Biyernes, Hunyo 29, 2012

Pigtal na ang aking tsinelas

PIGTAL NA ANG AKING TSINELAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kanina lang, napigtal ang aking tsinelas
ngunit di ko naisip bumili ng bago
maingat kong dinugtong, nilagyan ng butas
at tinahi sila nitong plastik na istro

kaya tsinelas na ito pa'y nagagamit
sa pang-araw-araw kahit ito na'y luma
patuloy na lingkod at walang hinanakit
kaya ramdam pa ng paa ko ang ginhawa

kung napigtal na, isa ba'y itatapon mo
habang ang kabika'y maiiwan kung saan
di dapat mawalay yaong kabika nito
tulad sa pag-ibig, meron ding katapatan

kapara ng babaeng pinakamamahal
walang silbi yung isa kung wala ang isa
kaya pilit kong pinagdugtong ang napigtal
kaysa isang kabika'y wala nang kasama

may bago mang tsinelas, hahanapin pa rin
ang dating tsinelas na kinasasabikan 
pagkat ito'y naglingkod ng tapat sa akin
na dapat ding suklian ko ng katapatan

kung sakaling mapigtal muli ang tsinelas
kung isa'y itatapon, itapon nang sabay
pagsamahin silang dalawa hanggang wakas
hanggang sa libingan, di sila magkawalay

Huwebes, Hunyo 28, 2012

Ang Araw at ang Buwan


ANG ARAW AT ANG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may araw at buwan sa kalendaryo't kalawakan
magkaparehong tawag sa magkaibang dahilan
una'y pawang mga bagay doon sa kalangitan
na sa gabi't araw siyang tanglaw ng sambayanan
ang ikalawa'y petsang batayan ng kasaysayan
pagsilang, kaarawan, kung kailan ang tipanan

naunang tiyak ang kalawakan sa kalendaryo
kaya buwan at araw ipinangalan lang dito
malaki ang araw kaysa buwan, di ba't totoo
at bawat isang buwan, tatlumpu ang araw nito
ngunit ang mahalaga sa mga salitang ito
ay kung paano ginamit sa wikang Filipino

Miyerkules, Hunyo 27, 2012

Itigil ang Tortyur!

ITIGIL ANG TORTYUR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1.) TORTURE - (tor' chur) n.- pahirap; pagkaturete ng utak; v.- pahirapan; palipitin; giyagisin;  pigipitin; pahirapan ang isi, TORTURER n.

itigil ang sistematikong pananakit
sa mga biktimang kanilang ginigipit
binubugbog ang katawan, pinipilipit
kaya mistulang nasisiraan ng bait

bakit hinuhuli ang nakikipaglaban
mga nakikibaka'y bakit dapat saktan
gayong inilalaban nila'y karapatan
ng bawat tao at ng buong sambayanan

bakit pinahihirapan ang aktibista
ng mga alagad ng ahas na pasista
dahil ba pinababagsak ang diktadurya
dahil ba pinag-aalsa nila ang masa

mga aktibista'y maganda ang layunin
na sambayanan ay tulungang palayain
ngayon ay tinotortyur at pinaaamin
pinalo't tinatanggalan ng kuko't ngipin

tortyur na ginawa'y iba-ibang diskarte
yaong ari ng lalaki'y kinukuryente
ginagahasa naman daw yaong babae
ganitong pahirap ay nakatuturete

hinuhubaran, may piring ang mga mata
pinaso ng sigarilyo ang dibdib nila
rebelde ang turing sa mga aktibista
pagpapahirap sa kanila'y sobra-sobra

sa mga biktima ng tortyur ang epekto
ay takot at galit sa pasistang gobyerno
itigil ang tortyur, ang tao'y irespeto
magkaiba man sila ng mga prinsipyo

kung ganitong tortyur ay pinaiiral pa
ng gobyernong pasista't mapagsamantala
aba'y dapat lamang baguhin ang sistema
inuuod na ito't kawawa ang masa

Martes, Hunyo 26, 2012

Kaysakit ng ngipin ko

KAYSAKIT NG NGIPIN KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di mapakali sa sakit ng ngipin
hanap ko agad mefenamic acid
buong katawan ko'y apektado rin
hinihiwa yaring ulo ko't litid

kirot ay nais kong agad mawalâ
kaya dalawang tableta'y ininom
bakasakaling agad magkabisâ
yaong gamot kahit pa ako'y gutom

ayoko ng ganitong pakiramdam
para bang tinotortyur akong todo
ayokong ganito ang pakiramdam
pagkat nakakatuliro nga ito

kaya kong tiisin ang mga bugbog
ngunit hindi pag ngipin ang sumakit
para bang ang ulo ko'y sumasabog
parang buhay ko'y naroon sa bingit

higit isang oras bago nawalâ
ang kirot na itong nakasusugat
sa bungo ko't nakapagpatulalâ
sa akin, mabuti't ito'y naampat

sa hapding ito, ako'y nauupos
apektado ang lahat ng gawain
nawa ramdam ko'y gumaan nang lubos
nang matapos ang anumang nabinbin

Lunes, Hunyo 25, 2012

May kaldero'y wala namang bigas

MAY KALDERO'Y WALA NAMANG BIGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may kaldero'y wala namang bigas
may gasul pero walang lamang gas
may telebisyon, walang palabas
may radyong dinig mo'y pulos anas

at yung gripo'y wala na ring tagas
kaya plato'y walang hugas-hugas
ang palanggana't lababo'y butas
mag-ingat sa kubeta't madulas

pag ganito na ang iyong danas
di ba't ikaw'y sadyang mababanas
para kang walang magandang bukas
gayong sa mundo ikaw'y parehas

habang suot ang maong na kupas
at buhay na ito'y namamalas
payak na ngiti'y di na mabakas
gayong ito rin nama'y lilipas

ano nga ba yaong tamang landas
di ba't yung sa kapwa'y maging patas
kahit meron sa kanilang hudas
pumarehas ka't huwag mandahas

may kaldero'y wala namang bigas
may gasul pero walang lamang gas
gutom nga ba ang magiging bukas
nang abang nais lang pumarehas

Linggo, Hunyo 24, 2012

Sa Birhen ng Haraya


SA BIRHEN NG HARAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nariyan ka lang, alam ko 
ngunit hinahanap kita
kahit wala ka man dito
puso ko'y nakadarama

nariyan ka lang sa tabi
ang hinahabi'y haraya
ng pagsintang walang subi
kundi atas ng paglaya

bagamat tayo'y nagkita
hanap kita sa puso ko
kinakapa-kapa kita
nakaukit ka na rito

ikaw ang aking pag-ibig
nais kitang makaniig

(Jen, dagdag na naman ito sa mga tula ko sa iyo. minsan lang iyan)

Sabado, Hunyo 23, 2012

50 buhay para sa kalikasan

50 BUHAY PARA SA KALIKASAN
14 pantig bawat taludtod

(Hinggil sa balitang "Killings of environmentalists on the rise; 50 killed in Philippines" ng Associated Press, June 21st 2012, mula sa http://globalnation.inquirer.net/40833/killings-of-environmentalists-on-the-rise-50-killed-in-philippines)

Sa pagkamatay nila para sa kalikasan,
Di tayo patitinag, tuloy ang ating laban!
Kung sa pagkilos natin, dulot ay kamatayan
Mabuti pa ito kaysa tumunganga lamang!
- gregbituinjr, 062312


Biyernes, Hunyo 22, 2012

Natutulog akong dilat ang isang mata

NATUTULOG AKONG DILAT ANG ISANG MATA
ni Gregorio v. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

natutulog akong dilat ang isang mata
di dapat himbing na himbing, payo ni ama
dapat alerto lagi ang iyong pandama
kahit nananaginip, amoy mo ang bunga

payo ni ama'y malimit kong matandaan
lalo na't tulad ko'y parang nasa digmaan
lalo't madalas akong laman ng lansangan
kasama ang masa sa parang ng labanan

maraming nahimbing, di alam ang nangyari
magigising silang palibot na'y asupre
kung alerto lamang, di sila magsisisi
mga tulog-manok ay labuyo sa liksi

kahit ako'y alumpihit sa bungang-tulog
iidlip akong walang kibo't di uusog
isang mata'y dilat, isip ay umiinog
sino kayang dilag ang sa aki'y pupupog?

kaytitindi ng tunggalian sa lipunan
kaya di dapat himbing na himbing sa unan
sa lumalargang oras baka maiwanan
dapat sumabay sa daloy ng kasaysayan

dilat ang isang matang iidlip na naman
nang makapahinga ang payat kong katawan
ngunit kung oras ko na't biglang natuldukan
pipikit nang kusa, hihimbing nang tuluyan

Martes, Hunyo 19, 2012

Si Rizal, ang Matapang


SI RIZAL, ANG MATAPANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Jose Rizal, matapang na tao
sa putok ng baril, di tatakbo
tulad ng tapang ni Bonifacio
sa punglo ng dayo, di tumakbo

pinaglaban ang paninindigan
at mga prinsipyo niyang tangan
lalo ang pagmamahal sa bayan
kahit sa harap ng kamatayan

kinalaban ng bayaning ito
ang mga prayleng asal-demonyo
at ang maraming Padre Damaso
na mapang-api sa mga Indyo

layon niyang bayan ay lumaya
kaya sa nobela'y tinuligsa
yaong mananakop na Kastila
lalo ang mga prayleng kuhila

ginagawa ng Kastila't prayle
lalo't ang kanilang pang-aapi
ay inilantad sa Noli't Fili
kaya kay Rizal, sila'y gumanti

si Rizal, bayaning Pilipino
hinarap kahit punglo ng dayo
sa huling hininga'y usal nito:
"ang mamatay nang dahil sa iyo"

- Hunyo 19, 2012

Sabado, Hunyo 16, 2012

Ang Pantalon Kong Kupas


ANG PANTALON KONG KUPAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i.

larawan ng lumbay, dusa't pagdaralita
ang pantalon kong isang kahig, isang tuka

butas-butas na ito't pinagtitiisan
nag-iisang pantalon ng karalitaan

ii.

minsan nga, may suot nito'y naturingang Boss
ng isang pangulo sa masang binusabos

na hanggang ngayon maysuot nito'y mahirap
tila di maabot ang asam na pangarap

iii.

sa pantalong kupas ko ako'y nalulugod
pagkat sandekadang higit itong naglingkod

kasama pa ring nakikibaka, kasama
handang maglingkod sa maysuot at sa masa

Biyernes, Hunyo 15, 2012

Ang Bulsa Kong Butas

ANG BULSA KONG BUTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano ba tahiin ang butas na bulsa
ng luma kong pantalong laging walang pera

anong klaseng panulsi ang dapat magamit
upang masolusyunan ang bulsa kong gipit

may magagamit bang espesyal na karayom
sa butas na bulsa ng tiyang nagugutom

gayundin naman, may espesyal bang sinulid
na naimbento ang kapitalistang ganid

mayroon kayang nararapat na makina
na susulsi sa bulsang nabuhay sa dusa

bakit butas ang bulsa ng aking pantalon
baka kailangan ko nang magrebolusyon

hindi kailangan ang anumang espesyal
upang masulsi ang bulsang butas at pagal

kung ang pagsulsi'y sistemang pahirapan pa
ang pantalong luma'y dapat lang palitan na

Huwebes, Hunyo 14, 2012

Lulutang-Lutang ang mga Plastik sa Dagat

LULUTANG-LUTANG ANG MGA PLASTIK SA DAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lulutang-lutang ang mga plastik sa dagat
sa Manila Bay pa lang, kita ito agad
kaylawak nitong basurahang tubig-alat
paano kung dagat na'y mapuno't masagad

lulutang-lutang ang mga balat ng kendi
kasamang lumulutang ang balot ng tae
gobyerno'y anong ginagawa't sinasabi
sa plastik sa dagat na iba't ibang klase

sa dagat ng basura'y nakaligo ka ba
tulad ng isang trapong kung umasta'y dukhâ
kayrami ng plastik sa dagat ng basura
plastik na lumulutang akala mo'y dikyâ

tila ba ang mundo'y wala nang pakiramdam
isda, pagong, pating, kinakain na'y plastik
sa nangyari'y meron ba tayong pakialam
dagat ng plastik nga'y sa atin din babalik

araw-gabi'y nadaragdagan ang basura
kaya paisa-isang linis, di solusyon
paggamit ng plastik dapat ipagbawal na
buong bayan dapat ay gawin ito ngayon

susunod na salinlahi'y isalba natin
kaya ating sagipin itong karagatan
basura nito'y dapat lang nating tanggalin
at bawat buhay dito'y ating alagaan

Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Merkado na ba ang pamahalaan?


MERKADO NA BA ANG PAMAHALAAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming isyu, tutunganga ka na lang ba
tumaas bigla ang presyo ng gasolina
kaya ibang bilihin naapektuhan na
bihira na yatang makabili ng mura

kaymamahal na ng bilihin sa palengke
doble na kilo ng talong, kamatis, gabe
at ibang gulay, damay na rin pati karne
may petisyon pang taasan ang pamasahe

sa ganitong lagay, saan tayo patungo
lalo't mamamayan ay natutuliro
manggagawa'y kayod-kalabaw, nahahapo
parang hinahaluan ang pawis ng dugo

ang merkado'y ginagawa tayong alila
dahil akala nila tayo'y tutunganga
magtitiis sa buhay na kasumpa-sumpa
pinaiikot nila sa palad ang madla

anang merkado, "taasan natin ang presyo
tindihan na ang kumpetisyon nating ito
bahala na kung lalong maghirap ang tao
importante'y tutubo ng tutubo tayo!"

sa ganito, ang madla'y di napapakali
dahil para silang tinamaan ng peste
di nila mawawaang ganito karami
ang mabibiktima ng mga negosyante

kung sa sarili nagsisilbi ang merkado
mag-alsa na ang mamamayang apektado
bayan ay pinagharian na ng negosyo
tinatakda na nito ang buhay sa mundo 

ang merkado na nga ba ang pamahalaan
sila na ba ang nagpapaikot sa bayan
gobyerno ba'y wala nang papel sa lipunan
kaibigan, lipunang ito'y pag-aralan

Linggo, Hunyo 10, 2012

Ilog ka muna bago naging dagat

ILOG KA MUNA BAGO NAGING DAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ilog ka muna bago naging dagat
katotohanang iyan ba'y di sapat
di ba't ikaw'y dati ring nagsasalat
bakit ngayong kabayo ka nang bundat
nagmamayabang na't parang di mulat

bago naging dagat, ikaw ay ilog
dahilan kami bakit ka malusog
nang nagtagumpay ka, ulo'y bumilog
nag-iba nang marating ang tugatog
kelan ka magigising, mauuntog

iyong tanawin ang pinanggalingan
nang marating ang tamang pupuntahan
nang ang tagumpay ay iyong nakamtan
nilait na ang mga kasamahan
bakit kailangan mo nang magyabang

balang araw, babalik ka sa ilog
itatakwil ng dagat na inirog
babagsak ka sa iyong pagkatayog
ngunit kaming iyo nang binubugbog
di ka pa rin hahayaang malasog

Sabado, Hunyo 9, 2012

Ang nais makaniig

ANG NAIS MAKANIIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kahig ng kahig ang dumalagang manok sa lupa
Alipala'y uod ang hinahanap kapagdaka
Kakayod bakasakaling may uod na matuka

Ang inahing manok nama'y kasama ang inakay
Nang mangitlog ito sa tabi ng kaban ng palay
Tumilaok naman ang tandang na di mapalagay

Umastang mandaragit ang lawin sa kalangitan
Tandang naman ay umastang handa sa sagupaan
Inisip marahil na pamilya'y protektahan

Naroon naman ang dilag na nais makaniig
Kusa kayang dumadaloy sa ugat ang pag-ibig?
Ito na ba ang panahong puso'y dapat makinig?

Tatangkain kong angkinin ang puso ng dalaga
At hihilinging habambuhay siyang makasama

Huwebes, Hunyo 7, 2012

Kapanatagan sa Banlik ng Panatag

KAPANATAGAN SA BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

SHOAL - (showl) n.- banlik, buhanginan; bahura; lugar na mababaw ang tubig; hapila, rompeyolas; v.- bumabaw; pumunta sa mababaw, magkumpol-kumpol, magkawan; n.- pulutong, grupo; kawan (ng isda); kulumpon

Scarborough shoal sa wikang Ingles ang dito'y tawag
Bajo de Masinloc naman yaong Kastilang bansag
sa wikang Filipino ito'y Banlik ng Panatag
at ang banlik na ito ang usaping nakalatag

sa lapit nitong banlik sa bansa ito nga'y atin
dahil sa interes ng dayo, tayo’y didigmain
ah, mabuti pang banlik na ito'y walang mag-angkin
tulad niyang ilog, karagatan, araw at hangin

imbes na digmaan, dapat pag-usapan ang isyu
paano ba dapat linangin ang banlik na ito
ngunit naririyan na ang Tsino't Amerikano
tila naggigirian ang pandigma nilang barko

nang mapatalsik base militar ng Amerika
hanap nila'y paanong pupwestong muli sa Asya
sa isyu ng Panatag, tila isip nila'y gera
tila gusto na nilang digmain ang bansang Tsina

at sa isyu ng Panatag, tila ba piyon tayo
dalawang higante'y nagpapayabangan na dito
ngunit bakit digmaan ang magreresolba nito
gayong pwedeng pag-usapan ang mga isyu rito

banlik ba'y sa Tsina, sa Pilipinas, o panlahat
di tayo piyon ng mga kapitalistang bundat
di tayo dapat padala sa mga pang-uupat
ng mga bansang tanging tubo ang adhikang tapat

nais ko'y kapanatagan sa Banlik ng Panatag
imbes na diwa ng digma ang dito'y nakalatag
dugo't kanyon ay di tugon sa usaping kaydawag
kundi diwang payapa ang unang dapat ihapag

linangin ang banlik para makinabang ang lahat
dahil walang dapat mag-angkin ng banlik at dagat
mahinahong pag-usapan ng madla't diwang mulat
ang lutang at tagong isyu rito, balita't ulat

dapat makinabang lahat sa Banlik ng Panatag
sa prinsipyong ito, walang bansang dapat lumabag
anumang tambol ng digmaan ay dapat mabasag
sa anumang pang-uupat, di tayo patitinag

kapanatagan ang una, di tubo't panghahamig
walang dugong dapat tumagas, ito'y aming tindig
kapayapaan sa banlik yaong dapat marinig
na ipagsisigawan natin sa buong daigdig

* Banlik ng Panatag - tinatawag ding Bajo de Masinloc, at sa internasyunal ay Scarborough shoal

Martes, Hunyo 5, 2012

Kontraktwal ka lang?

KONTRAKTWAL KA LANG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag nakatapos ka sa kolehiyo
tagatinda ka na lang ni Henry Sy
isa ka lang kontraktwal na obrero
tagabantay lang ng iskaparate

ah, ganito ba ang pinangarap mo?
ganito ba ang nais mong mangyari?
kolehiyo'y tinapos, nagtrabaho
kontraktwal ka lang, anong masasabi?

kulang, kung di man walang benepisyo
sweldo'y kaybaba, kontraktwal lang kasi
di ka maregular ng iyong amo
tao ka ba o makinang may silbi?

mag-organisa kayo, o kontraktwal
sinasamba ng amo nyo’y kapital
na sa puso'y tubò ang dinarasal
"kontraktwal lang kayo!" ang laging usal

Lunes, Hunyo 4, 2012

Sa karapatang pantao tayo pumanig


SA KARAPATANG PANTAO TAYO PUMANIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

upang patunayan kong ako'y isang kabig
naririto ako't ayoko ng ligalig
respeto sa karapatan ang aking tindig
at sa anumang tiwali'y di padadaig

sa karapatang pantao tayo pumanig
di sa anumang gawaing nakatutulig
kayganda ngang dinuduyan tayo ng himig
nito kaya't sa iba'y huwag palulupig

karapatang pantao'y tanda ng pag-ibig
tulad ng dalagang ang puso'y nananalig
na bawat pasiya'y sa karapatan sandig
kaya mundo'y di na sa dahas manginginig

ang karapatang pantao'y kaygandang himig
puso'y dinuduyan ng malamyos na tinig
kaya marapat lang tayo'y magsumigasig
upang palaganapin ito sa daigdig

Makatang Birador


MAKATANG BIRADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ako'y birador, isang makatang birador
pilit naniningil, kapara ng konduktor
kung problema mo'y sakit, gaya ko'y doktor
subalit kung patay ka na'y embalsamador

makatang birador akong bira ng bira
mga tiwali sa tula ko'y pinupuna
sakaling marinig nila ito't mabasa
mensahe ko'y sadyang tagos sa kaluluwa

uupakang todo ang sinumang tiwali
elitista't burgesyang nag-aastang hari
at gahamang may malalaking pag-aari
silang mapangmata't mapanira ng puri

pupurihin kita pag ikaw ay kaybait
lalo na't totoong lingkod sa maliliit
papuring tagos sa puso't abot sa langit
dahil makata'y kakampi ng nagigipit

Sabado, Hunyo 2, 2012

Kung alam lang nila (Talambuhay ng isang makata)


KUNG ALAM LANG NILA
(Talambuhay ng isang Makata)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ang tingin sa makata'y walang ginagawa
dahil sa kawalan laging nakatunganga
kung alam lang nila
makata'y kayrami nang natapos na katha

makata'y nakatingala lang sa kisame
tahimik ngunit ano kayang sinasabi
kung alam lang nila
natahi na sa isip ang nasa kukote

makata ba'y ilang poste na ang nabilang
ilan na ang nasagupang sangganong halang
kung alam lang nila
tangan na ng makata ang tulang may sundang

makatang yao'y pinagtatawanan nila
pagkat laging wala sa sarili, sabi pa
kung alam lang nila
ang musa ng panitik ay kaniig niya

makata'y tahimik, tila may dinaramdam
balewala sa masa, anong pakialam
kung alam lang nila
makata pala'y malubha ang pakiramdam

tulad ng isang nauupos na kandila
hawak pa rin ang pluma'y pumikit na bigla
kung alam lang nila
kinatha ng makata'y pinal niyang tula

Ang napiling gawi

ANG NAPILING GAWI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

i
makatang payak, sa lumbay sakbibi
sukat at tugma ang napiling gawi
ang kinakatha'y paksang sari-sari
saya, tigang, kawalan, pusong sawi
di lumuluhod sa sinumang hari
tanging ang bayan ang hari ng lipi

ii
kumikilala sa obrerong uri
na siyang tagapagtanggol ng lahi
wawakas sa pribadong pag-aari
lalo sa sistemang mapang-aglahi
nagbubuklod, ayaw sa mapanghati
upang bayan ay di maging lugami

Biyernes, Hunyo 1, 2012

Di dapat magsawa sa pakikibaka

DI DAPAT MAGSAWA SA PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Prinsipyo ito ng walang sawang pakikibaka
Laban sa balakyot na kapitalistang sistema
Dugo, pawis, talino ang alay ng aktibista
Upang wakasan ang anumang pagsasamantala

Tuloy lang ang laban, huwag tayong manghihinawa
Tuloy ang pakikibaka at huwag manghihina
Patuloy na organisahin yaong manggagawa
Ang masa, at lahat ng dukha tungo sa paglaya

Pag-aralan at angkinin ang diwang sosyalismo
Parating ipagtanggol ang karapatang pantao
Di dapat magsawa sa pangarap na pagbabago
Wakasan ang sistemang bulok, rasismo, pasismo

Manggagawa, magkaisa, ang sistema'y baguhin
Daigdig na walang pang-aapi'y itayo natin!