Biyernes, Oktubre 28, 2011

Pag-ibig ay ano?

PAG-IBIG AY ANO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Pag-ibig ay ano ba sa bawat puso't isipan
Isa itong pandamang tagos sa kaibuturan
Ako'y sumisinta't larawan ng kasigasigan

Maitutulad ba sa pulang rosas ang pag-ibig
O sa tsokolateng sadyang kaylinamnam sa bibig
Na bawat pagsuyo'y tila musikang naririnig

Tunay na tumatalab ang pagsintang anong sidhi
Anaki'y kakamtin muna anumang minimithi
Ligayang dama'y ginhawang kumukurot sa budhi

Bawat pag-irog tila tigib ng mga pangako
At aabutin ang langit para sa sinusuyo
Nawa'y kamtin ng puso ang nasa't di masiphayo

Miyerkules, Oktubre 26, 2011

Sino ang duwag?

SINO ANG DUWAG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Minsan ay may nagtanong? / Ang duwag daw ba'y sino?
Simple lamang ang tugon / ng matalinong lolo:
Duwag ang mga taong / imbes gamiti'y ulo
Sa mga suliranin / lalo't yaon na'y gulo
Hindi na mag-iisip / o tutulong sa iyo
Ang gamit niya'y binti / utak niya'y narito
Tanging gawa'y lumayo't / kumaripas ng takbo.

Kaya si lolo'y ito / ang kabilin-bilinan:
Problema'y dumarating / hindi mo nalalaman
Kaya dapat magmatyag / suriin ang anuman
Pag problema'y dumatal / agad mong pag-isipan
Agad itong harapin / ng iyong buong tapang
Nariyan ang solusyon / pag sinuring mataman
Paglayo'y hindi sagot, / lalo ang karuwagan.

Sa sinabi ni lolo, / kayrami nang natuwa
Suriin mo ang taas, / likod, gitna, at baba
Tagiliran at sulok, / ang diretso't kabila
Solusyon ay nariyan / gaano man kapakla
Malalasahan mo ring / tumamis pati luha
Pag nag-isip ay meron / ka palang magagawa
Tila bawat problema'y / may tugong nakatakda.

Lunes, Oktubre 24, 2011

Hustisya'y Pangmayaman?

HUSTISYA'Y PANGMAYAMAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

napakaraming katanungan ang umuukilkil sa isipan
kapag may naaagrabyado sa sistema ng katarungan

bakit si Erap na guilty sa plunder ay nakalaya agad
ngunit yaong political prisoners sa piitan pa'y babad

bakit si Gloria'y pwede agad magpagamot sa ibang bansa
ngunit namamatay na di magamot ang mga maralita

bakit sinabi ni Noynoy na ang taumbayan ang kanyang Boss
ngunit kampi kay Lucio Tan, di sa manggagawang inuubos

bakit sa kaso ng taga-FASAP na nanalo na sa Korte
ay nabaligtad pa kahit ito'y "final and executory"

sa simpleng liham lang ng abogadong Estelito Mendoza
ay biglang umikot ang tumbong ng Korte't dagliang nagpasya

bakit kaybilis ng hustisya sa mga tulad ni Lucio Tan
ngunit kaybagal pag mahirap ang naghanap ng katarungan

bakit si Jalosjos na guilty sa rape ay agad nakalaya
ngunit si Echegaray ay agad nabitay sa Muntinlupa

bakit nauso ang salot na iskemang kontraktwalisasyon
na pumatay sa karapatan ng mga obrerong mag-unyon

bakit pati ang mga vendors na nagtitinda ng marangal
ay hinuhuli't sinusunog ang kanilang mga kalakal

ngunit ang pribadong sektor na sa masa'y kaytaas maningil
pinayagan kahit buhay nati'y unti-unting kinikitil

bakit ang nahuhuling mag-jumper ay agad ipinipiit
ngunit malaya ang sumisingil ng kuryenteng di ginamit

bakit bahay ng maralita'y winawasak at tinitiris
kaya nambabato ang mga maralitang dinedemolis

a, sadyang napakarami pang bakit ang ating masasabi
lalo't sa sistema ng hustisya sa bansa'y di mapakali

di ang mayayaman lang ang dapat makadama ng hustisya
kundi dapat lahat, may hustisya dapat lalo na ang masa

"at ang hustisya ay para lang sa mayaman", ayon sa awit
na Tatsulok na ang mensahe'y sadya ngang nakapagngangalit

masasagot ang mga tanong kung ating pakasusuriin
bakit ganito ang sistema't kalagayan ng bayan natin

mula doon ay magkaisa tayo tungo sa pagbabago
ng sistema't itayo na ang isang lipunang makatao

huwag nating payagang magisnan pa ng ating mga anak
ang sistemang tila balaraw sa ating likod nakatarak

tayo nang magsama-sama't palitan na ang sistemang bulok
at ang uring manggagawa't aping masa'y iluklok sa tuktok

Sabado, Oktubre 22, 2011

Kung Namumuno'y Kuhila


KUNG NAMUMUNO'Y KUHILA
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nakikilala sa gawa 
ang totohanang dakila
kaya kung namamahala
sa gobyerno at sa madla
ay pawang mga kuhila
mamamayan ay kawawa

Huwebes, Oktubre 20, 2011

Kung Paano Paslangin ang Kapitalista

KUNG PAANO PASLANGIN ANG KAPITALISTA
ni Greg Bituin Jr.

ang pagpaslang sa kapitalista'y di sa pamamagitan ng:
- pagpugto ng kanyang hininga
- pagbasag ng kanyang bungo
- pagputi ng kanyang buhay
dahil masama daw pumatay
sabi ng mga nagbabanal-banalan

tulad ng kung gaano kasama ang
- di pagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa ng mga manggagawa
- salot na iskemang kontraktwalisasyon na yumuyurak sa karapatan
- baliw na sistemang demolisyon
- kasakiman sa tubo, tubo at tubo

mapapaslang lamang ng tuluyan
ang mga hayop na kapitalista
kung bubunutin ang pinag-ugatan
ng kanilang pananamantala

di madaling paslangin ang kapitalista
- dahil hawak nila ang estado poder
- dahil kampi nila ang ehekutibo, lehislatibo at hudikatura
- dahil may pribado silang hukbo ng depensa
- ngunit mapapaslang din sila

mapapaslang ang kapitalista kung:
- magkakaisa ang uring manggagawa
- magrerebolusyon ang mamamayan
- mapapawi ang dahilan ng kanilang eksistensya
- mapapawi ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, pagkat ito ang ugat ng kahirapan
- maitatayo ang bagong sistemang siyang papalit sa kapitalismo

Miyerkules, Oktubre 19, 2011

Ang Nagwawalanghiya pa ang Pinagpapala

ANG NAGWAWALANGHIYA PA 
ANG PINAGPAPALA
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinipsip nila ang ating lakas-paggawa
na madalas ay di binabayarang tama
ibinabaon tayo sa pagiging dukha
kahirapan pa natin ay pinalalala

pag nalugi naman ang kanilang kumpanya
manggagawa'y sisisihin dahil nagwelga
pinagpapala pa'y mga kapitalista
ng gobyernong kauri nila sa burgesya

pag ang bansa'y nagkaproblema sa panggugol
obrero'y tanggal, buhay ng dukha'y sasahol
pag may krisis, bangko pa ang pinagtatanggol
sa kapitalista'y di sila makatutol

bakit ba yaong mga nagwawalanghiya
ang siyang sa mundong ito'y pinagpapala
kapitalista'y sinambang tila Bathala
habang itsapwera ang manggagawa't dukha

globalisasyon ang lumikha nitong krisis
obrero'y unti-unti nilang tinitiris
karapatan ng masa itong pinapalis
turing ng kapitalismo sa masa'y ipis

habang mga bangkong tuloy sa pagkalugi
tutulungan ng gobyernong mapagkandili
di sa kanyang mamamayan, kundi sa imbi
tila sumumpang bangko'y tutulungan lagi

kapitalismo nga'y walanghiya't kaysakim
sa puso'y dumuduro't nagdulot ng lagim
sa bituka nati'y gumuguhit, matalim
hanggang magsuka tayo ng dugong nangitim

palitan na natin itong sistemang bulok
sa pagbabago lahat tayo'y magsilahok
mga sektor, dukha, babae, tagabundok
uring manggagawa'y ilagay na sa tuktok

Lunes, Oktubre 17, 2011

Pasindi, sabi ng isang sunog-baga

PASINDI, SABI NG ISANG SUNOG-BAGA
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nakakabili ng isang kahang yosi
di makabili ng sariling panindi
naghihiram ng lighter imbes bumili
kapwa'y inaabala't kinukunsumi

trenta pesos ang kaha ng sigarilyo
dalawang piso lang naman ang posporo
pero di makabili ang mga ito
di masustentuhan ang sariling bisyo

ugali nilang araw-araw manghiram
ng panindi't sa iba'y nakikialam
kakilala'y lihim namang nang-uuyam
na sila yata'y wala nang pakiramdam

ang kanilang kapwa'y di na lang iimik
sa pang-aabala nilang mga adik
pag di nasindihan ang yosing katalik
baka mata nila'y agad magsitirik

Biyernes, Oktubre 14, 2011

Kung Paano Ako Dapat Mamatay


KUNG PAANO AKO  DAPAT MAMATAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

walang sinumang makapagsasabi
kung paano ba tayo mamamatay

kung mamamatay ba akong may silbi
o bubulagta lang ng walang malay

tutumba ba ako sa isang punglo
o tatadtarin ang aking katawan

tutumba ba dahil pinagkanulo
ng sinumang tarantado't gahaman

mamamatay ba akong busog, bundat
o mamamatay na mata ko'y dilat

mamamatay ba ako habang bata
o mamamatay na lang sa pagtanda

kung paghiling ay maaari lamang
kung paano ako dapat mamatay

huwag pahirapan, isang bala lang
itong tatapos sa iwi kong buhay

tandang pinagsilbihan ang obrero
kahit buhay ko sa dalita'y sidhi

ginampanang husay ang aktibismo
nang lumang sistema'y di manatili

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Di bigo ang nag-alay ng buhay

DI BIGO ANG NAG-ALAY NG BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"They never fail who die in a great cause." ~ Lord Byron

di bigo ang sinumang nag-alay ng buhay
para sa kapakanan ng nakararami
para sa dakilang misyon at adhikain
para sa isang prinsipyadong simulain

pagkat sadyang mabuting ialay ang buhay
na sa sambayanan at kapwa'y nagsisilbi
upang ang lipunan ay tuluyang baguhin
upang sa sistema'y walang inaalipin

Lunes, Oktubre 3, 2011

Ang Masa'y Putik sa Panahon ng Kapitalismo

ANG MASA’Y PUTIK SA PANAHON NG KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang masa'y putik sa panahon ng kapitalismo
ang burgesya'y bulag mamatay man ang mga ito
ang elitista'y bingi pag masa'y nagsusumamo
kapitalista'y pipi't tila walang pagkatao
sa ganito ngang sistema'y lagi na lang ganito

putik ang tingin sa masa ng mga hinayupak
kaya pag dukha'y nakakatuwaang hinahamak
putik ang masa kaya pinagagapang sa lusak
ng dusa't hirap sa daigdig na ito'y palasak
at sa mga sugat ng sakripisyo'y nag-aantak

sa kapitalismo'y kapit sa patalim ang masa
laging inaaglahi, lagi silang itsapuwera
may demolisyon, lakas-paggawa'y binabarat pa
sa sitwasyong bang ito tayo'y magpipikitmata
o makikibaka na't babaguhin ang sistema

ang mga dukha'y parating inaapak-apakan
ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan
karangalan ng masa'y kanilang pinuputikan
kaya ang masa't manggagawa'y dapat nang lumaban
upang itayo ang kanilang sariling lipunan

dapat nang wakasan ang sa masa'y pang-aaglahi
putik na ikinulapol sa masa'y mapapawi
kung dudurugin na ang mapagsamantalang uri
ang kapitalistang sistema'y dapat nang mapawi
uring manggagawa't dukha'y panahon nang maghari

Linggo, Oktubre 2, 2011

Si Lucio ba ang Boss ni P-Noy?

SI LUCIO BA ANG BOSS NI P-NOY?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(2,600 manggagawa ang apektado ng planong outsourcing sa PAL)

ang sabi noon ni P-Noy, "kayo ang Boss ko!"
ngunit sino nga ba ang Boss niyang totoo?
ang kapitalista ba o ang simpleng tao?
sa kaso ng PAL, obrero ba o si Lucio?
sino ba talaga ang Boss ng pangulo nyo?

nais pa niyang kasuhan ang manggagawa
economic sabotage ang aming balita
anong nangyari, Pangulo na'y walang awa
ang kapitalista na ang dinadakila
at mga manggagawa'y binabalewala

si Lucio ba ang Boss ni P-Noy? tanong ko lang
si Lucio na ba ang sa puso niya'y lamang?
ang sagot dito'y alam ng bayan malamang
kita namang kapitalista'y nanlalamang
kahit karapatan ng obrero'y maharang

di na naisip, Boss niya ang manggagawa
ang Pangulo ba'y wala nang isang salita
mga manggagawa na'y winawalanghiya
pagkat iyang pangulo nyo'y nagpapabaya
di pala niya Boss ang manggagawa't dukha

labanan ang promotor ng pribatisasyon
at nangwawasak ng karapatang mag-unyon
labanan ang salot na kontraktwalisasyon
mga karapatan ang tanging tayo'y meron
kaya tama lang ipaglaban ito ngayon

ang sabi noon ni P-Noy, "kayo ang Boss ko!"
nagsisinungaling na yata siyang todo
aba'y kung sunud-sunuran siya kay Lucio
dapat magpasiya na ang uring obrero
ang pangulo nyo'y patalsikin na sa pwesto!

Sabado, Oktubre 1, 2011

Nang Mandaluyong si Pedring


NANG MANDALUYONG SI PEDRING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tulad ni Ondoy, dumaluyong din si Pedring
buong kalangitan ay totoong nagdilim
kayraming napatay, tila isang salarin
dinulot ni Pedring sa bayan nga'y kaylagim

dinaluyong ni Pedring ang mga lansangan
kayraming bahay ang kanyang sinagasaan
kayraming buhay ang nawalan ng tahanan
tila nilamon ng lupa ang buong bayan

nang mandaluyong si Pedring tulad ni Ondoy
apektado ang dukha, pati na palaboy
lubog ang lungsod, kapara'y tila kumunoy
pati mga halaman, ani'y nangaluntoy

bahay at paaralan ang lubog sa baha
higit sandaang buhay yaong nangawala
ang pagdaluyong ni Pedring ay tila sumpa
na sa mga apektado'y nagpatulala