Huwebes, Enero 12, 2012

Organisahin ang mga Manggagawang Kontraktwal

ORGANISAHIN ANG MGA 
MANGGAGAWANG KONTRAKTWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

yaong ihip ng hangin ay tuluyang nagbago
kaya ngingisi-ngisi na ang mangangalakal
hinabagat nang tuluyan ng kapitalismo
ang obrerong regular na ngayon na'y kontraktwal

ang regular na manggagawa'y naging kay-ilap
napatahimik ba ang dagat ng pag-uunyon?
pulos kontraktwal na ang sa pabrika'y laganap
sanlaksa sila ngayong patuloy sa pag-alon

kaylawak ng dagat ng manggagawang kontraktwal
habang sapa na lang ang manggagawang regular
nagtagumpay ang iskema ng mangangapital
regular na obrero'y nawalan na ng lugar

nanalo man ngayon ang mga kapitalista
ito sa obrero'y pansamantala lang naman
pagkat maaari rin nating maorganisa
ang manggagawang kontraktwal sa ating lipunan

humihila na tayo ng bayawak sa lungga
sa layon nati't tungkuling pag-oorganisa
kaunti na lang ang regular na manggagawa
dahil kontraktwal na ang mayorya sa kanila

limang buwang singkad, patuloy sa pagpapagal 
ang manggagawang iniiwas sa pag-uunyon
aba'y mulatin na sa uri silang kontraktwal
silang mga api'y dapat ding magrebolusyon

Walang komento: