan

ngayon, taguan pung ay di na isang laro
dahil sa aming mahal may ibang nagtago
naghahanap at nawala'y di magpanagpo
sinong taya, sirit na, sinong magtuturo?

ang mga nangyaring ito'y karumal-dumal
iwinala sila ng kung sinong kriminal
nawa'y makita na ang nawawalang mahal!
nawa'y kamtin na nila ang hustisya sosyal!

* Ang litrato'y kuha ni Greg Bituin Jr. sa Bantayog ng mga Bayani, habang ginaganap ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) ang Kalbaryo ng Kawalang Katarungan nitong Abril 16, 2014.

Martes, Abril 15, 2014

May liwanag sa kabila ng dilim

MAY LIWANAG SA KABILA NG DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tila sining ang bakas ng liwanag
kaakuhan ko'y iyo nang aninag
pumapagkit sa diwa ang anag-ag
sa puso'y may kirot ang bawat sinag

ilang saglit yaong napapaisip
di pa natutupad ang panaginip
pagbabago'y kailan mahahagip
tulad ng liwanag na di malirip

yaong danas na puno ng panimdim
ay may maaapuhap din sa lilim
di laging dukha ang buhay sa lagim
may liwanag sa kabila ng dilim

kung Kamatayan ay tangayin ako
sana'y tanaw ang liwanag sa dulo
* Ang litrato ay kuha ni Greg Bituin Jr. sa ikalawang palapag ng Vinzon's Hall sa UP Diliman, katapat ng Alcantara Room na pinagdausan ng isang pulong-talakayan ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino), Abril 11, 2014.

Will there be change even if I die tonight?

WILL THERE BE CHANGE EVEN IF I DIE TONIGHT?
by Gregorio V. Bituin Jr.
11 syllables per line

nothing may change even if I die tonight
I'm nothing compared to capitalist's might
change may not happen now, but do what is right
and the working class is our guiding light

as an activist  thinking of the poor's plight
I always feels that problems are seldom light
people get hungry, their bodies are in tight
people get angry, poverty is in sight

can a clean paper with black dots turn to white?
can we change the world just doing what is right?
change is still a dream, it’s nowhere in sight
but have to work for it like a lonely knight

I dream of change even if I die tonight
but please tell my mom I continue the fight

Lunes, Abril 14, 2014

Sa ilog, tula ni Edgar Allan Poe

SA ILOG ——.
Ni Edgar Allan Poe
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Sintang ilog! sa kanyang kaylinaw na agos
ng tubig na tila salamin, lumilibot
Ang sining mong sagisag ng mamula-mulang
karilagan - ang pusong hindi nalilingid -
Ang mapaglarong salimuot niring sining
sa dalaginding nitong matandang Alberto;

Ngunit nang sa pag-alon ay tila ba siya -
kumikislap noon, at siya'y nangangatal -
bakit, yaong pinakamarikit na sapa
nahahalintulad ang sumamba sa kanya;
Pagkat sa puso nito, tulad sa batis mo,
labis na nakabatay ang kanyang larawan -
Ang puso nitong nangangatal sa pagngiti
ng kanyang matang hagilap ay kahulugan.

-
-
-

TO THE RIVER ——.
Edgar Allan Poe

Fair river! in thy bright, clear flow
 Of crystal, wandering water,
Thou art an emblem of the glow
 Of beauty—the unhidden heart—
 The playful maziness of art
In old Alberto's daughter;

But when within thy wave she looks—
 Which glistens then, and trembles—
Why, then, the prettiest of brooks
 Her worshipper resembles;
For in his heart, as in thy stream,
 Her image deeply lies—
His heart which trembles at the beam
 Of her soul-searching eyes.

PABASA – Kalbaryo ng Maralita 2014

PABASA – Kalbaryo ng Maralita 2014
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Isasagawa ang Kalbaryo ng Maralita sa Abril 15, 2014 mula sa Santo Domingo Church, patungo sa iba't ibang simbahan ng Nuestra Señora del Perpetuo Socorro sa Instruccion St., sa Sampaloc, Sta.Cruz Church, Quiapo Church, San Sebastian Church, Mendiola Bridge, Our Lady of Loreto Parish, Saint Anthony Shrine, San Roque de Sampaloc Parish, at sa Most Holy Trinity Parish sa Balic-Balic. Pinangunahan ang kalbaryong ito ng grupong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod) at ZOTO (Zone One Tondo Organization). Ang sumusunod na Pabasa ng Maralita ay ibinatay sa anyo ng Pabasa - 8 pantig bawat taludtod, limang taludtod bawat saknong.)

kaming mga maralita
ayaw nang kinakawawa
may dignidad din ang dukha
di dapat mapariwara
ang buhay na sakdal-luha

tama na ang kahirapan
sobra na ang karukhaan
na aming nararanasan
panahon nang mapalitan
ang sistema ng lipunan

kawawa ang aming anak
lagi kaming hinahamak
ng lipunang mapanlibak
bahay namin winawarak
buhay namin winawasak

paano kami tatawid
sa buhay na may balakid
gobyerno'y tila kaykitid
buhay namin pinapatid
sila nga ba’y di matuwid?

demolisyon ng tahanan
ng maralita'y pigilan
pabahay ay karapatan
na aming pinaglalaban
demolisyon na’y pigilan

nangangarap pa rin kami
buhay namin ay bubuti
kahit na pinuputakti
nitong demolisyong grabe
na gawa ng mga imbi

kahit kami kapuspalad
sa hirap di makausad
mga buto na'y may linsad
kami'y tao ring may palad
mga dukha'y may dignidad

hustisya sa mamamayan!
karapatan, ipaglaban!
sistemang bulok, palitan!
itatag nating tahasan
ang ninanasang lipunan!

hustisya sa bawat dukha
hustisya sa buong madla
kahirapang lumulubha
ay marapat nang mawala
ito ang aming adhika

Sabado, Abril 12, 2014

Ang pagbitay kay Aleksandr Ulyanov, kapatid ni Lenin

ANG PAGBITAY KAY ALEKSANDR ULYANOV, KAPATID NI LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kapatid siya ni Lenin, palayaw niya'y Sacha
kasapi siya ng pangkat na Narodnaya Volya
kung saan sa grupong ito'y may-akda ng programa
Marxismo yaong kanilang gabay at impluwensya
sa uring manggagawa'y may ganap na pagkilala

sa Kolehiyo ng  Simbirsk ay nagtapos ng kurso
sa Pamantasan ng Petersburg nag-aral ding todo
medalyang ginto sa soolohiya ay natamo
pangunahin siyang ideyolohista ng grupo
at sa paggawa ng bomba ay kemista umano

maghasik ng takot umano'y kanilang paraan
upang ibagsak yaong Tsar sa kinauupuan
sa ikaanim na anibersaryo ng pagpaslang
kay Alejandro Ikalawa ay dinakip naman
ang tatlong tao na umano'y sa Tsar mananambang

si Aleksandr at iba pang kasama'y hinuli
nagtalumpating pulitikal din siya sa korte
hinatulan ng bitay yaong lahat ng kasali
ngunit Alejandro Ikatlo'y patawad ang sabi
habang lima ang binitay, itinuring na imbi

pagbitay kay Aleksandr ay sugat na malalim
sa puso't diwa ng batang kapatid na si Lenin
bagamat di sang-ayon sa taktika nitong lihim
ani Lenin, may ibang paraang dapat tahakin
at kasaysayan na yaong gawa nila't landasin

PABASA – SENAKULO – para sa FDC

PABASA – SENAKULO – para sa FDC
ni Gregorio V. Bituin Jr.

* Ito ang hiling at pinagawa sa akin ni Erwin Puhawan, na siyang may hawak ng Power campaign ng Freedom from Debt Coalition (FDC), at fifth nominee ng Sanlakas. Ito ay para sa senakulo ng FDC sa Miyerkules, Abril 16, 2014. Di ko pa alam kung saan ang venue. Ang nasabing tula ay ibinatay sa istruktura ng mismong Pabasa, 8 pantig bawat taludtod at 5 taludtod bawat saknong. Maraming salamat sa pagtitiwala.

1
Freedom from Debt Coalition
laban sa deregulasyon
at sa liberalisasyon
lalo sa pribatisasyon
pagkat pahirap sa nasyon
2
mga patakaran iyang
pahirap sa sambayanan
bilihin, nagmamahalan
idagdag pa yaong utang
na kumawawa sa bayan
3
isa ang Me-Ral-Co-ryen-te
na sa masa'y kumuryente
pinakamahal, kaytindi
pagkat ganyan na ang siste
ng sistemang gumagrabe
4
kuryente'y di na pangmasa
pinakamahal sa Asya
presyo nito'y kaya mo ba
kawawa naman ang masa
sa pinaggagawa nila
5
masa'y puno ng ligalig
pagkat nagmahal ang tubig
ang gobyerno'y anong tindig
at saan ba sila panig
sino bang dapat mausig
6
galit ang kababaihan
pagkat tataas na naman
ang presyo sa pamilihan
nagmahal na ang batayan
nating pangangailangan
7
habang tuloy ang ligaya
ng mga kapitalista
nakangisi't nagsasaya
kumapal muli ang bulsa
nilang mapagsamantala
8
presyo ng tubig, ibaba
pati kuryente'y ibaba
labis na kaming kawawa
sa kanilang ginagawa
pawang parusa sa madla
9
dinggin nyo ang aming tinig
ibaba, presyo ng tubig
at kuryente, ito'y tindig
at nais ng aming panig
ito ba'y inyong narinig
10
kaybaba ng aming sahod
di na kami nalulugod
kalabaw na sa pagkayod
obrero'y pinaluluhod
at sa dusa'y nilulunod
11
manggagawa ang lumalang
nitong bawat kabihasnan
ngunit pinahihirapan
ng sahod na kulang-kulang
at laging kinakaltasan
12
iyang kontraktwalisasyon
sa atin ay lumalamon
at pinapatay pa niyon
karapatan nati't layon
hanggang sa lupa'y mabaon
13
kayrami ngang pagkukulang
ng gobyerno mo sa bayan
grabe na ang kurakutan
at mga katiwalian
ng inyong pamahalaan
14
nasaan ang karapatan
ng ating kababaihan
manggagawa, kabataan
ibang sektor ng lipunan
karapatan, ipaglaban!
15
mga dukha'y dahong tuyot
gobyerno'y pulos kurakot
ang kapitalista'y buktot
mayayaman ay kayramot
sa tubo nilang hinakot
16
pabahay ay kailangan
ng dukhang nahihirapan
demolisyon ay pigilan
ang abotkayang tahanan
ang kanilang kailangan
17
Freedom from Debt Coalition
patuloy na nababaon
sa utang ang ating nasyon
anong dapat gawin ngayon
kung di magkaisang layon
18
halina, o, kababayan
magkaisa nang tuluyan
karapatan, katarungan
na para sa sambayanan
ay atin nang ipaglaban

Biyernes, Abril 11, 2014

In the shadow of nothing

IN THE SHADOW OF NOTHING
by Gregorio V. Bituin Jr.
10 syllables per line

no one notice me because I'm nothing
I'm just a shadow who's not worth dealing
a good poet who always daydreaming
or a bad poet who thought he's blooming
in this world not yet worthy of living

a world I'm capable of creating
in my mind, in the word with an angling
I'm up to something although I'm aging
an innocent soul who is worth searching
a word in the world of wound and salting

brave enough to write although my feeling
is a stranger in midst of dying
searching for a soul who's truly loving
even my own soul somewhere I'm hunting
just to create poems I like to bring

Miyerkules, Abril 9, 2014

Pigilan ang ChaCha ng mga trapo!

PIGILAN ANG CHACHA NG MGA TRAPO!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

charter change ng mga trapo’y dapat nating pigilan
kung ayaw nyong maging dayuhan sa sariling bayan
nais nilang kapitalismo'y sagaring tuluyan
ekonomya nati'y pinapaangkin sa dayuhan

api na sa ibang bansa ang ating manggagawa
eto't mawawalan pa ng mauuwiang lupa
ChaCha'y pinapaspasan ng mga trapong kuhila
upang dayo'y ariin na ang yaman nitong bansa

ngunit Charter Change na ito'y ano nga ba ang sanhi?
kapitalismo, tubo, puhunang mapang-aglahi?
nais nilang sagarin ang pribadong pag-aari?
lahat isapribado, sila'y tuluyang maghari?

pag natuloy ang Charter Change ng mga mapagpanggap
isandaang porsyentong makakapag-aring ganap
ng yaman ng bayan ang dayuhan, ito'y masaklap
kaya ang ChaCha ni Belmonte sa bansa'y pahirap

nahan sa ChaCha ang kapakanan ng manggagawa?
nahan sa ChaCha ang kagalingan ng maralita?
naipagtatanggol ba ang karapatan ng dukha?
bakit di kasama sa pagpapasiya ang madla?

dayo ang makikinabang sa ChaChang hinahain
habang tayo na ang dayo sa mismong bayang atin
papayag ba tayong ganito ang mapala natin?
ang pagpigil sa ChaCha'y angkinin nating tungkulin!



Martes, Abril 8, 2014

Pagpupugay sa ika-8 anibersaryo ng TDC

PAGPUPUGAY SA IKAWALONG ANIBERSARYO NG TDC
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagpupugay sa pagkakaisa ng mga guro
kinilala kayong magaling na tagapagturo
dahil sa prinsipyo'y patuloy kayong lumalago
at mahuhusay ang mga kasapi't namumuno

tunay kayong tagapagtaguyod ng kapakanan
isinusulong ang sa bawat guro’y kagalingan
at karapatan na tunay na ipinaglalaban
kayo'y malakas na tinig at pwersa sa lipunan

mabuhay ang pamumuno ni Titser Benjo Basas
sadyang nililinang nyo ang isang malayang bukas
kinabukasang sa kapwa tao'y laging parehas
mga gurong ang bawat kilos at pasiya'y patas

mabuhay kayo, O, Teachers' Dignity Coalition!
magpatuloy at ipagtagumpay ang sinusulong
malayo pa man ang tinatahak sa banda roon
kakamtin din ang bukangliwayway nyong nilalayon

8 Abril 2014

Lunes, Abril 7, 2014

Walang nangarap maging kabit

WALANG NANGARAP MAGING KABIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may babae bang pinangarap maging isang kabit?
walang matinong babaeng sasagot ng matuwid
biktima lamang ba sila pagkat nilokong pilit
pinaasa ng salawahang may ugaling ganid

nanaisin ng babaeng nag-iisa lang siya
sa buhay ng lalaking nais niyang makasama
nag-iisang reyna, diyosa, butihing asawa
ina ng tahanan, nag-aalaga ng pamilya

kaya bakit niya nanaising maging kabit lang?
pag-ibig ba, libog, pagkahaling, o kahibangan?
di niya iyon pinangarap, ngunit natulak lang
ng sitwasyong marahil di niya inaasahan

sabagay, nasa babae iyon kung anong nais
tangi ko lang alam, walang nangarap maging kabit
maliban kung di matino, ang nais ay may sabit
pagkat mayaman, tanyag, sikat, o maraming raket

sino ako para manghusga, buhay nila iyon
napuna lang po ng makatang ngayo'y nag-iinom
paumanhin sa mga kabit at baka makwestyon
kung bakit buhay nila ang pinapaksa ko ngayon

Linggo, Abril 6, 2014

Sa ika-90 anibersaryo ng unang Balagtasan

SA IKA-90 ANIBERSARYO NG UNANG BALAGTASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sila yaong nagsagupa sa unang balagtasan
Kuntil Butil at Huseng Batute yaong pangalan
sa ngalang Bubuyog at Paruparo'y nagtagisan
upang bulaklak na Kampupot ay sagutin lamang

bawat matatalinghaga nilang pananaludtod
ay kinagiliwan ng daan-daang manonood
kumbaga ngayon, sa Pacquiao at Marquez nakatanghod
sa bawat bato ng salita ikaw'y malulunod

makatang Florentino Collantes si Kuntil Butil
pag pumukol ng salita'y ramdam mo ang hilahil
pag dumebate, bawat salita'y di mo mapigil
ngunit sa dilag, ang wika animo'y isang anghel

Jose Corazon de Jesus nama'y Huseng Batute
na pag pumukol ng wika akala mo'y may tari
sa talinghaga'y di papalag ang sinumang hari
tutunganga na lang at magbibigay ng papuri

ang labanang patula'y tinawag na Balagtasan
sa makatang Balagtas iyon ay ipinangalan
mula dito, sa Ilokos ay nagka-Bukanegan
at sa Pampanga'y nagkaroon naman ng crisotan

mabuhay ang gunita ng mga bunying makata
tunay kayong sa katutubong pagtula'y dakila
sa inyo'y pagpupugay itong paabot ng madla
yapak nyo'y sinundan ko't tumula rin at tumudla

* Ang unang Balagtasan ay ginanap sa Instituto de Mujeres (Paaralan ng Kababaihan) sa Tondo, Maynila, Abril 6, 1924.


Huwebes, Abril 3, 2014

Yakov Sverdlov, Dakilang Organisador, Bayani ng Rebolusyong 1917

YAKOV SVERDLOV ~ DAKILANG ORGANISADOR, BAYANI NG REBOLUSYONG 1917
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(Halaw sa "Speech in Memory of Y. M. Sverdlov" ni Vladimir Lenin noong Marso 18, 1919.)

pangunahin siyang organisador na nagsilbi
upang magtagumpay yaong Rebolusyong Oktubre
magaling sa plano't pagkilos, nakasama'y saksi
tunghan mo ang luksampati nina Lenin at Trotsky

bata pa'y inalay na ang buhay sa paglilingkod
iniwan ang pamilya, ginhawa't anumang lugod
buong panahong ang rebolusyon ang tinaguyod
masa'y inorganisa't kaysipag niyang kumayod

isa siyang propesyunal na rebolusyonaryo
tinanganang husay ang rebolusyong proletaryo
bagamat tulad niya'y kinondena ng tsarismo
kinulong, pinatapon, ay ginamit ang talento

mahusay na organisador si Yakov Sverdlov
nahuli mang ilang ulit ay malakas ang loob
sa pagpapalawak ng kasapi’y sadyang marubdob
dahil sa mga tulad niya, tsarismo'y tumaob

sirkulo ng pag-aaral kanyang inorganisa
pinatibay ang puso't diwa ng bawat kasama
unawa pati pulso ng manggagawa't ng masa
mula sa ibaba, pinalakas niya ang pwersa

matinding organisador at lider ng Bolshevik
diwang Bolshevismo sa masa'y kanyang inihasik
kaya ang sosyalismo'y maalab na tinangkilik
lumawak ang kasapian, rebolusyon ang hibik

namuno sa pagkilos na sa tsarismo'y sumakal
pati sa gawaing lihim at sirkulong ilegal
tagumpay ay tiniyak nang Bolshevik ang itanghal
namuno rin sa Lahat-na-Rusong Komite Sentral

sa kasaysayan, ang ngalan mo'y naukit nang tunay
O, bunying Bolshevik, sa iyo kami'y nagpupugay
sadyang inspirasyon ang nagawa mo't talambuhay
dakilang Yakov Sverdlov, mabuhay ka, mabuhay!

Miyerkules, Abril 2, 2014

I'm a Red October

I'M A RED OCTOBER
by Gregorio V. Bituin Jr.
10 syllables per line

(a poem for the 226th birthday of Filipino poet Francisco Balagtas)

I was born Libran, a Red October
and now serves as a poet, a writer
and new verses I write without despair
writing against poverty is bitter
writing for the working class is better

I'm a Red October not for nothing
writing with passion, vision for something
writing articles with many angling
writing poetry with a sharp sting
writing propaganda is my doing

a man who's fond of beer and poetry
with the aim of working class unity
who wants rebellion against poverty
and to abolish private property
system change is a dream, a destiny

they say I'm just a poor fucking poet
but a working class poet until death
writing even under bed lie beneath
even if people lay a poet's wreath
a Red October until my last breath

April 2, 2014

Martes, Abril 1, 2014

April Fools' Day umano ang araw ng mga trapo

APRIL FOOLS' DAY UMANO ANG ARAW NG MGA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may nakalaang araw daw sa mga manloloko
silang laging pangako doon at pangako dito
di nagsisilbi sa bayan, ang serbisyo'y negosyo
April Fools' Day umano ang araw ng mga trapo

"Iboto nyo ako at sabay tayong mangangarap!"
"Iboto nyo ako at aahon kayo sa hirap!"
"Ako'y iboto't bawat isa'y tutulungang ganap!"
ngunit hanggang ngayon, pangako nila’y di malasap

sigaw sa kampanya, iregular ang manggagawa
dapat magkaroon ng pabahay ang maralita
edukasyon para sa mga mahirap na bata
at kalusugan para sa lahat ng matatanda

ngunit kontraktwalisasyon ang pinausong todo
sa dukha'y demolisyon doon, demolisyon dito
edukasyon ay kaymahal lalo sa kolehiyo
mga ospital pa’y nais nilang isapribado

sa iba pang sektor, tambak-tambak pa ang problema
di rin pantay yaong sahod sa Maynila't probinsya
presyo ng kuryente'y pinakamataas sa Asya
kaya maniniwala pa ba tayo sa kanila?

may dakilang araw na ang mga ganid na trapo
kaya tinadtad ng katiwalian ang gobyerno
ngunit dapat nang palitan ang sistemang ganito!
at itayo ang lipunang tunay na makatao!

Nilay sa kasasapitan

NILAY SA KASASAPITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy ang propaganda ko hanggang kamatayan
ngunit pagkamatay ko'y ayaw kong inyong malaman
tanging ang nais ko'y tahimik lang yaong paglisan
kamag-anak lang ang naroon sa pinagburulan

sakali mang mabalita yaong kinasapitan
iyon ay dahil hindi namatay sa karamdaman
sakaling ganito ang ulat: "Makata, Pinaslang"
di ko maaawat kung ito'y malaman ng bayan

nais ko'y sunugin ang aking naiwang katawan
o kaya'y gawin itong pataba sa halamanan
nais kong mamatay nang walang dungis ang pangalan
pagkat nabuhay akong marangal at lumalaban

ayoko ng puntod na may krus, kundi maso lamang
maso pagkat tandang obrero ang pinaglingkuran
masong simbolo ng lakas ng manggagawa't bayan
pagkat, bukod sa pluma, ay maso ang tinanganan

tanging mga tula't ilang akda ang maiiwan
na nawa'y makatulong sa pagsulong ng kilusan
at makatulong din sa pagmulat sa sambayanan
na may bagong lipunang dapat nating paghandaan

maliban sa tula, wala nang silbi sa kilusan
at wala na ring silbi kung walang pagsusulatan
tanging pluma't tula yaong kakampi't kaibigan
mawala man, ang kilusan ay di naman nawalan

Tula sa batilyo

TULA SA BATILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sila'y mga batilyo sa Navotas, manggagawa
tinatrabaho nila'y mga banyera ng isda
batilyo'y mula sa salitang "batel" ng Kastila
"batel" na maliit na bangka nitong mangingisda

manggagawa sa "batel" ay tinawag na batilyo
at sa daungan ng Navotas ay kayrami nito
batilyo'y kaysipag, di man regular na obrero
mga dukhang nagtitiis sa karampot na sweldo

hirap man sa buhay, kailangang buto'y banatin
upang kumita ng konti, basta may ipangkain
pag may dumaong ay agad nilang tatrabahuhin
handa na yaong banyerang kanilang gagamitin

mula sa payaw o bangka patungo sa daungan
ang banye-banyerang isda'y hihilahing tuluyan
o kaya'y bubuhatin ng payat nilang katawan
karaniwang nakabotang dadalhin sa pondohan

bangus, turay, karpa, gulyasan, tilapya, galunggong
sari-saring isda't lamang dagat, tulad ng hipon
sa iba't ibang palengke ibinabagsak iyon
mula sa isda nagawa ang patis at bagoong

ang mga batilyo sa Navotas ay sawang-sawa
kung araw-gabi, inuulam nila'y pulos isda
nakakasawa ring yaong sahod nila'y kaybaba
tila di pumantay sa kanilang lakas-paggawa

bukas ang Navotas Fish Port maghapon at magdamag
banye-banyerang isda'y naroon at nakatambak
animo'y buong bayan kayang pakaining ganap
ngunit isda'y may presyo, di libre sa mahihirap

tone-toneladang isda ang binabagsak doon
tila kaunlaran ng masang di na magugutom
ngunit bakit batilyo’y dukha pa rin hanggang ngayon
kung may kaunlarang ang lahat ay kayang lumamon

walumpung porsyento ng isda, ayon sa balita,
sa Kalakhang Maynila ay sa Navotas nagmula
walang tulog ang Fish Port, habang isda’y laksa-laksa
batilyo'y salitan, hikab, idlip, bangon, paggawa

mabuhay ang mga batilyo, may isda ang masa
pati mangingisdang mga huli'y banye-banyera
mula riyan ang pangkain, panggastos, matrikula
diyan ninyo binuhay ang mahal ninyong pamilya