NAHAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
(Sa pandaigdigang araw ng mga desaparesido o mga nangawala, International Day of the Disappeared tuwing Agosto 30)
kaytindi ng panahong pawa na lang lunggati
na yaring tanang buhay, puno ng dalamhati
tuliro na ang diwa, puso'y walang baluti
patuloy sa pagdugo, hustisya yaong mithi
sari-sari ang kwento, iba't iba ang bintang
ang mga nangawala'y tuluyan bang pinaslang
alaala'y kaypait, hanggang gunita na lang
nangyari sa kanila'y sino ba ang maylalang?
o, kayhirap mawalan ng ating minamahal
lalo't di natin alam paano ba napigtal
yaong kanilang buhay, kami'y natitigagal
katawan kaya nila'y saan na nangabuwal?
kahit anumang bakas, sasaliksiking pilit
hustisyang inaasam ay aming igigiit
nahan si ama't ina, pati aming kapatid?
sinong berdugo't bakit buhay nila'y pinatid?
para bagang sa likod, may tarak ng balaraw
bawat nilalakaran, kaydilim kahit araw
ang panahong ligalig, bakit nangingibabaw?
mailap na hustisya'y kailan matatanaw?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento