Miyerkules, Agosto 31, 2011

Kailan Ba Makikita Silang Nangawala?

KAILAN BA MAKIKITA SILANG NANGAWALA?
(Alay para sa International Day of the Disappeared, 
Agosto 30, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kailan ba makikita ang mga nangawala
mawawala na bang tuluyan ang kanilang mukha
di ba't aktibista silang ang ginawa'y dakila
para sa masa, para sa obrero't mga dukha
dahil ba nagrebolusyon, sila na'y isinumpa

sila'y nangawala na ng matagal na panahon
sinong magsasabi kung saan sila ibinaon

kailan nga ba makikita silang nangawala
malalaki na ang iniwan nilang mga bata
paghahanap nila'y kailan matatapos kaya
sa buhay na ito'y iyan ang kanilang inaadhika
saan ba makikita ang bangkay na nangawala

sila'y nangawala na ng matagal na panahon
sinong magsasabi kung saan sila ibinaon

nagkakaisa ng pangarap ang mga naiwan
mga nangawala'y tuluyan nilang matagpuan
kahit pawang kalansay na lamang upang mabigyan
ng disenteng libing at kanilang maparangalan
nang kahit paano, sakit sa damdami'y maibsan

sinong magsasabi kung saan sila ibinaon
sino kaya ang nag-utos upang sila'y ibaon

Martes, Agosto 30, 2011

Sa mga nanalbahe

SA MGA NANALBAHE
(Alay para sa International Day of the Disappeared, 
Agosto 30, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matagal na kaming desaparesido, noon pa
kami'y sinalbahe panahon pa ng diktadura
habang ang iba'y nangawala matapos ang Edsa
kami'y nakalibing sa kung saan, di pa makita
kaytagal na hinanap ng aming abang pamilya

humihibik sa karimlan, kaulayaw ang dilim
magbukangliwayway man ay lagi ring takipsilim
di namin madalumat yaong naranasang lagim
sa pagbabagong hangad, ginanti nila'y rimarim!
halimuyak ng hustisya'y amin bang masisimsim?

kayong may alam, aming labi'y saan nakabaon?
makonsensya't ituro na saan kami naroon!
kaming pinaslang nyo dahil pagbabago ang layon
kaming ang pinangarap, bansang ito'y makaahon
walang mayaman, walang mahirap, lahat mayroon

katotohanan tungkol sa amin ay inyong taglay
sabihin nyo na saan nalibing ang aming bangkay
upang puso ng naiwang pamilya'y tumiwasay
kahit man lang pahiwatig sa pamilya'y ibigay
nang kaming desaparesido'y matagpuang tunay!

Biyernes, Agosto 26, 2011

Ano ang Rebolusyon?


ANO ANG REBOLUSYON?
ni Greg Bituin Jr.

Ang rebolusyon ay pagbato ng tae sa mukha ng mga imperyalista.

Ang rebolusyon ay pagpana sa puwet ng mapagsamantala.

Ang rebolusyon ay ang pagpukol ng bulok na kamatis at bagoong sa mga bulok na pulitikong pahirap sa bayan.

Ang rebolusyon ay ang mga lider na di nahihiyang maghawak ng plakard at bandila sa rali.

Ang rebolusyon ay ang pag-apak sa makasaysayang Mendiola, ang pangunahing lunsaran ng protesta.

Ang rebolusyon ay ang pagtulong sa dinedemolis na maralitang walang sariling bahay.

Ang rebolusyon ay ang pag-oorganisa sa mga manggagawang regular upang magtayo ng unyon.

Ang rebolusyon ay ang pag-oorganisa sa mga manggagawang kontraktwal na walang katiyakan sa trabaho.

Ang rebolusyon ay ang magkasintahang aktibista.

Ang rebolusyon ay ang mag-asawang nakikibaka at ang anak na sumusunod sa yapak ng ama't inang aktibista. 

Ang rebolusyon ay pagpawi sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon.

Ang rebolusyon ay sina kasamang Karl at Friedrich na nag-akda ng isang manipesto noong 1848 para sa uring manggagawa.

Ang rebolusyon ay si kasamang Vladimir at ang kanyang 45 tomo ng tinipong mga akda.

Ang rebolusyon ay sina kasamang Fidel at Che na nagbago sa landas ng pulitika sa kanilang bansa.

Ang rebolusyon ay si kasamang Popoy at ang diwang kanyang ipinamana sa manggagawang Pilipino.

Ang rebolusyon ay uring manggagawang nagkakaisa upang baguhin ang bulok na sistema.

Ang rebolusyon ay ang pananaig ng hinahon sa harap ng paninibasib ng kapitalismo sa mundo.

Ang rebolusyon ay pagmumulat sa manggagawa't maralita tungo sa adhikaing sosyalistang lipunan.

Ang rebolusyon ay ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ng lipunan, kapaligiran at kapwa tao.

Ang rebolusyon ay siyang dapat pangarapin ng mayoryang naghihirap sa mundo laban sa iilang nagpapasasa sa yaman ng daigdig.

Miyerkules, Agosto 24, 2011

Sa Lambong ng Ulap


SA LAMBONG NG ULAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ayoko ng ganyang dilim ng kalangitan
pagkat tulad ito ng ako'y iyong iwan
tandang may unos at baha sa kalunsuran
tulad ng iwan mong ang puso ko'y sugatan

nais ko'y isang bagong araw ang sisikat
na siyang hihilom sa nilikha mong sugat
nais ko'y bughaw yaong langit sa pagdilat
na tandang may buhay sa kabila ng pilat

kung sakali mang lumambong muli ang ulap
sa kalangitang bughaw ng mga pangarap
may bago kayang pag-ibig na malalasap
tadhana ba'y muli tayong mapapagtiyap

umulan ma’t umaraw, tuloy ang pag-ibig
na sa bawat puso'y pagmamahal ang dilig
walang makapipigil kahit nanginginig
bumaha man ng luha't tuwa'y nakikinig

Martes, Agosto 23, 2011

Kaming Aktibista'y Nabubuhay ng Marangal

KAMING AKTIBISTA'Y NABUBUHAY NG MARANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kaming aktibista'y nabubuhay ng marangal
nakikibaka man kami laban sa kapital
ngunit nakikibakang marangal, di kriminal
kami'y tumatalima sa disiplinang bakal

di nambabastos, di nanghihipo, at di imbi
di nagnanakaw, di nang-aapi ng babae
matanda, bata, tungkulin namin ang magsilbi
sa masa at nilalabanan ang mang-aapi

binabayarang tama ang anumang nasira
laging may paggalang sa bawat pananalita
isinasauli bawat hiniram sa madla
kapwa ma'y kagalit, di namin isinusumpa

di nangunguha kahit piraso ng sinulid
sa lipunan, mata't tainga namin ay di pinid
anuman ang isyu't pangyayari'y binabatid
pagkat buhay na marangal itong aming hatid

Linggo, Agosto 21, 2011

Hanggang Islogan Ka Lang (?!)


HANGGANG ISLOGAN KA LANG (?!)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

anang pangulo, "Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap"
paano naman kung ang kanyang mga patakaran
ay kontra-masa, kontra-obrero't kontra-mahirap
di ba't ito'y tulad din ng pagiging utak-wangwang?

kaya di sapat ang "walang corrupt, walang mahirap"
na kanyang islogan mula halalan hanggang ngayon
dahil ito'y magmumukha lang isang pagpapanggap
kung ramdam pa rin ng nakararaming masa'y gutom

sabi pa niya sa telebisyon, "Kayo ang Boss ko!"
ngunit tila di siya sa sambayanan nagsabi
kundi sa mga kinatawan ng kapitalismo
na nangaroon at walang sawang ngingisi-ngisi

patunay ang mga patakarang pribatisasyon
na polisiya ng kanyang public-private partnership
kung masa'y Boss, bakit masa'y busabos pa rin ngayon
tila pangako nya'y patay na diwa't panaginip

pangako nya'y "Tutungo Tayo sa Tuwid na Daan"
ngunit tuwid bang manggagawa'y iniitsapwera?
tuwid bang dukha'y lubog pa rin sa karalitaan?
tuwid bang sa impyerno pala tayo dinadala?

kung ganyan pala, hanggang islogan ka lang, pangulo!
baka ang labi mo'y gasgas na sa kapapangako
kung di mo kaya, umalis ka na sa iyong pwesto
kaysa naman ang bayan pa'y iyong ipagkanulo

Biyernes, Agosto 19, 2011

Sa Bahay na Bato, Kahit Ito'y Munti

SA BAHAY NA KAHOY, KAHIT ITO'Y MUNTI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sa bahay na kahoy, kahit ito'y munti
pinagmulan nami'y pawang sari-sari
may burgis, may peti-b, manggagawa't hindi
kami'y nagkasama, prinsipyo ang sanhi
inoorganisa'y mga aping uri

Sa bahay na kahoy, kahit ito'y munti
minsan, may pagkain doong sari-sari
minsan kami'y busog, kadalasang hindi
pagkat pultaym kami't salat sa salapi
na nakikibaka hangga't maaari

Sa bahay na kahoy, kahit ito'y munti
iniisip doon ang dangal at puri
ng obrero, kapwa't inaaping uri
at laging kongkreto kaming nagsusuri
dahil nais naming sa laban magwagi

Sa bahay na kahoy, kahit ito'y munti
pinaplano doon paano magwagi
sa pakikibakang di minamadali
tatanggalin ang pribadong pag-aari
nang kapitalismo'y tuluyang mapawi

Huwebes, Agosto 18, 2011

Sa sinisinta kong kamag-aral

SA SINISINTA KONG KAMAG-ARAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Fides, maganda kong kaklase ng elementarya
Isang Miss Universe na sinuyo ng pusong sinta
Diwatang katamis-tamisang kaysarap kasama
Espesyal sa aking puso ang mutyang ninanasa
Sana'y mapangasawa kita, sinisintang dilag
Dahil iniibig kita, o mutyang anong rilag
Estilo ma'y magkaiba, pag-ibig ay banaag
Lagi kang paglilingkuran ng pusong lumiliyag
O, Fides ng buhay ko, mamahalin kitang tunay
Sa aking puso't isipan, ikaw ang laging taglay
Sa problema't kalutasan nawa'y magkaagapay
At kita'y laging magsasama sa ligaya't lumbay
Nais kitang maging asawa, aking klasmeyt Fides
Tunay ang pagsinta kong tila asukal sa tamis
O, aking Fides, ako'y ibigin nang di mahapis
Sapagkat pag nabigo, pagluha ko'y isang batis

Miyerkules, Agosto 17, 2011

Panata sa Sinta

PANATA SA SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

habambuhay akong magsisisi
o sisisihin ko ang sarili

kung ang babaeng iniibig ko'y
di ko lubusang maipagtanggol

kung di ko siya matutulungan
sa lahat ng problemang dumatal

kung ako'y di magsasakripisyo
para sa kapakanan ng mahal

kung buhay ko'y di maihahandog
para sa kaligtasan ng sinta

kung siya'y di agad kakampihan
pag siya'y pinagkakaisahan

dahil tiyak kung magkakagayon
habambuhay akong magsisisi

mas maigi pang magpatiwakal
kung iyan ay di ko magagawa

marahil ako sa kanya'y hangal
ngunit siya'y pinakamamahal

poprotektahan ng buong puso
ang sinisinta ko't sinusuyo

di ko siya iiwan sa laban
makaharap man si Kamatayan

buhay ko ma'y aking ipapalit
buhay ko man ang maging kapalit

kaya pinagsisikapan ko nang
gawin ang lahat ng nararapat

nang di ko sisihin ang sarili
nang di ako magsisi sa huli

Martes, Agosto 16, 2011

Di Lahat ng Tahimik, Nasa Loob ang Kulo

DI LAHAT NG TAHIMIK, NASA LOOB ANG KULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di lahat ng tahimik ay nasa loob ang kulo
pagkat sila'y nag-iisip muna bago kumibo
nagsusuring lagi upang di sila matuliro
sa maraming bagay, isyu't pangyayari sa mundo

marahil sila rin ay may pangarap na gumuho
kaya di malasap sa buhay ang anumang luho
marahil sila'y mahihirap na salat at tuyo
na ramdam sa lipunan ay pagkaapi't siphayo

marahil sila rin yaong taong may tinatago
na kung mabubuking, sila'y agad nang maglalaho
marahil sila rin ang tahimik na nadudungo
sa dalagang pinakaiibig nang buong puso

may tahimik na di na alam kung saan patutungo
dahil pag-asang pagbabago'y di na mapagtanto
may tahimik namang ang pluma'y armas, nanggugupo
at sa aping masa'y rebolusyon ang tinuturo

di lahat ng tahimik ay nasa loob ang kulo
dahil may masasaya sa sarili nilang mundo
tulad sila ng ahedres na tahimik na laro
matalas, may inisyatiba, may sariling palo

kung uunawain lang sila, tayo'y may mabubuo
na ugnayang tapat, sila ma'y ating makabunggo
di agad mag-iinit ang ating kamao't dugo
pang-unawa'y una upang maling haka'y maglaho

Lunes, Agosto 15, 2011

Ang Obrero at ang Organisador

ANG OBRERO AT ANG ORGANISADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan ay napaisip ang isang obrero:
"ako'y manggagawa, trabaho nang trabaho
araw-araw na lang, ako'y kayod kabayo
ngunit bakit naghihirap pa rin sa mundo
habang ngingisi-ngisi lang ang aking amo"

himutok pa niya, "ito ba'y kapalaran?
nagsisipag ako sa araw-araw na lang
ngunit nabubuhay pa rin sa karukhaan
paano ang pamilya ko't kinabukasan
kung among kapitalista lang ang yayaman"

nagpayo ang organisador, "magsuri ka
kalagayan mo'y dapat mong maanalisa
ano ang kasaysayan mo't nagkaganyan ka
suriin ang kalagayan mo sa pabrika
kung may tanong ka, paliliwanagan kita"

"pagsusuri'y dapat nating maunawaan
kung bakit ito'y ating kinakailangan
dahil ang bawat bagay dapat may batayan
bawat pangyayari sa mundo'y may dahilan
suriin ang paligid, sistema't lipunan"

"simulan mo nang magtanong ng bakit, bakit
suriin kung bakit ka naghihinanakit
bakit kalagayan sa pabrika'y kaylupit?
bakit ba karapatan mo'y pinagkakait?
bakit ikaw na lumilikha'y nanliliit?"

"unawain mo bakit sistema'y baluktot
pagpaplano sa pabrika'y di ka kasangkot
sa kabila ng sipag mo, sahod mo'y bansot
bakit sa tubo ang amo mo'y mapag-imbot
sa pagsusuri'y makikita mo ang sagot"

organisador at obrero'y nagkasundo
nagtalakayan kung paano maigupo
ang sistemang sa dugo nila'y nagpakulo
pinag-usapan saan nanggaling ang tubo
bakit pagtaas ng sweldo'y tila malabo

sinuri pati ang kanilang kalagayan
kapitalista't obrero'y anong ugnayan
bakit manggagawa'y napagsamantalahan
hanggang nagkasundong baguhin ang lipunan
uring obrero'y pagkaisahing tuluyan

Linggo, Agosto 14, 2011

Diyalektika, Hindi Pantasya

DIYALEKTIKA, HINDI PANTASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay pa sa pantasya
na dulot ng kaisipang metapisika
sa kalagayan, pagsusuri'y mahalaga
pag-aralang mahigpit ang diyalektika
pagkat ito'y pundasyon ng materyalista

ang ideyalismo't metapisika'y kapos
wala tayong maaasahang manunubos
kundi kaligtasan nati'y nasa pagkilos
kung nais mong mapawi ang pagkabusabos
lipunan ay pag-aralan, magsuring lubos

kontradiksyon ay likas sa isang proseso
may kantidad at kalidad na pagbabago
kung talagang maunawaan natin ito
sa teorya't praktika'y patutunayan nito
sa totoong pagbabago'y dadako tayo

kongkretong kalagayan ay ating suriin
pagkakaisa't tunggalian ay alamin
ang nagpawi sa nagpawi'y isipin
diyalektikong materyalismo'y aralin
ito ang sa pakikibaka'y armas natin

Sabado, Agosto 13, 2011

Magsuri Upang Di Mangapa sa Dilim

MAGSURI UPANG DI MANGAPA SA DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

suriin ang lahat ng bagay sa lipunan
pati relasyon ng tao sa pamayanan
suriin bakit may pinagsamantalahan
bakit may dukha't laganap ang kahirapan
bakit ganito ang mundong ginagalawan

aralin ang kasaysayan ng mga lipi
alipin, nobilidad, magsasaka't hari
aralin bakit may pribadong pag-aari
at sa manggagawa'y rebolusyon ang binhi
upang maunawaan ang mundo'y magsuri

alamin natin bakit dapat may batayan
ang anumang bagay dito sa daigdigan
di pwedeng paliwanag ay kathang isip lang
na nangyayari sa mundo'y alamat lamang
pagkat lahat ay may basehan, pinagmulan

anuma'y suriing mataman at matalim
pagsusuri'y dapat malaman at malalim
magsuri ka kahit tiyan mo'y nangangasim
magsuri kang lagi nang di ka naninimdim
magsuri upang di ka mangapa sa dilim

Huwebes, Agosto 11, 2011

Tubig at Asin (Awit ng Dukha)

TUBIG AT ASIN
(AWIT NG DUKHA)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

tubig at asin
iyan ang karaniwang tanghalian namin
di sapat ang pera kahit may gustong bilhin
kami'y dukha kaya nagdidildil ng asin

asin at tubig
sa gutom kami'y lagi na lang nanginginig
kalam ng sikmura ang laging naririnig
sa amin na yata'y luha ang dinidilig

tubig at asin
ito ang simbolo ng kahirapan namin
di na malasap ang masarap na pagkain
mga himutok kaya namin ay diringgin

asin at tubig
simbolo ito ng kawalan ng pag-ibig
sino pa ba ang sa dukha'y nais tumindig
kami ba'y nakikita nyo pa't naririnig

o kami sa inyo'y matagal nang nalibing

Pagpag Kapalit ng Basura

PAGPAG KAPALIT NG BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

totoo ito, di haka-haka
pagpag ang kapalit ng basura
na ipapakain sa pamilya
ganyan kahirap ang buhay nila

sa gutom sila na'y naduduling
hirap, dusa'y ramdam kahit himbing
tao ba ang sa kanila'y turing
gobyerno pa kaya'y magigising

sa fast food chain may kausap sila
ibibigay ang pagkaing tira
dahil ito na'y mga basura
ngunit lulutuing muli nila

tira-tira, lulutuing muli?
kahit ganito'y di nandidiri
sa gabi't araw, ito na'y gawi
kaysa sa gutom sila'y masawi

Miyerkules, Agosto 10, 2011

Isang Litrong Sabaw sa Isang Paketeng Lucky Me


ISANG LITRONG SABAW SA ISANG PAKETENG LUCKY ME
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

nalulunod sa gutom at uhaw ang isang dukhang pamilya
dinaan na lang sa litrong sabaw ang pakete ng Lucky Me
nagbakasakaling makatighaw ng uhaw at gutom nila
walang kanin at ulam kundi sabaw at nudels ng Lucky Me

paanong pamilya nila'y lulusog kung laging walang pera
tila kinabukasan nila'y nalunod na rin sa kawalan
di na pansin ng salbaheng gobyernong utak-kapitalista
na wala nang pakialam sa nagdaralitang sambayanan

ang buhay nga ba ng tulad nilang dukha'y sadyang swerte-swerte?
nagsisikap sila upang makakain ang buong pamilya
nagsisipag araw-gabi langit man ang kanilang kisame
ngunit litrong sabaw tinitiis para Lucky Me'y magkasya

bakit ganyan, ang kanilang buhay ba'y hanggang Lucky Me na lang?
di naman sila naging lucky't batbat pa rin ng dusa't hirap
kaya pa kaya nilang mangarap ng isang bagong lipunan?
o ang pangangarap kahit libre'y di na nila maapuhap?

Martes, Agosto 9, 2011

Huwag magsunog ng basura

HUWAG MAGSUNOG NG BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nakasusulasok naman
ang sinunog na basura
gayong maaari namang
ilibing ito sa lupa
nang tao'y di magkasakit
at tiyan ay mamilipit
basura'y paghiwalayin
ibukod ang nabubulok
sa basurang di mabulok
nabubulok ang pagkain
papel, dahon, prutas, karton
di nabubulok ang plastik
lata, bote, bakal, tanso
bulok, ibaon sa lupa
di nabubulok, ibenta
ikaw pa'y magkakapera
basura'y huwag sunugin
upang sakit ay di kamtin
mula sa usok na meteyn (methane)
tandaan lagi at tupdin

Lunes, Agosto 8, 2011

Kalabit ng Kapos

KALABIT NG KAPOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kalabit-penge silang mga kapos
nakasahod ang kamay na busabos
pag nagbigay ka, ituturing kang Boss
pag nang-isnab ka, sila na'y iingos
ingat lang baka kutsilyo'y tumagos
barya na imbes buhay ang matapos

lipunan kasi'y pabaya sa kapos
gobyerno'y walang paki sa busabos
palibhasa kapitalista ang Boss
ng gobyernong laging iingos-ingos
lipunang bago'y dapat mapatagos
sa diwa nang kahirapa'y matapos

Linggo, Agosto 7, 2011

Ilang nilay sa danas

ILANG NILAY SA DANAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i
pag malakas ang ulan, agad tayong sisilong
sa tindi ng sikat ng araw, tayo'y magpapayong
pag nakita'y krimen, tatahimik o magsusuplong?
pag inaaglahi ka na, lalaban o uurong?
pag nauuhaw, hanap ay tubig upang uminom
naghahanap ng pagkain pag ramdam na ay gutom
sa pitsel na may yelo'y lilitaw ang alimuom
ang mga sugat bago magpilat ay naghihilom
pag may poot sa dibdib, ang kamao'y kumukuyom
sari-saring kalinangan, sari-sari ang gahum

ii
lagi na'y kailangan nating magsuot ng damit
kung laging hubad, maaari tayong magkasakit
may mga tinderang ang nilalako'y malagkit
na pag iyong tinikman sa mga ngipin mo'y pagkit
yaong mga karpintero'y laging may handang gamit
na kukunin pag kailangan ng kikil o pait
papakuan ang mga upuang lumalangitngit
nais nating makita ang diyosang sakdal-rikit
ngunit marapat muna tayong magpunta sa langit
at doon makisaya sa anghel na umaawit

iii
pag ang tao'y gutom, uunahin munang mabusog
bago kumilos para sa pangarap na matayog
mas mabuti kung ang prutas ay sa puno mahinog
kaysa ikalburo, mapakla'y madaling malamog
sa munting apoy nagsisimula ang bawat sunog
at munting ulan pag sa baha ang bahay mo'y lubog
ang mapula't matamis na rosas ay pinupupog
ng tila nagdidiliryong makisig na bubuyog
mag-ingat lalo na't nalasing ka'y baka mabugbog
ng kapwa lasenggo, mabuting ikaw na'y matulog

iv
upang matiyak na kalusugan nati'y maayos
kailangang uminom at magsikain ng maayos
may tubig, may karne, may isda, may gulay, may talbos
may prutas, sari-saring kakanin, suman sa ibos
tipirin ang salapi, planuhin ang ginagastos
tiyaking sa oras ng kagipitan, may panustos
mayayabang at sikat, kalauna'y malalaos
yaong nagsisikap, sa buhay ay nakakaraos
huwag mong hayaang ang bayan mo'y binubusabos
ng mga kababayang sa dayuhan nakagapos

Sabado, Agosto 6, 2011

Pagtunganga'y Di Pakikibaka

PAGTUNGANGA'Y DI PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pagtunganga'y di pakikibaka
dapat kumilos para sa masa
babaguhi'y bulok na sistema
sa pagtunganga'y di makukuha

pagtunganga'y tulo-laway ka lang
ingat baka tuluyang mabuwang
pagtunganga'y gawain ng hunghang
na ang mundo'y pulos paglilibang

ang pagtunganga'y di pangangarap
pawang dusa dito'y malalasap
kung nais mong mawala ang hirap
halina't makibaka nang ganap

pagtunganga'y walang matatapos
tulo-laway lang iyan at kapos
kaya dapat lang ninyong matalos
ang pagbabago'y nasa pagkilos

Biyernes, Agosto 5, 2011

Sa parang ng labanan

SA PARANG NG LABANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naririto ako sa parang ng labanan
nagninilay, kumikilos sa tunggalian
tinatahak ang mga malalaking patlang
tunggali'y madugo, dudurugin ang halang

nakapanlulumo ang bawat pagkagapi
lalo't tunggalian ay gabi at tanghali
ang pagpisak sa kaaway ay di madali
lalaban katawan ma'y magkabali-bali

nagpapakatao kahit buhay ay hungkag
nanghihina man, pilit nagpapakatatag
di man parehas ang labanang nakalatag
patuloy pa rin, huwag lang tawaging duwag

dapat pagkaisahin ang uring obrero
upang mahigpit nilang tanganan ang maso
sa kanila'y ibandila ang sosyalismo
wakasan ang mapang-aping kapitalismo

Huwebes, Agosto 4, 2011

May CBA man, sahurang alipin pa rin

MAY CBA MAN, SAHURANG ALIPIN PA RIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang CBA nila, gaano man kaganda
alipin pa rin sila ng kapitalista
kahit umayos ang ugnayan sa pabrika
nadagdagan ang sahod, may mga bonus pa
nananatiling sahurang alipin sila

ngunit kung nais talaga nilang lumaya
di na sahurang alipin ang manggagawa
dapat wakasan na ang sistemang kuhila
yakapin sabay ang sosyalismong adhika
at isang bagong lipunan na'y ibandila

di marapat magkasya lang sa pag-uunyon
sahuran pa rin kung ganito lang ang layon
dapat tahakin na ng manggagawa ngayon:
mapagpalayang sosyalistang rebolusyon
at wakasan ang kapitalismong ulupong

Miyerkules, Agosto 3, 2011

Nang Manghipo ang Lasing

NANG MANGHIPO ANG LASING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

LASING:
"pasensya na po kayo, ako kasi'y lasing
kaya nahipuan ko yaong dalaginding
pag lango kasi ako'y nais kong maglambing
sa ganda niya'y sino bang di maduduling"

TAGAUSIG:
"di ba't ilang beses mo nang ginawa iyan
di ka na nadala't wala kang kasawaan
di tumatalab munti mang kaparusahan
baka ang nais mo'y makulong kang tuluyan?"

LASING:
"di ko naman sinasadya ang panghihipo
nagagawa ko lang ito pag ako'y lango
ngunit pag normal naman ako't di tuliro
ako po'y mahiyaing tulad ng hunyango"

TAGAUSIG:
"nagkukunwari ka lang yatang ikaw'y lasing
nanghiram ng tapang sa alak at nanyansing
sayang ka pagkat tao ka namang magaling
ngunit pag nalango, manyak na't napapraning"

LASING:
"patawarin nyo ako't di na mauulit
pag nalasing akong muli'y di na didikit
sa dalaginding na iyang sadyang kayrikit
kaya sa iba na lang ako mangungulit"

TAGAUSIG:
"mukhang may bago ka namang pinupuntirya
maghunosdili ka't baka makulong ka na
dapat kang magpatingin pagkat may sakit ka
manyakis ka't ang utak mo'y may diperensya"

TAUMBAYAN:
"babae'y kawawa sa ganyang klaseng tao
kultura na rin kasi ang nagdulot nito
tingin sa babae'y segundang uri rito
ganitong pagkilala'y dapat nang mabago"

"bakit ba kayong babae'y ginaganito
binibiktima ng mga lasenggong gago
sa ganyan ng ganyan, papayag lang ba kayo
o babaguhin ninyo ang sitwasyong ito?"

KABABAIHAN:
"ang mga nanghihipo'y mapagsamantala
mga tao silang wala yatang konsensya
dapat sa kanila'y ipalapa sa bwaya
pagkat ugali nila'y bwitre ang kapara"

"di na dapat maapi ang kababaihan
kaya karapatan natin ay ipaglaban
baguhin natin ang kultura't kaisipan
lalo ang lipunang batbat ng kabulukan"

Martes, Agosto 2, 2011

Paglayang Nasayang

PAGLAYANG NASAYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(Hulyo 15, 2011 namatay ang bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero, patay na siya nang siya'y biyayaan ng executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino noong Hulyo 19, 2011)

huli na ang lahat, Noynoy Aquino
huli na pagkat ang pinalaya mo
sa una mong presidential clemency
ay ilang araw nang naililibing

di ko alam, 'yan ba ang utak-wangwang
na laging huli't palpak ang dulugan
noon pa dinulog ang kasong iyan
ngunit di naman agad inaksyunan

level 4 na ang kanser ni Umbrero
tanging hiling niya, Noynoy Aquino
ay makasama ang kanyang pamilya
sa nalalabi pang araw sa mundo

ngunit bigo siya, binigo siya
ng pangulong ayaw ng utak-wangwang
ilan pa, Noynoy, ang bibiguin mo
ilan pa ang mabibigo sa iyo

namatay siyang bigong makasama
sa huling araw ang kanyang pamilya
presidential clemency mo'y wala na
sayang pagkat iyon ang iyong una

tularan mo ang ina mong butihin
bilanggong pulitikal, palayain
paulit-ulit itong aming hiling:
BILANGGONG PULITIKAL, PALAYAIN!