Sabado, Hulyo 13, 2013

Babae'y Hindi Hinugot sa Tadyang

BABAE'Y HINDI HINUGOT SA TADYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mula sa sinapupunan ng ina
lalabas ang sanggol sa kanyang pwerta
noon at ngayon, ganyan ang istorya
kasaysayan man ito o siyensya

ngunit isang alamat, alamat lang
na umano'y kwento ng Eba't Adan
babae daw ay hinugot sa tadyang
ng lalaking una raw na nilalang

galing sa tadyang ay tanging si Eba
hindi yaong sa mundo'y bilyong masa
pinagbuntis tayo ng ating ina
at siyam na buwan tayong dinala

may alamat ding niluto ang tao
nasunog ang luto kaya nagnegro
ang puti'y hinango na agad dito
katamtamang luto'y Pilipino

sa ina galing sinuman sa madla
galing sa ina mayaman at dukha
sanggol sa tiyan, sa pwerta luluwa
kaya tao'y di sa tadyang nagmula

alamat ni Eba'y imbento lamang
tulad din ni Venus sa kasaysayan
wala itong syentipikong batayan
pagkat alamat nga't alamat lamang

Walang komento: