Linggo, Marso 31, 2013

Kulaylay

KULAYLAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

itim
sakdal lagim
mutyang dilim
nangingitim

bughaw
bulalakaw
nauuhaw
sa tag-araw

pula
masagana
ang dalaga
sa pagsinta

puti
yaong hari
ay di pari
pag nag-ari

berde
limang lente
ang dinale
sa babae

lila
manggagawa
kumalinga
sa matanda

dilaw
natatanaw
ngiping ayaw
naninilaw

asul
pitong bulol
tumututol
sa ataul

Sabado, Marso 30, 2013

Ang BOTO natin ay hindi Buy One, Take One

ANG BOTO NATIN AY HINDI BUY ONE, TAKE ONE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang daglat daw ng salitang BOTO ay Buy One, Take One
madalas, kapalit ng boto'y isang kilong bigas
aba'y ang bawat boto'y para sa kinabukasan
ngunit may mga nais manalong kapara'y hudas

ngunit maraming pulitikong kayhilig mangako
sa mga dukha't kadalasan namang napapako
kapalit ng kilong bigas, boto ang nilalako
dukha nama'y kakagat, gutom lamang ay maglaho

kaya nahahalal ang mga pulitikong tunggak
kaya kinabukasan ng masa'y napapahamak
kaya polisiya't programa sa bayan ay palpak
sa kanila'y kawawa ang bukas ng ating anak

dapat na daglat ng BOTO ay Business Off, Truth Only
pagkat bawat boto'y di dapat ipinagbibili
tunay na halal dapat ang maglingkod, hahalili
hindi ang trapong iniisip lang ay ang sarili

Biyernes, Marso 29, 2013

Ang mananakop at ang sinakop

ANG MANANAKOP AT ANG SINAKOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

matangos ang ilong ng mga demonyo
habang pango naman yaong mga santo

Huwebes, Marso 28, 2013

Balantukan pa ang sugat

BALANTUKAN PA ANG SUGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(alay sa mga pamilya't biktima ng sapilitang pagkawala - involuntary disappearence)

alalahanin sila
di dapat mawala sa kasaysayan
ang mga ngalan nila
bagamat sila'y di pa matagpuan

balantukan pa yaong
mga sugat na di mapaghihilom
ng mga oras, taon
nasa gunita ang mga kahapon

ang hinahanap namin
ay di yaman at kalayawang tunay
ang hinahanap namin
ay ang aming mga mahal sa buhay

nasaan ang hustisya
ang katahimikan ng aming loob
nahan na kaya sila
upang pumayapa ang aming loob

ang mga iwing sugat
ay mananatili pang balantukan
magkaroon mang pilat
di pa payapa ang puso't isipan

nawa'y matagpuan na
ang kaytagal na naming hinahanap
hustisya, ang hustisya
nang di na balantukan ang malasap

* balantukan - sugat na naghilom na ang balat ngunit may sugat pa rin sa loob, kaya naroon pa rin ang sakit

Tinula sa aktibidad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance), Bantayog ng mga Bayani, Marso 27, 2013

Lunes, Marso 25, 2013

Di ko pa oras


DI KO PA ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tangan mo'y tabak ni Kamatayan
habang nakatanghod ka sa akin
mata mo'y pula sa kapootan
tila nais maghasik ng lagim

ngunit hindi ako nangangamba
tila ba handa ko nang harapin
kung anumang daratnang disgrasya
parang tuod akong mainipin

gayunman, nais ko lang mawala
kung nagawa ang mga hangarin
nasakatuparan ang adhika
nagampanang husay ang tungkulin

hindi ko pa oras, Kamatayan
may dilag pa akong yayakapin
may dilag pa akong aanakan
isang pamilya pa'y bubuuin

darating din ang oras ko, oo
pag limanglibong tula'y nalikha
nalathala'y apatnapung libro
na nabasa ng sangmilyong madla

di pa ako mamamatay, ngayon
dahil sa laksang nasa sa buhay
kaydaming makabuluhang misyon
ang dapat ko pang magawang tunay

Huwebes, Marso 21, 2013

Walang Bagong Damit, Sobrang Likhang Damit


WALANG BAGONG DAMIT, SOBRANG LIKHANG DAMIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nay, anang isang dalagang sakdal ng rikit
ibili nyo naman ako ng bagong damit
Wala akong pambili ng damit mo, anak
tugon ng inang sa sahig nakasalampak

Bakit, Nay, wala kang pambili ng damit ko
kaybaba na ba ng tinatanggap mong sweldo
Kasi, anak, ako'y walang trabaho ngayon
at di sapat itong aking mga naipon

Sa sinabi, ang anak ay natitigagal
bakit po, Nay, sa trabaho kayo'y tinanggal
Sobra na raw ang damit na aming nagawa
kaya nagtanggal na ng mga manggagawa

Bakit ganun, Nay, wala kang pambili ng damit
tinanggal ka dahil sobra-sobra na ang damit
Ganyan ang sistemang kapitalismo, anak
ang manggagawa'y pinagagapang sa lusak

Sistemang iya'y pinaunlad ng obrero
sistemang ang puso'y pawang tubo, di tao
Sobrang produkto'y di para pakinabangan
ng sinuman, ito'y para lang pagtubuan

Maglumuhod ka man, at tuhod mo'y magdugo
ito'y para lang sa kapitalistang tubo
Kaya, dapat palitan ang sistemang iyon
para sa bukas ng sunod na henerasyon

Miyerkules, Marso 20, 2013

Salamat, Inay

SALAMAT, INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ngayong umaga, nais kong magpasalamat, inay
kalahati man ng buhay ko tayo'y nagkawalay
salamat sa mga payo, pagmamahal, paggabay
tunay ngang sa mga anak, ikaw'y napakahusay
salamat, sa matatag na landas kami inakay

sabi mo, hanapin ko kung saan masaya ako
ako naman ang uukit sa kinabukasan ko
sinanay ako sa gawain at pagiging listo
tinuruang magsuri, panindigan ang prinsipyo
pinatatag ang bawat hibla nitong pagkatao

inay, iba man sa iyo ang landas kong tinahak
alam kong sa turo mo'y di ako mapapahamak
kaya kong manindigan at di gagapang sa lusak
anak akong pinatibay mo, di agad babagsak
sa aming iyong anak, nawa'y lagi kang magalak

Linggo, Marso 17, 2013

Ang asawa'y di alila


ANG ASAWA'Y DI ALILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kung nais mo nang makapag-asawa
huwag alila ang iyong hanapin
katuwang sa buhay iyang asawa
di katulong na dapat alipinin

Sabado, Marso 16, 2013

Pulitika muna bago pulitiko

 PULITIKA MUNA BAGO PULITIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bago i-endorso ang isang pulitiko
unahin mo muna ang kanyang pulitika
ang pulitiko bang iya'y mayamang trapo
sa mga dukha'y anong kanyang plataporma

ilang halalan na ang sa bansa'y dinaos
kaybait ng kandidato sa kampanyahan
aaliwin tayo't aawit kahit paos
at sa entablado, sila'y magsasayawan

di artista't manganganta ang nais namin
kundi sa bayan ay totoong maglilingkod
sa problema ng masa'y ano ang pagtingin
mahal ang kuryente't tubig, kaybabang sahod

kalikasang sira, kaytaas ng pasahe
bigas na mahal, buwis, kontraktwalisasyon
di pantay na pagtrato sa mga babae
paano reresolbahin ang demolisyon

bago kami kumbinsihin sa pulitiko
ipaliwanag mo ang kanyang pulitika
programa niya’y ano, gusto lang ba’y boto?
o trapo rin pala siyang tulad ng iba?

nais naming maunawa ang kanyang tindig
sa bawat isyu, prinsipyo niya’y ilahad
makamasa ba't di trapo, totoong kabig?
o gagamitin lang kami ng isang huwad?

Ang Diwa ng Martabat


ANG DIWA NG MARTABAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

taas-noo, sa kapwa'y matapat
dangal ng pagkatao ang lahat
sakaling mawala ang martabat
iwing pagkatao'y nagkalamat

di bale nang ituring na dukha
basta't may dangal tayong dalita
taas-noo kahit amoy-lupa
huwag lang pagkatao'y mawala

martabat - dangal ng katutubo,
ng kababayang dito lumago
prinsipyo't diwa'y sinasapuso
ilalaban, buhay ma'y maglaho

pag martabat sa atin nawala
tila kita may ketong na lubha
ating pagkatao'y isinumpa
pati buhay na'y kahiya-hiya

martabat ang ating pagkatao
ilalaban natin itong todo
nang makalakad ng taas-noo
sa harap ng sinuman sa mundo

nais nating malinis ang ngalan
ng ating pamilya't buong angkan
sa pagharap sa buong lipunan
martabat ay pahahalagahan

balewala ang yaman at luho
mayaman nga, pagkatao'y dungo
mabuti pa yaong maghingalo
pagkat puri'y di pinagkanulo

* "What is "martabat?" Martabat is a Malay term that one hears often used by the Moro peoples of Mindanao -- the Tausug, Sama, Yakan, Maguindanao, Maranao, Iranun. Among the Moro, it means honor and dignity. For the Tausugs of Sulu, these values define us. No matter if we are poor or powerless, we have been taught from childhood to value our martabat. One’s rank in the community is tied to honor." - Amina Rasul, Opinion, BusinessWorld newspaper, March 14, 2013
http://www.bworldonline.com/content.php?section=Opinion&title=Martabat&id=67286

Biyernes, Marso 15, 2013

Isang maghapong maginaw

ISANG MAGHAPONG MAGINAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

maghapong ito'y maginaw
katatapos lang ng unos
di ba sisikat ang araw
ako'y tila nauupos

niyapos ngayon ng baha
ang kapusudan ng lungsod
kitang-kitang nangasira
ang lipunang pinilantod

nagwala ang kalikasan
ang masa ba'y preparado
nangalubog ang tahanan
nasaan na ang gobyerno

ang madla'y muling naghanda
nang unos na'y paparating
kaya di sila tulala
alam kung saan susuling

* salamat sa DRR (disaster risk reduction) training para sa mga maralita

Miyerkules, Marso 13, 2013

Kailan puputok ang madlang galit?


KAILAN PUPUTOK ANG MADLANG GALIT?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

lampas sa apat na sulok ng silid
ang mga kaalamang walang patid
pati na damdaming tila minanhid
ng lipunang ang sistema'y kaykitid

hindi ba't patuloy na bumabaon
sa ating diwa ang bayang nilamon
ng sistemang sa tubo nagugumon
ito ba yaong pamana ng ngayon

mahirap nating sa diwa'y malimot
yaong mga danas na dumalirot
sa sambayanang sa puso'y may takot
at madlang may ikinukubling poot

kailan puputok ang madlang galit
nang sila'y lumaya sa pagkapiit
sa sistemang inayunan ng langit
nang dukha'y apihing paulit-ulit

halina't bigwasan nating kaytindi
ang sistemang pinupuri ng gabi
ginagawa lamang tayong pulubi
nitong mga berdugong nakakubli

Lugmok pa ang ngayon


LUGMOK PA ANG NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

lugmok pa rin ang ngayong
bumati sa kahapon
bukas ay nakabaon
sa pusod ng pagbangon

kailangang umalpas
sa hirap na dinanas
kailangang mag-aklas
nang magbago ang bukas

nagdidildil ng asin
ang salat sa pagkain
hindi natin maangkin
kahit na gawa natin

paano mamumulat
ang dukhang nagsasalat
gayong ang lahat-lahat
ay sa sistemang bundat

kung ngayon man ay lugmok
ang kahapon ay dagok
bagong bukas ang alok
nitong pakikihamok

tayo'y makipaglabang
baguhin ang lipunan
nasa palad ng bayan
itong kinabukasan

Payo sa isang dilag

PAYO SA ISANG DILAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

maganda mong ngiti'y nawala
balong sa pisngi'y pawang luha
di maipinta ang 'yong mukha
naglaho ang buo mong sigla

siya'y nasa ibang kandungan
at tuluyan ka nang iniwan
ikaw ba sa kanya'y nagkulang
ikaw ba'y sadyang di lalaban

hindi tugon sa problema mo
ang pagkawala mo sa mundo
huwag kang maghiwa ng pulso
umiyak ka sa balikat ko

di ka dapat magpakamatay
sa mga natatamong lumbay
sa iyong bawat pagkapilay
ituring akong iyong saklay

Inukit ko sa dilim


INUKIT KO SA DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

inukit ko sa dilim
ang aking kapanglawan
piniit ng mga impit
ang bawat kong kawalan
ako ba'y nagdurusa
sa aking kakulangan
wala na bang halaga
ang aking katapatan

inukit ko sa dilim
ang tinagong pangarap
nagbabakasakali
makita ko sa ulap
matanaw ko man lamang
ang nasa alapaap
ang loob na'y gagaan
kung puso ko'y tinanggap

inukit ko sa dilim
ang iyong kagandahan
ikaw ang mutyang dilim
ng aking katauhan
kung magniniig kita
sa laot ng karimlan
tayo'y magiging isa
doon sa kalawakan

Martes, Marso 12, 2013

Pagniniig


PAGNINIIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod

kaysarap hagkan
ng iyong labi
kaysarap hagkan
ng iyong batok
kaysarap hagkan
ng iyong utong
kaysarap hagkan
ng buong ikaw

nagyayakapan
ang ating diwa
nagpipingkian
ang ating dila
kitang dalawa
ay nagdiriwang
sa pagniniig
nitong katawan

Diyosa kang tinangay ako


DIYOSA KANG TINANGAY AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

diyosa kang tinangay ako
simbilis ka ng ipuipo
puso ko'y dagling inangkin mo
at ako'y naging iyung-iyo

diyosa kang napakaganda
ngiti'y tulad kay Ara Mina
marapat lang alayan kita
ng buong pagsisikap, sinta

di sapat pulos pagniniig
di sapat mangusap sa titig
pagsinta'y di sapat marinig
dapat magsikap sa pag-ibig

Linggo, Marso 10, 2013

Katugmaan


KATUGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

di na tayo mga bata
sa pakikisalamuha

may prinsipyo ang wika
habang tayo'y tumatanda

kaya dapat laging tugma
ang ating salita't gawa

pagkat ang gagawing tama
ay dapat sa ating kapwa

Di Amanos


DI AMANOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ikaw nagtanim, sila ang nanalbos
ikaw nagbayo, ikaw ang kinapos
ikaw bumili, sila ang umubos
ito'y may aral pag iyong tinantos
mauunawang ito'y di amanos
ang ganitong sistema'y maling lubos
dapat baguhin nang maging maayos
ang mundong kaytagal nang naghikahos

Huwag mong hanapin ang wala sa akin


HUWAG MONG HANAPIN ANG WALA SA AKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maraming wala sa akin, sinta
na kaya mong hanapin sa iba
ngunit maraming wala sa kanya
na sa akin mo lang makikita

may pagtatangi ang bawat tao
iba siya at iba rin ako
sa pag-ibig, nagkaisa tayo
pag-ibig ko'y para lang sa iyo

kaya, sinta, huwag mong hanapin
ang anupamang wala sa akin
hindi ba't ako'y tinanggap mo rin
sapat ko't kulang ay inibig din

minahal mo'y ang kabuuan ko
inibig ko'y ang kabuuan mo
ang ako'y ikaw din, o, sinta ko
pagkat iisa na lamang tayo

Sabado, Marso 9, 2013

Hinggil sa Kadakilaan


HINGGIL SA KADAKILAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

wala na yatang hihigit pang kadakilaan
kaysa pag-alay ng buhay sa sangkatauhan
kaya ang paglaban sa isang pamahalaang
hindi tunay na nagsisilbi sa sambayanan
ay dapat lang ibagsak ng kanyang mamamayan

tumpak nga si Bonifacio sa kanyang tinuran
wala nang hihigit pa sa pag-ibig sa bayan
dahil ang bayan ay yaon ding sangkatauhan
hindi isang bansang may iisang lahi lamang
kundi tinutukoy niya'y lahat na ng bayan

Biyernes, Marso 8, 2013

Kasamang Hugo Chavez, Paalam sa Iyo!


KASAMANG HUGO CHAVEZ, PAALAM SA IYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ngayon sa ikadalawampu’t isang siglo
itinaguyod mo ang diwang sosyalismo
O,  Ka Hugo Chavez, bayani kang totoo!
hindi ka mamamatay sa puso ng tao

paalam, kasamang Hugo Chavez, paalam
sa pagkawala'y labis kaming nagdaramdam
gayunman, halimbawa mo'y di mapaparam
at panawagan mong sosyalismo'y kay-inam

nawala ka man, di ka nawala sa laban
nag-aalab pa ring baguhin ang lipunan
tuloy pa ang pagbaka ng mga samahan
tuloy ang paglaban ng obrero't ng bayan

kasamang Hugo Chavez, paalam sa iyo
itutuloy namin iyang nasimulan mo
tuloy ang ating laban tungong sosyalismo
hanggang sa tagumpay, ipagwawagi ito

Huwebes, Marso 7, 2013

Ang paglilingkod ay di korporasyon


ANG PAGLILINGKOD AY DI KORPORASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang paglilingkod ay di korporasyon
sabi ng kandidatong si Dick Penson
dapat isa lang sa bawat pamilya
ang magsisilbi sa kanilang kapwa
sapagkat di kalakal ang serbisyo
sapagkat ang serbisyo'y di negosyo
ibagsak ang political dynasties
upang bayan ay di na magtitiis
sa palakad niyong trapong pamilya
na di naman maasahan ng masa
di korporasyon ang paglilingkod
kaya ang masa'y di dapat malunod
sa mga trapong lagi nang nangangako
ngunit wala sa puso't napapako

Miyerkules, Marso 6, 2013

Budhing Sing-Itim ng Puwit ng Kawali


BUDHING SING-ITIM NG PUWIT NG KAWALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pag prinsipyo'y nagkabali-bali
pulitiko'y nagiging tiwali
nasisilaw sila sa salapi
binebenta ang sa bayang puri

sa nasakuna'y di magbahagi
sa elitista'y nananaghili
sa bayan nagtetengang-kawali
sa batas malimit magkamali

buong bayan na ang nasasawi
ang batas binubutas mag-uli
kaypangit ng ganitong ugali
asal-hayop na nakadidiri

kahit pa magpabango'y kaypanghi
tila ba nahulog sa pusali
ang ganito'y nakakaunsyami
dapat baguhin ang ganitong gawi

tulad nila'y kay-itim ng budhi
sing-itim ng puwit ng kawali

Martes, Marso 5, 2013

Ahas na ang dating bulati


AHAS NA ANG DATING BULATI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming dating bulati, ngayon, ahas na
tulad ng pulitikong asta'y makamasa
kunwari'y mabait nang ito'y bagito pa
nang lumaki ang ulo, balasubas pala
nagmamayabang na ito sa kanyang kapwa

maraming dating bulati, ngayon na'y trapo
mismong ang madla'y inaahas nilang todo
kawawang na ang sambayanang Pilipino
kung lingkod-bayan silang di nagseserbisyo
dahil paglilingkod nila'y astang negosyo

mga dating bulati, ngayo'y nagsilaki
ngayong ahas na'y ganito ang nangyayari
tumaba ang bulsa, utak pa'y nangamote
binalisawsaw pati kanilang kukote
sa masa'y di talaga sila nagsisilbi

Lunes, Marso 4, 2013

Pag Kwarta ang Kumilos


PAG KWARTA ANG KUMILOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag kwarta ang kumilos, inutil ang batas
tuloy nahahalata ang malaking butas
ng batas na nababayaran nitong hudas
dahil sa kwarta, batas na'y nabalasubas

patas daw ang batas sa bansa nating ito
parehas daw ang batas sa lipunang ito
ang dukha'y kaydaling ipiit kaysa trapo
at nakakalusot ang mayamang demonyo

may sinasanto ang batas, ito'y salapi
kumakampi lamang ito sa iisang uri
batas ay paglalaruan ng naghahari
ang dukha kahit tama'y laging nagagapi

inutil ang batas pag kumilos ang pera
binibili pati puri mo't kaluluwa
kung magpapatuloy ang ganitong sistema
kawawa ang dukha, kawawa ang hustisya

dapat itong baguhin, halina't kumilos
maghanda tayo sa matinding pagtutuos
kasama ang manggagawa'y baguhing lubos
ang bulok na sistemang dapat lang makalos

Linggo, Marso 3, 2013

Pulutgata

PULUTGATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matagal na panahon din kitang minahal
di mo pinansin, nais kong magpatiwakal
ngunit di ko nagawa, ayaw kong mawaglit
ang ganda mong sa alaala ko'y kayrikit

ngayon nga, kitang dalawa na'y ikakasal
inibig akong sa iyo'y nagpakahangal
magandang rosas ka ng aking panaginip
paruparo akong sa iyo'y nakahagip

sa ating pagtatalingpuso, aking mahal
pupunta kita sa kay Kupidong pedestal
kawagasan ng pag-ibig ang halukipkip
salamat, sa pagsinta ko'y di ka nainip

rosas kitang dadalhin sa aking kuta
upang damhin yaong tamis ng pulutgata

Sabado, Marso 2, 2013

Nais ko'y limang anak

NAIS KO'Y LIMANG ANAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

iyo akong tinanong
ilan bang binubugtong
ang pangarap sa ngayon?
sagot kong mahinahon:

nais ko'y limang anak
o, mahal kong kabiyak
planuhin itong balak
nang umayos ang gayak

aalagaan kita
mahal kong sinisinta
pagkat kitang dalawa
ang buod ng pamilya

pawis may ay tagaktak
di gagapang sa lusak
ako'y napapalatak
sa sarap ng nilupak

kung anak nati'y lima
ang hiling ko lang sana
tatlong lalaki, sinta
at babae'y dalawa

pag ikaw na'y nagbuntis
kakayod akong labis
lahat ay matitiis
pag anak ang ninais

Biyernes, Marso 1, 2013

Iyang pag-aasawa'y di biro

IYANG PAG-AASAWA'Y DI BIRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

I

iyang pag-aasawa'y di biro
na kapagka iyong isinubo
iluluwa agad pag napaso
tila baga kaning iniluto

II

pag-aasawa'y di kaning lamig
ang isa't isa'y dapat makinig
ang pusong patuloy sa pagpintig
siyang tanda ng inyong pag-ibig

pag-aasawa'y di kaning tutong
kani'y di hinayaan sa pugon
dapat isa'y di lamon ng lamon
magbigayan, maging mahinahon

pag-aasawa'y di isang mumo
na pawang nangalaglag sa plato
mag-asawa'y panay sakripisyo
dapat lang magbigayang totoo

III

ang pag-aasawa'y parang palay
ito'y aalagaan mong tunay
patuloy din kayong magsikhay
nang dumami pa ang mga uhay

ang pag-aasawa'y parang bigas
tumutubong pag-ibig ay wagas
sadyang kapag puso ang nag-atas
dalawa'y magpapasya ng patas

ang pag-aasawa'y parang kanin
bantayang maigi ang sinaing
pag kumulo'y agad iniin-in
huwag magtutong ang laging bilin

IV

hindi biro ang pag-aasawa
pinag-isa na kayong dalawa
kabiyak ng dibdib bawat isa
di dapat magmaliw ang pagsinta

kung mag-asawa'y may suliranin
magtulong silang ito'y lutasin
makapito nilang iisipin
ang mga tugon nilang gagawin

pagkat ang pagsasama'y maluwat
kung bawat isa'y magiging tapat
mula noon sa pakindat-kindat
sa pagsulong ng araw na'y mulat