Sabado, Enero 14, 2012

Oda kay Aesop

ODA KAY AESOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

habang binabasa ko ang mga pabula
sa maraming aral ako nga'y napapatda
pagkat si Aesop ay sadyang kahanga-hanga
sinaunang manunulat, paham ang akda

sinilang na may kapansanan sa pandinig
kuba, alipin, ngunit malamyos ang tinig
dahil kung hindi'y sino na ang makikinig
sa mga aral niyang alay sa daigdig

sa kanyang sipag ay pinalaya ng amo
hanggang maglakbay siyang paroo't parito
nakipagtalastasan sa maraming tao
dito lumabas ang pambihirang talino

palibhasa'y dating alipin nang isilang
kaya dama niya yaring pulso ng bayan
lalo't mga dukhang puspos karalitaan
kaya't inaapi nitong mga gahaman

nilikha ang pabula't sa tao'y kinwento
upang maling ugali'y mapuna't mawasto
ginamit ang hayop, pinagkunwaring tao
matabil, mabangis, nag-iisip, at tuso

mga hayop na bida'y sadyang kayrurunong
nariyan ang kwento ng langgam at tipaklong
pabula ng lobo't leyon, matsing at pagong
meron kayang kwento ng balyena't galunggong

nariyan ang pabula ng ubas at lobo
paligsahan nina kalabaw at kabayo
at sa ilog nalaglag ng aso ang buto
paano nakainom sa pitsel ang loro

tinipon mula sa panahong sinauna
nagpasalin-salin at sa mundo'y pamana
hanggang sa kasalukuyan ay mabisa pa
gintong aral sa mundo, sa kapwa't sa masa

mga pabula'y hibo ng katotohanan
kung anong nangyayari sa ating lipunan
mga pabula'y mahirap pabulaanan
pagkat salamin nitong ating kabihasnan

ang pabula ni Aesop ay libo nang taon
ngunit kailangan pa ito hanggang ngayon
ang mga walang buti'y baka magkaroon
at ang lipunang ito'y umigi paglaon

Walang komento: