Biyernes, Mayo 31, 2013

Dinastiya'y muling nagwagi

DINASTIYA'Y MULING NAGWAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

dinastiya'y nagwagi ng nagdaang halalan
pawang mga nanalo'y galing sa isang angkan
iyong pakasuriin, bakit nangyari iyan
magkamag-anak yaong nasa kapangyarihan

nangyari pagkat walang mapagpilian tayo
mga kumandidato'y parehong apelyido
anak ng kongresista o ng senador ito
ipinasa ng ama sa anak yaong pwesto

dinastiya'y nanalo, hoy, wala na bang iba
pulitika'y kanila, pati na ekonomya
ang isang lugar yata'y kontrolado na nila
ang nasa pwesto'y mula sa iisang pamilya

si Senador, Kongresman, pawang nananatili
kina Gobernor, Meyor, hindi ka makahindi
may utang-na-loob ka, sa iyo bumabawi
sa mahabang panahon, ganito na ang gawi

may magagawa pa ba nang ito'y di maulit?
dinastiya’y tanggap ba natin nang nakapikit?
sistema'y isusubo na lang ba nating pilit?
o sa susunod, boto'y atin nang ipagkait?

mababago ba itong kaytagal nang umiral
maari, ngunit dapat natin itong maaral
nang sa sunod, malaman sino ang matatanggal
at ang karapat-dapat ang ating mahahalal

Huwebes, Mayo 30, 2013

Nag-Hokus-Pcos nga ba?

NAG-HOKUS-PCOS NGA BA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

halalang iyon, ngayon na'y natapos
ngunit kayrami pa rin ang hikahos
maganap kaya'y pagbabagong lubos
o patuloy tayong mabubusabos
ng mga praning na akala'y diyos

mga dinastiya'y di na nalaos
di na binoto ngunit nakaraos
nagmahika na, at nag-Hokus-Pcos
mga buwitre'y nanginaing lubos
binayarang boto'y pinagtatalbos

Hokus-Pcos ba pagkat boto'y kapos
binabawi ang milyon nitong gastos
pera ba ang sa kanila'y nag-utos
upang ipanalo ang trapong bastos
ganito ba'y kailan matatapos?

Miyerkules, Mayo 29, 2013

Kung ikaw ang aking magiging kabiyak

KUNG IKAW ANG AKING MAGIGING KABIYAK
12 pantig bawat taludtod

alay kay klasmeyt Fides

kung ikaw ang aking / magiging kabiyak
ay bibigyan kita / ng maraming anak
pagsinta ko ikaw / ay makatitiyak
pagkat sa puso ko'y / tangi kitang galak

kung ikaw ang aking / magiging asawa
iyong madarama / tunay kong pagsinta
sa araw at gabi'y magkasama kita
hanggang kamatayan / ay kaulayaw ka

ibigin mo ako / O, sinta kong Fides
pagkat hangarin ko / sa iyo'y malinis
sa dusa't ginhawa / tayo'y magbibigkis
sa ligaya't hirap / kahit na magtiis

gagawaran kita / ng sanlibong halik
pagkat pag-ibig mo / sa puso ko'y siksik

Lunes, Mayo 27, 2013

Boss vs. Lider (isang tanaga)

BOSS VS. LIDER (isang tanaga)
ni greg

ang boss ay palautos
pero ang lider partner
hindi tayo busabos
dahil di boss ang lider


Martes, Mayo 21, 2013

Kaymahal na naman ng presyo ng edukasyon


KAYMAHAL NA NAMAN NG PRESYO NG EDUKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

anak na nais mag-aral, anong gagawin nyo?
edukasyon ay nagtaas na naman ng presyo
tiyak na tuliro ang magulang na obrero
O, Kistel, wala sanang sumunod sa yapak mo


Sabado, Mayo 18, 2013

Boto ko, walang presyo

BOTO KO, WALANG PRESYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

sabi ng aking amo
ito ang iboto mo
at yayaman ka dito
sa aming kandidato

subalit isang trapo
ang kanyang nirereto
kapal ng pisngi't noo
siya ba'y walang modo

binibili'y prinsipyo
at aking pagkatao
kaya ang sinabi ko:
boto ko'y walang presyo!

ilang taon sa pwesto
iyang kandidato
babawi pag nanalo
kawawa ang bayan ko

Sa matandang bahay

SA MATANDANG BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

masarap balikan ang matandang bahay
di sumasaisip ang anumang lumbay
mga alaala'y laging kaagapay
dito nanirahan ang mamay at nanay

naririto lagi noong kabataan
na pawang kasama'y aking mga pinsan
sa mga kapatid, ito'y bakasyunan
kayrami kong aral ditong natutunan

sa mamay, magsibak ng mga panggatong
sa isa kong tiyo'y araro't kariton
kay ama'y araling aking napagdugtong
sa ilan kong pinsan, maglaro't limayon

sa bahay na ito lumaki si ama
kayraming tinuro ditong aral siya
at sa akin, dito umukit ang pluma
sa pagsulat yata'y dito nag-umpisa

sa pagdalaw namin ng mahal kong inay
sa mamay at nanay ay kaysayang tunay
inang maalaga, kasama sa lakbay
ang siyang umukit sa dangal kong taglay

ang mamay at nanay, sila'y nawala man
ang matandang bahay ngayon pa'y nariyan
na sa pagkatao'y tunay na pandayan
ng ugali't danas nitong katauhan


Linggo, Mayo 12, 2013

Pulitikong Santa Klaws



PULITIKONG SANTA KLAWS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

iyang kampanyahan tuwing Abril at Mayo
sa mga nasa iskwater tunay ngang pasko
dinadalaw sila ng mga pulitiko
nagbibigay ng kung anu-anong regalo

ang pulitikong santa klaws pulos pangako
bababa sa iskwater ang mga maluho
mga dukha'y liligawan, di dinuduro
iyang kampanyahan nga'y paskong liku-liko

bagong taon naman ang araw ng halalan
imbes paputok, polyeto ang nagsabugan
punumpuno ng papel ang mga lansangan
papel na nakasulat ang trapong pangalan

iyan ang pasko't bagong taon ng halalan
tuwing Abril at Mayong sadyang kainitan
pag trapo'y wagi, sila'y ipagtatabuyan
silang nabusog sa pangakong walang laman

Martes, Mayo 7, 2013

Ang pangako ng balota

ANG PANGAKO NG BALOTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nangangako ang balota ng pagbabago
pakiramdam ito ng mga dukha rito
ngunit balota'y papel lang, sulatan ito
upang piliin sinong susunod na trapo

utak ng trapo'y magkano ang bawat dukha
bibilhin nila ang kaluluwa ng madla
habang dukha'y patuloy na nakakawawa
dahil walang pagbabago silang mahita

pagbabago ang pangako nitong balota
ngunit pag nanalo'y trapo, ito'y wala na
babawiin lang nito ang nagastos nila
di na naiisip paglingkuran ang masa

balota'y may silbi sa naghaharing uri
upang sa kapangyarihan ay manatili
balota'y walang silbi sa inaaglahi
ang pangakong pagbabago'y nalulugami

Pagbabago'y di makikita sa balota

PAGBABAGO'Y DI MAKIKITA SA BALOTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nangangako ang balota
ng pagbabago sa masa
ngunit ilang eleksyon na
pagbabago'y di makita

namamayagpag ang trapo
sila raw ang pagbabago
dati pa ring apelyido
sila uli'y kandidato

mahirap pa rin ang dukha
dukha pati manggagawa
di nagbabago ang bansa
balota'y anong adhika

pagbabago? ows, talaga?
pag-asa ba ang balota?
trapo ba'y mawawala na?
pagbabago'y kanino ba?

ilang eleksyo'y nagdaan
ang pagbabago'y nasaan
pulos trapo ang halalan
wala nang pagpipilian

nais naming pagbabago
ay sistema, di lang tao
baguhin mismong gobyerno
pati ang lipunang ito

kilanlin ang karapatan
ng lahat ng mamamayan
edukasyon, kalusugan
dapat lahat, libre iyan

sa lipunang makatao
serbisyo, hindi negosyo
nagsisilbi ang gobyerno
sa Pilipino, di sa dayo

Lunes, Mayo 6, 2013

Kapara niya'y salot

KAPARA NIYA'Y SALOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

yumaman sa pangungurakot
pulitikong kunwa'y bantulot
nang magkapera'y nagmaramot
buhay niya'y nakalulungkot

isa siya ngayong kilabot
kahit kanino'y nanghuhuthot
aba, bakit binabaluktot
prinsipyong dati'y abot-abot

kapara niya'y isang salot
sa kanya'y tila walang gamot
pag nahuli'y ano ang sagot
siya kaya'y makalulusot

Linggo, Mayo 5, 2013

Matinong gobyerno't maayos na pananaw


MATINONG GOBYERNO'T MAAYOS NA PANANAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matinong gobyerno't maayos na pananaw
ang adhika nitong bayan sa gabi't araw

di tingin sa babae'y manikang magaslaw
na animo'y laruang parang mananayaw

di tingin sa manggagawa'y makinang tungaw
na sahurang alipin ng mga halimaw

di tingin sa magsasaka'y isang kalabaw
kayod ng kayod, tila tinimping balaraw

di tingin sa dukha'y isa nang magnanakaw
na pataygutom, mga bituka'y naglisaw

sa matinong gobyerno'y sino ang aayaw
gayong pangarap ng bayan sa gabi't araw

paano mangyayari kung sa diwa'y litaw
ang kaisipang kinalawang, naninilaw

kaya dapat baguhin ang sistemang hilaw
upang bukas natin ay di maging mapanglaw

Huwebes, Mayo 2, 2013

Puro salita, walang nagawa




PURO SALITA, WALANG NAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadya bang puro salita, walang nagawa
para sa ating manggagawa't maralita
ang kasalukuyang rehimeng pulos dada
di naman pala kakampi ng manggagawa

wala daw magawa sa kontraktwalisasyon
nakabubuti raw ito sa ating nasyon
anong klaseng pangulong ganito ang tugon
lohikang kapitalista ang nilalamon

manggagawa, dangal mo'y niyuyurakan na
iyang pangulo mo'y isip-kapitalista
sa isang tabi'y mananahimik na lang ba
ipakita mo ang lakas ng iyong pwersa

sanay tayong kumayod sa pagtatrabaho
sanayin nating kumayod ng pagbabago
obrero'y kaysipag pakainin ang mundo
magsipag din tayong ang sistema'y mabago

halina't baguhin itong sistemang bulok
na sa kaibuturan nati'y umuuk-ok
iparanas sa kapitalismo ang dagok
at uring manggagawa'y ilagay sa tuktok

1 Mayo 2013

Nakita kitang muli sa rali

NAKITA KITANG MULI SA RALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nakita kitang muli sa rali
ikaw na kaygandang binibini
na kasama-sama ko pa noon
katuwang sa isang gintong layon

kaytamis pa rin ng iyong ngiti
na nagmarka sa puso kong sawi
aktibista kang muling nagbalik
dama ko bawat iyong hagikhik

sa pandinig ko'y tila musika
ang tinig mo'y nakahahalina
nawa'y magbalik ka nang tuluyan
di ba't sabi mo'y walang iwanan

kasama, narito pa rin ako
handang umalalay hanggang dulo
kamatayan man ang makaharap
asahan mo ang aking paglingap