Linggo, Agosto 7, 2011

Ilang nilay sa danas

ILANG NILAY SA DANAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i
pag malakas ang ulan, agad tayong sisilong
sa tindi ng sikat ng araw, tayo'y magpapayong
pag nakita'y krimen, tatahimik o magsusuplong?
pag inaaglahi ka na, lalaban o uurong?
pag nauuhaw, hanap ay tubig upang uminom
naghahanap ng pagkain pag ramdam na ay gutom
sa pitsel na may yelo'y lilitaw ang alimuom
ang mga sugat bago magpilat ay naghihilom
pag may poot sa dibdib, ang kamao'y kumukuyom
sari-saring kalinangan, sari-sari ang gahum

ii
lagi na'y kailangan nating magsuot ng damit
kung laging hubad, maaari tayong magkasakit
may mga tinderang ang nilalako'y malagkit
na pag iyong tinikman sa mga ngipin mo'y pagkit
yaong mga karpintero'y laging may handang gamit
na kukunin pag kailangan ng kikil o pait
papakuan ang mga upuang lumalangitngit
nais nating makita ang diyosang sakdal-rikit
ngunit marapat muna tayong magpunta sa langit
at doon makisaya sa anghel na umaawit

iii
pag ang tao'y gutom, uunahin munang mabusog
bago kumilos para sa pangarap na matayog
mas mabuti kung ang prutas ay sa puno mahinog
kaysa ikalburo, mapakla'y madaling malamog
sa munting apoy nagsisimula ang bawat sunog
at munting ulan pag sa baha ang bahay mo'y lubog
ang mapula't matamis na rosas ay pinupupog
ng tila nagdidiliryong makisig na bubuyog
mag-ingat lalo na't nalasing ka'y baka mabugbog
ng kapwa lasenggo, mabuting ikaw na'y matulog

iv
upang matiyak na kalusugan nati'y maayos
kailangang uminom at magsikain ng maayos
may tubig, may karne, may isda, may gulay, may talbos
may prutas, sari-saring kakanin, suman sa ibos
tipirin ang salapi, planuhin ang ginagastos
tiyaking sa oras ng kagipitan, may panustos
mayayabang at sikat, kalauna'y malalaos
yaong nagsisikap, sa buhay ay nakakaraos
huwag mong hayaang ang bayan mo'y binubusabos
ng mga kababayang sa dayuhan nakagapos

Walang komento: