Miyerkules, Oktubre 30, 2013

Sa ika-20 anibersaryo ng Sanlakas


SA IKA-20 ANIBERSARYO NG SANLAKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Isang maalab na pagpupugay
Sa Sanlakas aming inaalay
Mabuhay, mga kasamang tunay
Ang bandila'y ating iwagayway.

Sanlakas, marangal ang adhika
Sanlakas ng uring manggagawa
Sanlakas din ng lahat ng dukha
Tuloy ang laban hanggang lumaya.

Bawat isyu'y di pinalalampas
Inaaral ang loob at labas
Sinusuri pati alingasngas
Upang tawirin ang tamang landas.

Isyu't problema'y di nalilingid
Bawat isa'y tila magkapatid
Kalooban at diwa'y matuwid
Pagbabago’t paglaya ang hatid.

Ang pangarap na pagkakapantay
Ipagpatuloy natin ng husay
Babaguhin nating sabay-sabay
Ang lipunang nalipos ng lumbay.

Lunes, Oktubre 28, 2013

Sa mga magagandang Pia

SA MGA MAGAGANDANG PIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaysarap pakinggan ng pangalang Pia, kaysarap
tila hinehele ako nito sa alapaap
pagkat kaygaganda ng Piang aking nakausap
at nakilala, animo'y diyosa ng pangarap

Pia Hontiveros, sa rali ko unang nakita
isang mamamahayag na akala mo'y diyosa
kaysarap titigan ng mata't mukhang sakdal-ganda
aba'y pinangarap ko siya noon at sinamba

isang kakilalang matalik si Pia Montalban
dahil kay Che Guevara'y nakilala kong tuluyan
una niyang rali'y kasama ako sa lansangan
ngunit magsasaka ang napili niyang samahan

maraming mamamahayag na pangalan ay Pia
Pia Arcanghel, Pia Gutierrez, dyornalista
Pia Guanio, Pia Moran, pawang artista
Pia Cayetano naman ay isang senadora

mga Pia silang sa kamera nga'y kayririkit
na tila pag-ibig ang laging sa kanila'y sambit
mga anghel silang nagbabaan mula sa langit
sa kanila'y sinong tulad ko ang di maaakit

Huwebes, Oktubre 24, 2013

Ako yaong mga katagang sa iyo'y yayakap

AKO YAONG MGA KATAGANG SA IYO'Y YAYAKAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ikaw ang tangi kong musa nitong mga pangarap
na inaalayan ng mabubunying pangungusap
ang bawat talata'y pinag-iisipan nang ganap
ang mga saknong sa tula'y bunga ng pagsisikap
ako yaong mga katagang sa iyo'y yayakap.

ikaw ang diwata sa gubat ng aking panimdim
nadarama mo ba ang pighati niring damdamin
tila ba pag wala ka ako'y laging nasa dilim
pinuputakti ng kung ano yaong salamisim
O, diwata, kailan kita muling maaangkin?

lagi kitang kayapos sa pangarap at lansangan
kita'y malimit magkita sa bawat panagimpan
magkalapit nga tayo ngunit magkalayo naman
dahil ba ako'y kataga lamang? ngunit tandaan:
ako'y kakatha pa rin maging doon sa libingan.

Sa pagyakap ng mga kataga


SA PAGYAKAP NG MGA KATAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

niyakap ng kataga ang lumbay niring loob
habang doon sa putik ako'y nakasubasob
tila humahalakhak ang buong sansinukob:
makata ka, makatang sa tula'y sakdal rubdob

papuri nga ba iyon o isang panlalait
bakit ngingisi gayong ako na'y nasa gipit
kataga'y yumayapos sa akin nang mahigpit
sa kaibuturan ko'y pumapasok ng pilit

yaong mga kataga sa akin ay nangusap
nangakong ililipad ako sa alapaap
doon kami'y lilikha ng mga pangungusap
taludtod, saknong, hanggang maabot ang pangarap

ako'y tatangayin din sa ilalim ng laot
sari-saring damdamin doon malalamuyot
maraming kaalamang akin ding mahahakot
na sa pagkatha'y di na tinik ang mabubunot

maraming salamat po sa inyo, O, kataga
pagyapos mo sa akin ay isang pagpapala
patuloy yaring diwa sa pagkatha’t paglaya
pluma'y paglilingkurin sa manggagawa't dukha

Martes, Oktubre 15, 2013

Kaysa maging pasibo sa trapo

KAYSA MAGING PASIBO SA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

May taong minsang nagsabi ng ganito:
"Inaangalan ninyo ang gawa ng trapo
Gayong kaya naryan, inyong ibinoto
Kasalanan ninyo't sila ay nanalo."

Mas mabuti nang tayo ay magreklamo
Kaysa bawat isa ay maging pasibo
Mahirap tumunganga na lang sa kanto
Gayong bayan ay ninanakawang todo.

Sabado, Oktubre 5, 2013

Megan Young, Dangal ng Bayan Natin

MEGAN YOUNG, DANGAL NG BAYAN NATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

May ganyan sa bayan nating talaga ngang iyong pupurihin
May ganyang dalagang sadyang matalino, maganda't mahinhin
May ganyang dilag na pag ngumiti puso nati'y tatangayin
May ganyang babaeng ubod nga ng gandang iyong sasambahin
Megan Young, ang Miss World ng taon, dangal ka nitong bayan natin

Magandang pambungad ang tagumpay mo sa bansang nasa krisis
Lalo na sa mga kababayang nasa hirap, nagtitiis
Ikinararangal ng bansa, tagumpay mo'y sadyang kaytamis
Bansa'y inangat mo't sa mata ng mundo bayan ay nagbigkis
Mga kababaya'y sadyang taas-noo, tuwa'y labis-labis

Miss Philippines, Miss World Megan Young, tunay kang bituin ng madla
Gawin mo ang dapat, ngunit dapat lagi kang mapagkumbaba
Maging inspirasyon ng nasa pagitan ng ligaya't luha
Maipakita ang bait mo sa masa't bayang nasa sigwa
Maraming salamat, Megan Young, tunay kang dangal nitong bansa

Huwebes, Oktubre 3, 2013

Ako'y Libra

AKO'Y LIBRA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nasa gitna ng Virgo't Scorpio ang Libra
Virgo'y simbolo ng aking mahal na ina
at Scorpio naman ang butihin kong ama
at akong kanilang anak ay isang Libra
espesyal ba ako't pinagitnaan nila
o ang pagsilang ko'y isang malaking tsamba

maraming Libra'y sikat sa larangan nila
karamihan nga'y kasingkaarawan ko pa
si chess GM Jonathan Speelman ang isa
pati si Benjie Paras na basketbolista
si Sting na isang batikang manganganta
at magiting na Mahatma Gandhi ng India

marahil mahilig din sa libro ang Libra
pagkat mga tulad namin ay palabasa
sari-sari ang kaalamang ambag nila
anang kapalaran, magaling sa hustisya
sadyang mapagmahal at mainit sa sinta
pagpapakatao't dangal ay mahalaga