Martes, Disyembre 20, 2011

Lubog sa Putik

LUBOG SA PUTIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang bahay pa ba ang dapat mabaon sa putik
upang matanto nating dapat kumilos ang masa?
ilang buhay pa ba ang maibabaon sa putik
kung wala tayong magawa sa nagbabagong klima?

lubog sa putik ang mga bayan dahil sa unos
na biglaang dumatal at sa buhay ay tumapos

ilang taon pa ba bago mapaghilom ang mundo
mula sa sakit nitong sa t'wina'y nararanasan?
ilang tao pa ba ang kailangan natin dito
upang mawatasang kapitalismo ang dahilan?

na sa bawat pagbuga ng usok sa himpapawid
butas ang ozone layer na sa mundo'y nagpainit

paano nga ba natin hahanapin sa putikan
ang mga inilubog ng mga bagyong dumatal?
paano ba natin hahalukayin sa isipan
ang matatamis na araw na kapiling ang mahal?

Rosing, Milenyo, Ondoy, Pepeng, Pedring, Quiel, Sendong 
ilang pangalan itong sa atin nga'y dumaluyong

kailan magiging seryoso ang pamahalaan
upang paghandaan ang mga unos pang darating?
kailan magiging totoong seryoso ang bayan
upang harapin ang hamon ng daratal pang lagim?

ikaw, 'igan, wala ka bang paki't pahilik-hilik?
paano kung bahay mo na ang lumubog sa putik?

Huwebes, Disyembre 15, 2011

Sugatang Makata


SUGATANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ako'y isang sugatang makata
bakit, sinta, ako'y pinaluha
gayong bintang mo'y di ko ginawa
poot mo ba'y kailan huhupa

hindi ako isang salawahan
hindi kita pinaglalaruan
hindi kita kayang pagtaksilan
ikaw lang ang buhay ko't kagampan

ako'y naging makatang sugatan
na biktima ng mga tsismisan
gayong wala akong kasalanan
sinta ko, ako'y paniwalaan

mga tula kong alay sa iyo
na sinabi mong iniipon mo
sasayangin mo bang lahat ito
dahil sa bintang na di totoo

ang poot mo'y pakong nakabaon
pati tula ko'y nasa linggatong
bigyan mo pa ng pagkakataon
na ibigin kitang muli ngayon

patuloy pa kitang mamahalin
mawala ka man sa aking piling
kung pag-ibig ko'y balewalain
makabubuting buhay ko'y kitlin

Martes, Disyembre 13, 2011

Ang Inidoro at ang Trapo


ANG INIDORO AT ANG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang inidoro'y tagasalo ng tae ng iba
trapo nama'y tagasalo ng maraming problema
dulot ng inidoro'y pawang ginhawa sa masa
dulot ng nanalong trapo'y pawang hirap at dusa

buti pa ang inidoro't di marunong mangako
ngunit nariyan lang upang ikaw ay di mamaho
puntahan ito agad kapag tiyan mo'y kumulo
ngunit trapo'y iba, mga pinangako'y napako

bawat sama ng loob, ibuhos sa inidoro
sa sakit ng tiyan, inidoro ang sasaklolo
pag may reklamo itong bayan, subukan ang trapo
tunay ba silang sa taumbayan sumasaklolo

mabuti pa ang inidoro't ikaw'y giginhawa
habang trapo'y yumayaman ay lalagi kang dukha
inidoro'y walang angal kung kailangang lubha
trapo'y aangal kapag tubo sa proyekto'y wala

ang inidoro'y tapat na lingkod ng taumbayan
ang trapo sa taumbayan ay walang katapatan
mabuti pa yatang inidoro ang ipanlaban
bakasakaling trapo'y ilampaso sa halalan

Lunes, Disyembre 12, 2011

Ang Trono ng Sama ng Loob


ANG TRONO NG SAMA NG LOOB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

upuan, haring trono, lagakan ng dumi
pahingahan ng katawan ang piping saksi
sa ilang minutong ikaw'y di mapakali
nariyan ito't sa iyo'y handang magsilbi

araw-gabi'y saksi sa buo mong kahubdan
sa iyong nakabuyangyang na kaselanan
sa sama ng loob ay isang kumpisalan
lagakan ng iyong nagawang kasalanan

kung tiyan mo'y tila hinagupit ng punyal
puntahan mo ito't agad kang mangumpisal
bago mo iwan ang nakangangang pedestal
linising maigi nang iba'y di magduwal

anupa't ito'y isang mahalagang trono
ginhawa ang dulot anuman ang lahi mo
upuan ng hari at karaniwang tao
kawawang tiyak yaong bayang wala nito

ang sama ng loob mo'y sa kanya ilagak
gawin mo lamang ang nararapat at tumpak
mahirap nang ikaw'y tuluyang mapahamak
sapupo ang tiyang gagapang ka sa lusak

Lunes, Disyembre 5, 2011

Magdugo Man ang Utak


MAGDUGO MAN ANG UTAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ito lang ang ikinabubuhay ko
ang magsulat ng magsulat ng todo
kahit walang natatanggap na sweldo
patuloy ako sa pagkathang ito

ngunit paduguan ito ng utak
habang tumatahak sa lubak-lubak
hanggang imahe'y sa isip tumarak
hanggang ang diwa'y tuluyang magnaknak

ngunit kailangan ko itong gawin
upang limanglibong tula'y marating
bawat kataga nawa'y iyong damhin
at sasaiyo ang diwa kong angkin

ang makatang tulala't walang kibo
tutula pa rin utak ma'y magdugo
kahit pa sa gitna ng pagkalango
ikukwento ang tamis at siphayo

Linggo, Disyembre 4, 2011

Sulong, mga kapwa sosyalista!

SULONG, MGA KAPWA SOSYALISTA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sumulong tayo, mga kapatid
at itong sosyalismo'y ihatid
sa mga isipang nakapinid
at sa mga pusong tila manhid

kailangang dinggin nitong bayan
ang malakas nating panawagan:
ipagtanggol bawat karapatan!
itayo, sosyalistang lipunan!

sa lahat ng kapatid, kasama
mabuting loob ng sosyalista
at pagmamahal natin sa masa
at sa uri'y ating ipadama

magmartsa tayong bandila'y hawak
habang sukbit ang baril at tabak
nais nating tuluyang mawasak
ang kapitalismong mapangyurak

sulong, mga kapwa sosyalista
para sa karapatan, hustisya!
bakahin ang bulok na sistema
at lahat ng mapagsamantala!

magkaisa, uring manggagawa!
kayong mula sa maraming bansa
tanganan ang prinsipyong dakila
sulong sa sosyalismong adhika!

Sabado, Disyembre 3, 2011

Ang Laptop ay Tulad Din ng Armalayt


ANG LAPTOP AY TULAD DIN NG ARMALAYT
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang laptop ay tulad din ng armalayt
palaging gamit ng may dala nito
kaulayaw lagi sa gabi't araw
na di dapat mapawalay sa kanya

sa mandirigmang Moro o sundalo
armalite ay para nilang asawa
di inihihiwalay sa katawan
at laging dala saanman magpunta

ganyan din sa mga propagandista
ang laptop ay para nilang asawa
di dapat nawawalay sa katawan
at laging dala saanman magpunta

upang isulat ang dapat isulat
tulad ng mensahe nila sa media
tulad nitong polyetong mapagmulat
na ang babasa'y maoorganisa

armalayt dapat laging may magasin
para sa opensiba nya't depensa
gawa ng propagandista'y magasin
araw-gabi'y katha nang katha siya

di nga dapat sa kanila'y mawalay
ang gamit nilang laging kaulayaw
ang laptop ay tulad din ng armalayt
kasa-kasama hanggang sa pumanaw

kaya dapat nyo silang maunawa
armalayt ay gamit ng mandirigma
at laptop naman sa propagandista
araw-gabi'y lagi nilang kasama

tanggalin mo ang laptop at armalayt
isang araw man o isang oras lang
ramdam mong sila'y di na mapakali
ramdam nila'y wala na silang silbi

laptop at armalayt ay mahalaga
huwag tanggalin sa propagandista
huwag ding alisin sa mandirigma
kung ayaw mong tawagin kang kuhila

ang laptop ay tulad din ng armalayt
parang asawa kung ituring nila
di iniiwan kahit magkagyera
mawawalay lang pag patay na sila

Tugon kay makatang Pia

TUGON KAY MAKATANG PIA
15 pantig bawat taludtod

di ka lang makata kundi dakilang mangingibig
sa mga salita mo'y dama ko ang pahiwatig
mga likha mong tula'y puso ang nakaririnig
nakabibingwit ng puso ng sinumang makisig
kahit mga tigasin ay kaya nitong malupig

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Nagkalat ang Basura sa Rali


NAGKALAT ANG BASURA SA RALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

madalas ang rali'y nagmimistulang pyesta
dahil sa nangaglipanang mga basura
na iniwan doon ng mga raliyista:
polyeto, bote, basong plastik, at iba pa

tapon dito't doon, kaylaking basurahan
ang tingin nila sa malapad na lansangan
tapon kung saan-saan, walang pakialam
di baleng marumi't may maglilinis naman

di ba't nais nilang mabago ang sistema
nangangarap na bumuti ang ekonomya
igalang ang karapatan ng bawat isa
ngunit bakit ba sila'y walang disiplina

munting basura'y tapon doon, tapon dito
kaya tingin ng iba sa rali'y magulo
at ang tingin sa raliyista'y walang modo
kilusang masa'y paano irerespeto

di ba kasama dapat itong disiplina
sa tangan-tangan nilang ideyolohiya
di maitapong tama ang simpleng basura
bagong sistema pa itong pangarap nila

disiplina'y simulan natin sa sarili
upang kahit gobyerno'y hindi maging bingi
ipakitang kahit pa tayo'y nasa rali
disiplinado tayo't nakakaintindi

kaydaling sabihan ng lider ang kasama
na itapong diretso ang basura nila
sa basurahan o kaya'y ibulsa muna
ipakitang raliyista'y may disiplina

itapon ang basura huwag sa lansangan
kundi doon lamang sa mga basurahan
kung disiplinado lang tayo'y tiyak namang
ang bagong sistema'y kayang pamahalaan