Miyerkules, Pebrero 29, 2012

Wikang Ingles ang Wika ng Dating Panginoon


WIKANG INGLES ANG WIKA NG DATING PANGINOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

"Malaya na ang ating bayan at huwag kausapin sa wika ng dating panginoon." - mula sa pahina 293 ng nobelang Mga Ibong Mandaragit, ni Ka Amado V. Hernandez

Wikang Ingles ang wika ng dating panginoon
Ito pa rin ang wika ng mga Pinoy ngayon
Wikang Filipino'y nilalait, tinatapon
Tanda raw ng kawalang-aral at pagkagunggong

Ang Wikang Filipino raw ay pandukha lamang
Di dapat salitain ng may pinag-aralan
At di dapat pag-aralan ng mga mayaman
Kaysakit naman nitong kanilang pang-uuyam

Wikang Filipino raw ay wika ng alipin
Wika raw ng mga maralitang palamunin
Wika rin daw ng mga manggagawang waldasin
Aba, wikang ito'y dapat ipagtanggol natin

Ingles ang wika ng gustong pinapanginoon
At wika ng imperyalismo't globalisasyon
Filipino'y wika ng inaalipin ngayon
Pangmaralita, pangdukha, pantambay, pangmaton

Kung wala tayong gagawin, lalaitin tayo
Kung tayo'y tutunganga lang, tayo nama'y ano
Wikang Filipino'y wika nina Bonifacio
Jacinto, Balagtas, Batute, Quezon, at Rio

Wikang Filipino'y wika ng pagkakaisa
At dito rin nagkakaunawaan ang masa
Ito'y wika ng bayani't wika ng pag-asa
Na dapat ipagtanggol sa harap ng balana

Martes, Pebrero 28, 2012

Pag kaharap mo kami, bakit ka mag-iingles?


PAG KAHARAP MO KAMI, BAKIT KA MAG-IINGLES?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Sige, mag-Ingles ka pa, ikaw na sosyalera
Sige, sa kapwa Filipino'y mag-Ingles ka pa
Wika mong sarili'y pinandidirihan mo na
Mas gusto mo pa'y wika ng mapagsamantala

Sana'y mabulunan ka't matanggalan ng dila
Ikaw na mapanlait sa sarili mong wika
Sige, wikang Filipino'y ilubog mo pa nga
Sana'y masama ka sa pagkalubog sa lupa

Pag kaharap mo'y kami, bakit ka magi-Ingles?
Para ba sabihing balyena ka't kami'y dilis?
Sabihing matalino ka't dukha'y utak-ipis?
Wala ka palang pinag-iba sa kaning panis!

Pag kami'y kaharap, dapat kang mag-Filipino
Ito ang tamang lohikang dapat lang gawin mo
Tagarito ka't sariling wika natin ito
Ikaw dapat ang unang tagapagtanggol nito

Linggo, Pebrero 26, 2012

Kapatiran nga ba'y ganito?

KAPATIRAN NGA BA'Y GANITO?
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

(hinggil sa pagkamatay na naman ng isang estudyante dahil sa hazing sa fraternity)

nirekrut nila ang magiging kapatid
ngunit bakit ang buhay nito'y pinatid
ang utak ba nila'y sadyang makikitid
ang katotohanan pa'y nais ilingid
at ang hustisya'y tinuring na balakid
mga saksi'y di dapat na lang maumid
sabihin ang totoo't huwag umismid
upang ang mga maysala'y mabilibid

ang kapatiran ba'y anong adhikain
di ba't mga kasapi'y pagkaisahin
di ba't kapatid ang sa kasapi'y turing
di ba't isang diwa sa isang layunin
ngunit bakit ang buhay pa'y papatirin
ang pagluluksa ng naulila'y damhin
katarungan sa biktima'y dapat dinggin
dapat ikulong ang sinumang salarin

Biyernes, Pebrero 24, 2012

Dumulog ang aking isip sa panagimpan

Dumulog ang aking isip sa panagimpan
Ikaw ang aking nasulyapang dinuduyan
Tuwing umaga't malamig pa ang amihan
At maaliwalas pa yaong kalangitan
Sigaw ng puso ko'y ikaw, O, binibini
Ramdam ko'y narito ka lang sa aking tabi
Espesyal ka sa akin sa araw at gabi
Puso ko'y kinukuyumos mong anong tindi
Uuwi akong sa kawalan nakatitig
Yamang sa paghimbing ko puso'y naaantig
At pag nagising, wala na ba ang pag-ibig
Nais kong tayo'y tuluyan nang magkaniig

- gregbituinjr.

Martes, Pebrero 21, 2012

Kontrabidang Kongresman



KONTRABIDANG KONGRESMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Hinggil sa House Resolution 2140 ni Congressman Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga na nagsasaad na itigil na ang paggawa ng mga pelikulang naglalarawan sa tulad nilang “honorable” na kongresista bilang mga kontrabida.)

laging kontrabida sa mga pelikula
ang papel ng “honorable” na kongresista
ito'y patunay ba kung anong klase sila?
sa totoong buhay ba'y totoong buwaya?

kongresista'y kontrabida, bida ang masa
sa pelikulang Pinoy ay gasgas na tema
gasgas man ang tema'y katotohanan pala
ang inilalarawan nitong pelikula

sa Kongreso man, ang kongresista'y kuhila
isang panig lang ang batas na nagagawa
bihira ang batas sa mga manggagawa
at bihira rin ang batas sa mga dukha

kung may batas man sa mga dukha't obrero
ito'y kaylupit, di maitaas ang sweldo
mga batas ay batay sa kapitalismo
di sa kagalingan ng karaniwang tao

bagamat may ilang kongresmang matitino
mayorya ng kongresista'y para sa tubo
batas sa pabahay nga'y nakapanlulumo
batas sa manggagawa'y di mo nga makuro

kaya tama lang ang mga paglalarawan
na kontrabida ng bayan itong kongresman
kung nais nilang ito'y mabagong tuluyan
magpakatino sila't maglingkod sa bayan

Lunes, Pebrero 20, 2012

Bababa rin sa akin ang isang diyosa


BABABA RIN SA AKIN 
ANG ISANG DIYOSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

bababa rin sa akin ang isang diyosa
dahil sa wakas napaibig ko rin siya
kung kailan man iyon, ako'y umaasa
isang magandang diyosa'y magiging sinta

ito'y isa sa matagal kong pinangarap
na diyosa'y madulutan ako ng lingap
ang karilagan niya'y akin lang masulyap
tiyak ako'y hinehele sa alapaap

nasa panagimpan ko’y kaygandang diyosa
na sa matagal na panahon ay sininta
darating ang panahon, kami'y magkikita
mahahaplos ko siya't magkakaniig na

huwag lamang akong mawalan ng pag-asa
bababa rin sa akin ang aking diyosa


(FHM model and beautiful goddess Regine Angeles)

Sabado, Pebrero 18, 2012

Kalikasan ng Pag-ibig


KALIKASAN NG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bakit ba dagat ay umaalon?
pag-ibig ba ang dahilan niyon?
bakit gumaganda ang panahon?
dahil ba ngiti mo'y naaayon?

bakit ba hangin ay umiihip?
dahil lagi kitang nasa isip?
ang langit ba'y ating malilirip
habang tayo'y kapwa naiidlip?

bakit ba minsan ay bumabagyo?
dahil ba wala ka sa tabi ko?
bakit ba itong mundo'y matao?
saksi sa pag-ibig ko sa iyo?

bakit ba may rosas na bulaklak?
dahil ba puso ko'y iyong hawak?
bakit ba may daang lubak-lubak?
dahil may problemang tinatahak?

bakit ba ang lupa'y nagpuputik?
dahil ba tayo'y humahagikhik?
bakit ba ang bundok ay matarik?
dahil matamis ang iyong halik?

bakit ba araw ay umiinit?
dahil puso nati'y magkadikit?
bakit panahon ay nagsusungit?
dahil ba ikaw ay nagagalit?

bakit lumalago ang pananim?
dahil ba pag-ibig ko'y kaylalim?
bakit bulaklak kang sinisimsim?
ang pag-ibig ba'y tamis at asim?

puso ko ba'y iyong naririnig?
nais kitang kulungin sa bisig!
bakit nais kitang makaniig?
dahil ikaw ang aking pag-ibig!

Martes, Pebrero 14, 2012

Panunuyo

PANUNUYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nanunuyo ang lalamunan ng binata
habang nanunuyo sa magandang dalaga
tila di maapuhap ang tamang salita
na iparirinig sa kanyang sinisinta

patuloy ang kanyang panunuyo sa dilag
kahit na walang bulaklak at tsokolate
upang puso niya'y di manunuyo't hungkag
kaya hinuhusayan niya ang diskarte

lilitaw rin sa dila ang tamang bigkasin
habang mula sa puso'y sambit ang pag-ibig
upang sa dulo ang dilag siya'y sagutin
hanggang silang dalawa'y tuluyang magniig

ngunit tila nanunuyo na ang binata
habang nanunuyo sa magandang dalaga
konting tiyaga pa't di tuyo ang salita
sa wakas, sumagot din ang sinuyong sinta


Lunes, Pebrero 13, 2012

Inday Wil Olweys Lab Yu


INDAY WIL OLWEYS LAB YU
(alay kay Whitney Houston - Agosto 9, 1963 - Pebrero 11, 2012)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

mahal ni Inday Whitney ang kanyang tagahanga
na mga kinakanta nya'y awiting dakila
inaaliw ang mayayaman at mararangya
inaaliw din kahit na dukha't hampaslupa

may pinagmanahan ang kanyang mga pagbirit
anak siya ng inang premyadong mang-aawit
pinsan ni Dionne Warwick, kaya di sumasabit
ang tinig nyang tila awit ng anghel sa langit

awit nya sa Bodyguard, "Inday Wil Olweys Lab Yu"
tagos nga sa puso habang nanonood ako
habang ang tinig nya'y nanunuot hanggang buto
sa kanyang "Greatest Love of All" nga ako'y saludo

kaya maraming tagasubaybay ang nabigla
dahil sa pagpanaw nya, biglaang pagkawala
gayunman mahal siya ng mga tagahanga
kaya di mamamatay ang awit nya't gunita


Lunes, Pebrero 6, 2012

Tuloy ang Laban ni Ka Popoy




TULOY ANG LABAN NI KA POPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

labing-isang taong singkad na yaong dumaan
ng mapaslang ng kung sino si Ka Popoy Lagman
ngunit hanggang ngayon wala pa ring katarungan
di pa rin nahuhuli yaong may kagagawan

gayunman, tuloy pa rin ang ipinaglalaban
at simulain niyang baguhin ang lipunan
sosyalismo ang landas sa bawat nating hakbang
sosyalismong pangarap para sa sambayanan

sa ilan sa kanyang mga iniwang sulatin
ay ating matutunghayan yaong kanyang bilin
kamalayang makauri'y dapat patagusin
sa sinumang manggagawang ating aabutin

halina't pagkaisahin ang mga obrero
huwag magwatak-watak, maging organisado
ang misyon ni Ka Popoy ay misyon mo't misyon ko
tuloy ang laban ni Ka Popoy hanggang sa dulo

BMP office
Pebrero 6, 2012

Linggo, Pebrero 5, 2012

Hibik ng Dilag: Huwag Manggahasa


HIBIK NG DILAG: HUWAG MANGGAHASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

"Don't tell me how to dress. Tell them not to rape." - mula sa plakard na dala ng isang seksing babae

seksi ang babae, maiksi ang palda
litaw ang balikat, kaygandang kurbada
bakit iba'y tila agad nagnanasa
parang bagang sila'y hindi makahinga

nakita lang yaong mapuputing hita
nalilibugan na ang mga binata?
tinitigasan na ang mga timawa?
at nagnanasa na ang mga kuhila?

dahil daw maigsi'y tabingan ng kumot?
sinambit ng dilag sa puso'y kumurot:
"huwag makialam sa’ming isusuot
ay, magtiis kayo riyang mamaluktot"

dagdag pa, "anuman ang aming suutin
kumportable kami’t huwag babastusin
matakam man kayo sa alindog namin
ay huwag nyo lamang kaming sasalingin"

ang mga babae'y ating irespeto
silang larawan ng ina at lola mo
huwag manggahasa, magtinong totoo
dahil kung di'y tiyak ikaw'y kalaboso

purihin mo na lang ang kanilang ganda
ngunit huwag mo nang pagnasaan sila
pagkat sila’y ating katuwang, kaisa
sa pagbabago ng bulok na sistema

Biyernes, Pebrero 3, 2012

Babae ang Mapagpasya

BABAE ANG MAPAGPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

babae ang mapagpasya sa katawan niya
kung nais makialam, magpaalam ka muna
huwag siyang pwersahin, baka makasuhan ka
habambuhay, kundi bitay, ang iyong sentensya
pag napatunayang ikaw nga'y nanamantala

kung nais ang babae, siya muna'y suyuin
maningalang pugad ka't siya'y pakaibigin
pagkat di kusang ibibigay ang puring angkin
ito'y laan lang sa kanyang pakamamahalin
pagkat yaman itong ang kapara'y toreng garing

katas man nila'y sariwa't pawis ay kaybango
mahirap makialam sa kanilang pribado
baka kaladkarin ka riyang kapara'y aso
kung di ka mapatay, tiyak ikaw'y kalaboso
kaya pasya ng babae'y ating irespeto



Huwebes, Pebrero 2, 2012

Apat na batas sa ekolohiya ni Barry Commoner

APAT NA BATAS SA EKOLOHIYA NI BARRY COMMONER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may apat na batas sa ekolohiyang pamana
si Barry Commoner na kilalang ekolohista
paglimiang mabuti ang mga sinabi niya
tiyak unawa mong ang buhay sa mundo'y kayganda

una, lahat ng bagay sa mundo'y magkakaugnay
may hininga, kumakain, umiinom, may buhay
ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong kamay
ang bawat saribúhay ay pangalagaang tunay

ikalawa, bawat bagay ay pupunta kung saan
walang nawawala, kundi natatransporma lamang
mula yelo'y naging tubig, ulap ay naging ulan
binhi'y naging puno, nang sinibak, naging tahanan

ikatlo, alam ng kalikasan anong mabuti
upang buhay ng bawat isa sa mundo'y umigi
ibon ay malaya, animo’y walang kakandili
ngunit buhay, kalikasan ang sa kanya’y nagsilbi

walang libreng pananghalian yaong ikaapat
kaya di mabuting tayo’y mag-aksaya’t magkalat
lahat ay may dahilan kung bakit nariyan lahat
mabuti’y gawin kung nais magkaroon ng sapat