Linggo, Hulyo 28, 2013

Nais maging pangulo ni Manny Pacquiao



NAIS MAGING PANGULO NI MANNY PACQUIAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nais mo ba ang isang Pangulong Pacquaio
yaong mamumuno sa atin balang araw
sinong karibal kaya sa kanya'y sasapaw
plano niya sa bansa'y gaano kalinaw
o ang bayang ito'y lalong magiging hilaw
pag nanalong pangulo si Manny Pacquiao

Ulat mula sa http://ph.news.yahoo.com/pacquiao-says-considering-running-president-025230082.html

Pacquiao says considering running for president
By Alex Millson | Agence Franca Presse News – 4 hours ago, July 28, 2013

Philippine boxing great Manny Pacquiao is harbouring thoughts of running for president in his beloved homeland when he finally hangs up his gloves, he revealed to AFP in an exclusive interview.

Giving his strongest hint yet that he will push to the top of the political tree when he finally retires from the ring, the "Pacman" -- a hero and congressman in his home country -- admitted he had considered the presidency of the 95 million-strong nation.

When pressed on whether he had thought about shooting for the top job, the softly-spoken 34-year-old replied "Yes".

Drawing parallels between his pugilism and politics careers, the former world champion in eight weight divisions said: "When I started boxing, of course I was planning, you know and thinking about getting to become a champion. So when I enter politics it's the same thing.

Huwebes, Hulyo 25, 2013

Mas maiging magdusa kaysa mang-api

MAS MAIGING MAGDUSA KAYSA MANG-API
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

mas maigi pang kita'y magdusa
kaysa pagmalupitan ang iba
kaysa apihin ang ating kapwa
kaysa kawawain yaong masa
kaysa pagsamantalahan sila

di ka sasaya sa pang-aapi
iniisip mo lang ay sarili
ang ginto't pilak ay walang silbi
kung pagkatao'y di mapakali
sa madla'y berdugo't di bayani

Sabado, Hulyo 13, 2013

Babae'y Hindi Hinugot sa Tadyang

BABAE'Y HINDI HINUGOT SA TADYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mula sa sinapupunan ng ina
lalabas ang sanggol sa kanyang pwerta
noon at ngayon, ganyan ang istorya
kasaysayan man ito o siyensya

ngunit isang alamat, alamat lang
na umano'y kwento ng Eba't Adan
babae daw ay hinugot sa tadyang
ng lalaking una raw na nilalang

galing sa tadyang ay tanging si Eba
hindi yaong sa mundo'y bilyong masa
pinagbuntis tayo ng ating ina
at siyam na buwan tayong dinala

may alamat ding niluto ang tao
nasunog ang luto kaya nagnegro
ang puti'y hinango na agad dito
katamtamang luto'y Pilipino

sa ina galing sinuman sa madla
galing sa ina mayaman at dukha
sanggol sa tiyan, sa pwerta luluwa
kaya tao'y di sa tadyang nagmula

alamat ni Eba'y imbento lamang
tulad din ni Venus sa kasaysayan
wala itong syentipikong batayan
pagkat alamat nga't alamat lamang

Huwebes, Hulyo 11, 2013

Barungbarong, inilalaban ng patayan

BARUNGBARONG MAN, INILALABAN NG PATAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sinumang tanggalan ng bahay ay tiyak lalaban
munti mang barungbarong yaong kanilang tahanan
di ba't kayhirap mawalan ng bahay-pahingahan

tahanan ma'y barungbarong, sa dukha ito'y mansyon
may karapatan pa rin silang manirahan doon
tawagin mang nasa danger zone, di naman sa death zone

ilalaban ng patayan bahay ma'y barungbarong
dahil ito'y tahanan ng dukhang tumira doon
pahingahan ng dukhang nagtatrabaho maghapon

barungbarong man, bahay ito ng buong pamilya
dito nabuo yaong kayraming pangarap nila
yari man ito sa pinagdikit-dikit na tabla

hayop man o kulisap, tanggalan mo ng tahanan
tiyak na magagalit, gagantihan ka't lalaban
tao pa kayang tinanggal ang kanilang tirahan

Lunes, Hulyo 1, 2013

Nais kong bumili ng gitara

NAIS KONG BUMILI NG GITARA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maganda raw ang tinig ko, sabi ni ina
gamitin ko raw ang talentong ito, anya
sa bahay namin, noong kaarawan niya
sa bidyoke'y lagi akong kanta ng kanta

pagkanta'y paghusayin, maging praktisado
ang Talentadong Pinoy daw ay subukan ko
ngunit pangbidyoke lang ang boses kong ito
gayunman, inay, salamat sa tiwala mo

ngunit ako'y makata, hindi manganganta
pawang mga tula ang katha sa tuwina
ano kaya't bumili ako ng gitara
lagyan ng tono ang mga tulang gawa na

marahil ito ang dapat kong pagsikapan
aaralin kong maggitara sa tahanan
tula'y lagyang himig, akin ding susubukang
umawit sa pista, bertdey, rali't lansangan

manghiram ng gitara'y pahirapan mandin
ang solusyon, sariling gitara'y bibilhin
mag-iipon nang maabot ang adhikain
ang pangarap ni ina'y di ko bibiguin

- sinulat matapos basahin ang istorya ng awiting "Starry Starry Night" o Vincent ni Don MacLean

Sa Kamatayan ni Rochelle Lopez, Katulong

SA KAMATAYAN NI ROCHELLE LOPEZ, KATULONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Namamaga ang kaliwang mukha, maraming latay sa katawan at mga paso ng sigarilyo sa magkabilang braso, at may malaki pang bukol sa leeg. Ganito inilarawan ni Ginang Jocelyn Lopez ang itsura ng 17-anyos na anak na babaeng si Rochelle nang kanya umano itong makita sa morgue kung saan nila pinuntahan.

Si Rochelle na namasukan bilang kasambahay ay sinasabing pinagmalupitan hanggang sa mapatay ng kanyang among babae na kinilalang si Maria Shiela Gomez y Sabanal, isang buy and sell businesswoman na naninirahan sa California Garden Square sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City. 

Napag-alaman na nasa kamay na rin ng pulisya ang suspek na si Gomez matapos na maaresto ng pinagsanib na pwersa ng Women and Children's Protection Desk (WCPD), Special Operations Group at ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development. 

- mula sa artikulong "Katulong Pinapangit Hanggang Mamatay" ni Nonnie Ferriol, Abante Sunday Tonite, Hunyo 30, 2013, pahina 3)

hindi ka batang basta lang kagagalitan
ng iyong among tila walang kamuwangan
kung ano yaong magandang kaugalian
amo mo siyang puno ng kaligaligan

may karapatan ka dahil ikaw ay tao
at di dapat basta saktan ng iyong amo
among mukhang mabait ngunit isang gago
amo mong nagwasak sa iyong pagkatao

anong demonyo ang nasa kanyang isipan
inalipin ka na, ikaw pa'y sinasaktan
anong aswang yaong nasa kanyang likuran
anong dyablo ang nasa kanyang kalooban

hustisya, hustisya, dapat itong makamit
ng mga tulad mong ang dinanas ay lupit
ang tunay na hustisya'y di dapat mawaglit
ang amo mo'y sadyang marapat na mapiit