Huwebes, Hunyo 30, 2011

Isang Kahig, Isang Tula

ISANG KAHIG, ISANG TULA
(Ganyan Kaming Makatang Dukha)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

yaong makata'y nagdaralita
siya'y isang kahig, isang tula
ang pakiramdam nya'y isinumpa
kaya nanatili siyang dukha

pag naging bisyo mo ang pagtula
dapat lang na ikaw'y maging handa
alam mong walang pera sa tula
ngunit patuloy ka sa pagkatha

pagkat isang sining ang pagtula
na alay sa masa't manggagawa
kahit bawat kahig, isang tula
ang makatang sangkahig, santuka

patuloy ang buhay ng makata
sa maramdamin niyang pagkatha
sa matindi niyang pagtuligsa
sa pagsangkot sa isyu ng madla

tuloy ang paglikha ng makata
ng tulang larawan ng adhika
kahit bahagya nang makatuka
siya'y patuloy pa ring kakatha

Miyerkules, Hunyo 29, 2011

Pinabili Lang ng Suka'y Nagmakata

PINABILI LANG NG SUKA'Y NAGMAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

pinabili lang ng suka
ngayon na ay manunula
sari-saring mga paksa
ang nilapatan ng tula

nakita niya'y tindera
na pagkagandang dalaga
ngiti pa lang, pamatay na
kaya napatula siya

sa dalaga'y natulala
kaya biglang nagmakata
tinulaan na ang mutya
nakalimutan ang suka

hinanap ng kanyang ina
suka daw ay nasaan na
bakit daw tula ang dala
sa adobo'y isasama

pinabili lang ng suka
ngunit biglang nagmakata
nakatas na'y talinghaga
nang makita'y sintang mutya

ito ang kanyang istorya
inutusan lang ng ina
imbis na suka'y tula na
ang pinaggagawa niya

Biyernes, Hunyo 24, 2011

Sa Pagdatal ni Falcon

SA PAGDATAL NI FALCON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

lumuha ang langit doon sa España
dinalaw ni Falcon, Pasig, Marikina
pasahero'y walang masakyan sa Edsa
tila buong Metro Manila'y lubog na
sobrang naglalawa ang mga kalsada

sana'y hindi ito matulad kay Ondoy
na maraming tao'y agad naitaboy
mula sa tahanang mistulang binaboy
na tila kinain ng laksang kumunoy
ang mga binaha'y nagsisipaglangoy

kaya sa pagdatal ng bagyong si Falcon
huwag magpatulog-tulog, magsibangon
bago pa ang baha sa atin lumamon
sa kailaliman tayo'y maibaon
halina't maghanda tayong lahat ngayon

sa muling pagluha nitong kalangitan
basura'y lumutang, baha ang lansangan
baradong imburnal ay dapat matingnan
bagyong Falcon, kami na'y iyong tigilan
bago may buhay pang mawalang tuluyan

Huwebes, Hunyo 23, 2011

Sa Mga Magiging Abogadilyo

SA MGA MAGIGING ABOGADILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(para sa mga kaklase ko sa Paralegal Training on Labor Relations, Book V of the Labor Code, na ginanap sa Pansol, Calamba City, Laguna, mula Hunyo 1-3 at Hunyo 21-23, 2011)

maraming mga batas ang dapat alamin
maraming mga butas ang dapat silipin
maraming mga kaso ang dapat suriin
kaya Labor Code ay ating kabisaduhin

ano ang employer-employee relationship
bakit management lagi tayong sinisilip
ano ba ang lagi nilang nasasaisip
at ang manggagawa'y kanilang bina-badtrip

ano nga ba itong collective bargaining
bakit management madalas na napapraning
bakit sahod ayaw itaas kahit kusing
obrero'y saan ba nila inihahambing

maraming mga tanong ang dapat masagot
kaya pag-aralang mabuti ang Labor Code
alamin ang batas, mga pasikut-sikot
nang sa obrero'y totoong makapaglingkod

kaya sa mga magiging abogadilyo
hahawakan na natin ang maraming kaso
ngunit tungkulin ay di natatapos dito
pag-aralan din natin ang kapitalismo

pag-aralan ang mga batas sa pabrika
pati lipunang ginagalawan ng masa
bakit ba ang sistema'y mapagsamantala
manggagawa'y sikapin ding maorganisa

ang manggagawa'y di makina, kundi tao
kaya patakaran ay dapat makatao
ngunit kung ang manggagawa'y inaabuso
dapat siyang tulungan ng unyon ng todo

sa nangyayari'y di tayo dapat pumikit
kung maaari lang, manggagawa'y magpiket
ipakitang sila ri'y marunong magalit
pag ginagawa ng management ay masakit

at kung kinakailangang sila'y magwelga
dapat magkaisa ang mga unyonista
di dapat na estilo nati'y bara-bara
dapat lahat ng rekisitos, magawa pa

hangga't may mga inaaping manggagawa
at sa loob ng pabrika'y kinakawawa
tungkulin nating laban nila'y mapasigla
nang magapi ang kapitalistang kuhila

Salus Populi Est Suprema Lex

SALUS POPULI EST SUPREMA LEX
tula ni greg bituin jr.
10 pantig bawat taludtod

(nilikha sa Paralegal Training on Labor Relations, Book V of the Labor Code, na ginanap sa Pansol, Calamba City, Laguna, mula Hunyo 1-3 at Hunyo 21-23, 2011)

ang kapakanan ng sambayanan
ang pinakamataas na batas
dapat itong tandaan ninuman
nang di sila maapi't madahas

salus populi est suprema lex
kapakanan ng tao ang salik
kung karahasan ang hinasik
inapi'y dapat lang maghimagsik

at kung ang batas ay butas-butas
dapat itong ayusing tuluyan
upang mga problema'y malutas
ng mabilis at makatarungan

mga inaapi'y nasasabik
na karapatan nila'y mabalik
upang sila'y di na maghimagsik
salus populi est suprema lex

Miyerkules, Hunyo 22, 2011

Sa Puso Ko Kita Ibinaon

SA PUSO KO KITA IBINAON
ni greg bituin jr.
13 pantig bawat taludtod

ikaw ang dati at bago kong inspirasyon
na sa pangarap ko'y laging naglilimayon
pagtingin ko sa iyo'y saan paroroon
di pa kita maarok, sinlalim ng balon

pag naiisip ka, ang wala ko'y mayroon
pagkat ang iisa'y nagdodoble na ngayon
sa panaginip, kasama kitang bumangon
tila ako adik na sa iyo'y nagumon

naging inspirasyon na kita mula noon
kaya pagsinta sa iyo'y malaking hamon
kung ang iyong ganda'y makamandag na lason
titikman ko iyan kahit di na magbangon

ikaw ang dati at bago kong inspirasyon
kaya sa puso ko ikaw na'y ibinaon

Ako'y Iyong Gamugamo, Apoy Kita

AKO'Y IYONG GAMUGAMO, APOY KITA
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

ikaw yaong apoy sa lampara
na sa akin ay nakahalina
gamugamo akong sumisinta
sa iyong pinangarap ko,sinta

nais ko pang sa iyo'y madarang
kaysa ikaw ay aking layuan
di baleng dalhin sa kamatayan
basta't ikaw ang napupusuan

ang puso ko'y matagal nang patay
ngunit muli mong binigyang buhay
kahit na ang pakpak ko'y maluray
ay pilit kitang hahagkang tunay

ako'y iyong gamugamo, sinta
at apoy kang aking nadarama

Martes, Hunyo 21, 2011

Dapat Magkausap Tayo ng Sarilinan

DAPAT MAGKAUSAP TAYO NG SARILINAN
ni greg bituin jr.
13 pantig bawat taludtod

dapat magkausap tayo ng sarilinan
nang sa gayo'y di ko madama ang kawalan
hinihiling ko sa mundo'y ikaw lang naman
bakit naman hindi mo pa ako pagbigyan

di bale nang ang matamo ko'y kabiguan
kaysa pag-uusap ay di natin subukan
hinihintay ko lang, mahal, ay kung kailan
turan mo at darating ako sa tipanan

kailangan nating mag-usap ng harapan
nilalaman ng ating puso'y magsabihan
sana man lang, di ako umuwing luhaan
na ang puso'y pira-piraso na't duguan

iniluluhog ko'y pusong may katapatan
nangangakong pag tayo na'y di ka iiwan

Ang Larawan Mo

ANG LARAWAN MO
ni greg bituin jr.
13 pantig bawat taludtod

ang larawan mo'y isisilid ko sa bulsa
o kaya'y ikakabit ko sa iyong blusa
dahilan ka kung bakit nais kong mag-alsa
laban sa sistemang mapang-api sa masa

sa larawan mo'y tila aking nababasa
na ayaw mo nang ikaw'y laging nag-iisa
bigyan ako ng pagkakataon, pag-asa
at tiyak kong sasarap ang iyong panlasa

lalo't natanto mong magandang kumbinasyon
kitang dalawa kung maging magkarelasyon
ngunit pansinin mo sana ako paglaon
upang di lang kita pangarap hanggang ngayon

di ka dapat hanggang larawan lang, mahal ko
sana'y magniig na ang ating pagkatao

Lunes, Hunyo 20, 2011

Nakita Uli Kita sa Panaginip

NAKITA ULI KITA SA PANAGINIP
tula ni greg bituin jr.
14 pantig bawat taludtod

nakita uli kita sa aking panaginip
habang aking iwing puso'y iyong halukipkip
ako nga ba'y mahal mo na kaya sinasagip
mula sa mga panganib na nasasaisip

bakit kaya, sinta, ayaw mo akong tigilan
panay ang dalaw mo sa aking puso't isipan
pahiwatig ba itong dapat kitang ligawan
na kahit sa panaginip ako'y sinusundan

marahil lihim mo akong inukit sa puso
inukit sa puso mong ako ang sinusuyo
sinuyo mo akong pag-ibig mo'y nangangako
nangangakong ang pag-ibig mo'y di maglalaho

pag muli mo akong dinalaw sa panaginip
tila di mo ako matiis na di masilip
laman na yata ako ng iyong puso't isip
tatanggapin na kita sa muli kong pag-idlip

Muli, Para Kay F

MULI, PARA KAY F
ni greg bituin jr.
15 pantig bawat taludtod

iniisip kong bawat katha ko'y binabasa mo
ikaw na aking inspirasyon sa buhay na ito
kaya, sinta, sa pagkakatha'y nagsisipag ako
habang akda'y inaalay sa masa at sa iyo

mula sa pagkalugmok, nabuhay ang aking pinsel
pagkat ikaw'y naririyang mistulang isang anghel
ang bawat kinatha'y inukit, kinatam, sininsil
inspirasyon kitang sa diwa ko'y nakaukilkil

pag nalanta ang mga taludtod ay dinidilig
upang lumago ang mga saknong ng pagniniig
nasa isip kong kinulong kita sa aking bisig
ligaya'y dama habang sa akin ka nakahilig

sana'y di ko lang naiisip na binabasa mo
ang bawat kathang pinaglalamayan ko ng todo
kundi inaabangan at kinasasabikan mo
ang mga akdang sadyang nilikha para sa iyo

Linggo, Hunyo 19, 2011

Si Tatay at si Rizal


SI TATAY AT SI RIZAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Hunyo 19, 2011 - Father's Day
at 150th birthday ni Gat Jose Rizal)

ngayong araw na ito'y aking napagnilay
bakit ipinagdiriwang ngayon ng sabay
ang kaarawan ni Rizal at mga tatay?
dahil ba sila'y parehong bayaning tunay?

isa'y pinatay, namatay para sa bayan
isa'y nabuhay bilang ama ng tahanan
tulad ni Ama'y aking sinasaluduhan
ang bayaning sa Bagumbayan ay pinaslang

pinalaki kami ni Tatay sa maayos
upang magandang bukas ay makamtang lubos
nilabanan ni Rizal ang pambubusabos
hanggang kanyang buhay sa Luneta tinapos

papuri sa gabay ng aming pagkatao
sa amang gumiya sa mga anak nito
papuri rin sa nagmulat sa bansang ito
na siyang awtor ng El Filibusterismo

at ng obra-maestrang Noli Me Tangere
Rizal at tatay, kayong dalawa'y bayani
sa mga problema'y di kayo naging bingi
at ninais nyong bansa't pamilya'y umigi

si Rizal ang bayani ng lahing magiting
at ang ama'y bayani sa pamilya natin
pareho natin silang bayani ang turing
kaya si Tatay at Rizal ay mahal natin

Kabuluhan

KABULUHAN
ni greg bituin jr
15 pantig bawat taludtod

biglang nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko
nang muli kong masilayan ang magandang ngiti mo
ang diwa't pananaw ko sa mundo'y biglang nagbago
pagkat sa tagal ng panahon ay nagkita tayo

noong wala ka pa'y tila wala nang kabuluhan
ang aking kinabukasan dahil sa kabulukan
ng sistemang ang alam lang ay pawang kabuhungan
ng mga nakaraang gobyerno ng kabugukan

ngunit nang makita kita't masilayan kong muli
ang maamo mong mukha at kaaya-ayang ngiti
aba'y inspirasyon kitang nais kong manatili
sa aking tabi't hahagkan ang iyong mga labi

nagkaroong muli ng kabuluhan ang buhay ko
sana nama'y di mo ipagkait ang pag-ibig mo

Sabado, Hunyo 18, 2011

Habang Papalubog ang Araw

HABANG PAPALUBOG ANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mag-isa kong tinutungga ang beer sa isang kubo
ang nasa gunita'y ang magandang ngiti't mukha mo
habang ang paglubog ng araw kanina'y tanaw ko
at minamasdan ang pangarap sa kanyang pagyao

bakit, sinta ko, sa akin ay parang umiiwas
kahit sa facebook, ako'y unti-unti mong kinaltas
sa puso ko'y lumalatay ang iyong mga hampas
dahil ba iba ka't iba ang aking nilalandas

alam mong nais kitang isama sa pagbabago
upang itayo ang isang lipunang makatao
na ang bawat karapatan ay totoong serbisyo
ngunit kung nais mong ako na'y magbago'y turan mo

pagkat lahat naman ng ito'y mapapag-usapan
upang sa pangarap ko'y makasama kang tuluyan
o sa pangarap mo'y makasama ako't kagampan
habang binubuo'y isang bagong kinabukasan

bakit imbis bukangliwayway, paglubog ng araw
ang aking matatamasa't lagi nang matatanaw?
pwede ka bang makasama pagkat buhay ko'y ikaw?
o iwi kong puso'y nais mong dumugo't malusaw?

nasa alaala kita habang kinakatha ko
ang taludturang hinabi ng hangarin sa iyo
masid sa pangarap ang magandang mukha't ngiti mo
habang mag-isa kong tinutungga ang beer sa kubo

Kay F

KAY F
ni greg
13 pantig bawat taludtod

laging nag-iisa, iniisip ka, sinta
at sa panaginip, ako'y dinalaw mo na
reyunyong magkaklase sa elementarya
nang makitang ikaw pa ri'y napakaganda

ngunit hanggang ngayon ikaw pa ri'y dalaga
sino kaya ang hinihintay mo, ako ba?
guniguni ko lang ba ito't sapantaha?
ako nga ba sa iyo'y dapat bang umasa?

pwede ko bang pasukin ang iyong daigdig
upang iluhog yaring kimkim kong pag-ibig
nang ikaw na mahal ko'y aking makaniig
tulad ng rosas sa lupa'y aking madilig

makasaysayang pagkikita ang nilandas
halos tatlumpung taon na yaong lumipas
ngunit ngayon tila ba ikaw'y umiiwas
kaya dugo sa puso ko'y panay ang tagas

alam mong crush na kita sa elementarya,
dalagita ka noon, ngayon na'y diyosa
sa high school at kolehiyo'y di na nagkita
pagkat eskwelahan na nati'y nagkaiba

iniingatan sa puso'y muling nabuhay
sa unos, ikaw ang aking bukangliwayway
inisip kong tumigil na sa paglalakbay
kung ikaw na'y makakasama habambuhay

ngunit tila ba ako'y nabuhay sa hapis
kahit na hangarin ko sa iyo'y kaylinis
para bang ang lahat ng swerte ko'y umalis
ngunit di ko magawang sa iyo'y mainis

pagkat ang pagmamahal ay di sapilitan
kung sakaling pulutin ako sa kangkungan
sana naman, mahal, iyong pakatandaan
na ikaw nga'y inibig ko na noon pa man

Biyernes, Hunyo 17, 2011

Di Natatapos sa Tula ang Pakikibaka

DI NATATAPOS SA TULA ANG PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di natatapos sa tula ang pakikibaka
kundi patuloy ang proseso nito sa masa
kaya magpakasipag sa pag-oorganisa
ang masa'y imulat bakit bulok ang sistema
at bakit kailangang ito'y baguhin nila

magpatuloy man tayong humabi ng taludtod
dapat alam din natin kung papaano sumugod
umatras, umabante, makibaka, kumayod
pagkat di lang sa tula tayo dapat malugod
kundi aktwal na pagkilos ang totoong buod

bawat punglo'y talinghaga't talinghaga'y punglo
na tagos sa balat, katawan, sikmura, puso
taludtod at saknong tila'y busog at palaso
mga makata'y berdugo ng sakim sa tubo
habang ang bulok na sistema'y iginugupo

di natatapos sa tula ang pakikibaka
di matatapos ang tula ng pakikibaka
hangga't ang masa'y patuloy sa hirap at dusa
ngunit kung manggagawa't dukha'y magkakaisa
sila ang tatapos sa tula't pakikibaka


Huwebes, Hunyo 16, 2011

Metapisika o Diyalektika?

METAPISIKA O DIYALEKTIKA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

inilugmok tayo ng dilim ng metapisika
na instrumentong ginagamit ng kapitalista
na manatili ang pinaghahariang sistema
at upang di mangahas ng pagbabago ang masa

hindi ganyan ang diyalektikang prinsipyo natin
magbabago ang lipunan kung ating nanaisin
dapat ang lipunan ay suriin at unawain
ang diyalektika'y liwanag na tanglaw sa atin

sino ang may nais manatili ang karukhaan?
sinong may gustong may mahihirap at mayayaman?
sino ang aayaw sa pagbabago ng lipunan?
di ba'y iyon lamang mga naghaharing iilan?

metapisika'y makaisang-panig lang ang saklaw
diyalektika'y suri ng magkaibang pananaw
sa metapisika, ang prinsipyo mo'y maliligaw
sa diyalektika, ang pagbabago'y iyong tanaw

sa metapisika, prinsipyo lang ng isang uri
ang nangingibabaw, nais nilang manatli
sa diyalektika, tunggalian ng mga uri
dapat mayorya'y manaig, ang minorya'y magapi

sa metapisika, dapat pulis ay magprotekta
ngunit sino nga ba ang dapat protektahan nila
ang pamahalaang nagpapasahod sa kanila
kabig nitong burgis, elitista, kapitalista

o ang masang api ang una nilang ipagtanggol
di ang may pera, masalapi't mayayamang pulpol
pag mahirap ba, ang katarungan sa kanya'y gahol
dukha'y walang hustisya pagkat sistema'y masahol

sa metapisika, daloy ng lipunan ay isa
kakain sa umaga, papasok sa opisina
kakain sa tanghali, magpapahinga, meryenda
kakain sa gabi, matutulog hanggang umaga

sa diyalektika, sinusuri'y masalimuot
bakit may naghihirap, bakit sistema'y baluktot?
bakit sa pamahalaan ay kayraming kurakot?
ang bagong sistema ba'y kaya ng masang maabot?

sa metapisika, si Rizal, ehemplong bayani
gagawan ng rebulto, pupurihin ng marami
siyang lumikha ng mapagpalayang Noli't Fili
gayong ang nagpapatay sa kanya'y ang mga prayle

sa diyalektika, kinikilala'y gumagawa
magsasaka, manggagawa, babae, dukha, madla
silang sa lipunang ito'y totoong nagpapala
at dahilan ng kaunlaran ng kanilang bansa

ayaw ng naghaharing uring ating matutunan
ang diyalektika at magbabago ang lipunan
dahil kung diyalektika'y malalaman ng bayan
naghaharing uri'y ibabagsak nitong tuluyan

ayaw nila sa diyalektika pagkat babagsak
na pangunahin ay sila, ang sistemang talamak
sa katiwalian, sa masa'y sadyang nagpahamak
sistemang itong nagpagapang sa atin sa lusak

ang diyalektika'y instrumento ng pagbabago
na dapat pag-aralan at isapuso ng tao
sa mga paaralan, dapat nang ituro ito
upang sunod na salinlahi'y gamiting totoo

Miyerkules, Hunyo 15, 2011

Ayoko nang lumabas

AYOKO NANG LUMABAS

kung ikukulong mo ako sa iyong bisig
 ayoko nang lumabas
kung ipipiit mo ako sa iyong diwa
 ayoko nang lumabas
kung ibabartolina mo ako sa puso mo
 ayoko nang lumabas
kung ako'y ikahon mo sa iyong pangarap
 ayoko nang lumabas
kung sisiilin mo ang aking mga labi
 buong puso, diwa't pagkatao'y
 iibigin kita hanggang wakas

- gregbituinjr.

Ayon kay Rocky Balboa, Boksingero

AYON KAY ROCKY BALBOA, BOKSINGERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"It's not how hard you can hit. It's about how hard you can get hit and keep moving forward." ~ Rocky Balboa

gaano man katindi ang pagbuntal sa kalaban
ay di roon makikita ang iyong kalakasan
kundi pag nabuntal ka'y naroon ang katatagan
putok man ang kilay mo at bugbog na ang katawan
ay patuloy ka pa ring nakatindig, lumalaban

tulad din ng maralitang dumaranas ng dusa
ginagawa'y paraan upang kanilang pamilya
ay di magutom at mapag-aral ang anak nila
bugbog man sa hirap ay nagpapakatatag sila
hindi sumusuko, patuloy na nakikibaka

Martes, Hunyo 14, 2011

Ga, Gara, Garapa, Garapata

GA, GARA, GARAPA, GARAPATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Ga, ang sabi sa kanyang asawa
Sambalilo mo'y sadyang kaygara
Kunin mo nga pala ang garapa
Paglalagyan ko ng garapata

Iyan ba'y pag-eeksperimento
Upang garapata'y malaman mo
Kung bakit nasasaktan ang aso
Ang garapa mo'y dadagdagan ko

Sana, Ga, iyan ay may solusyon
Suriin iyan ng mahinahon
Upang magkaroon ng panahon
Na aso ko'y makapaglimayon

Ga, silipin mo't tila kaygara
Nitong garapata sa garapa

Lunes, Hunyo 13, 2011

Pagbabakasakali

PAGBABAKASAKALI
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung lagi lang kitang makikita
at makakausap sa tuwina
alay ko'y rosas sa iyo, sinta
at pangakong walang pambobola

nais kong lagi kitang lambingin,
tulaan, alayan ng awitin
ako kaya'y iyong marapatin
na sa iyong puso'y papasukin

magbabakasakali na ako
puso mo ba'y bukas sa tulad ko
sadyang magsisikap akong todo
nang makamit ko ang iyong "oo"

pana ni Eros ang siyang sanhi
kung bakit nasa puso ka lagi
nawa'y wala pang nagmamay-ari
ng puso mong sana'y di humindi

biglang nagbago ang aking buhay
nang makadaop-palad kang tunay
kabuuan mo'y bukang-liwayway
sa puso ko, ganda mo'y sumilay

lumbay mo'y tiyak na madudurog
sa pag-ibig kong iniluluhog
nawa huwag sa bangin mahulog
ang pagsinta kong sa iyo'y handog

Linggo, Hunyo 12, 2011

Walang Kasingtamis ang Paglaya

WALANG KASINGTAMIS ANG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang kalayaang di ipinaglaban
ay di matamis na kalayaan
bakahin na ang mga kalaban
nang masagip sa mga gahaman
ang manggagawa't ang ating bayan

magkaisa ang lahat sa bansa
makibaka tungo sa paglaya

manggagawa'y dapat magkaisa
upang palayain itong masa
sa kuko ng bulok na sistema
sa pangil ng mapagsamantala
sa sungay nitong kapitalista

obrero ang pangunahing pwersa
na siyang babago sa sistema

kahit isakripisyo'y buhay man
makaharap man ang kamatayan
upang mabago itong lipunan
sadyang matamis ang kalayaan
kung ito'y ating ipinaglaban

kung nanalo'y uring manggagawa
walang kasingtamis ang paglaya

Sabado, Hunyo 11, 2011

Kapirasong Lupa

KAPIRASONG LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pilit kinubkob ng maralita
yaong nakatiwangwang na lupa
itinayo nila'y simpleng dampa
nang may masilungan silang dukha

kapirasong lupa'y pinangarap
kahit ang bukas nila'y maulap
demolisyon man ang makaharap
ay lalaban silang mahihirap

tinahana'y kapirasong lupa
ng dukhang tila ba sinumpa
araw-gabi na lang lumuluha
bakit ba tadhana'y nagpabaya

lupang ito'y pag ipinagkait
ay sadyang lalaban silang pilit
karapatan nila'y igigiit
laban sa mga nagmamalupit

Biyernes, Hunyo 10, 2011

Kung Magdamdam ang Kalikasan

KUNG MAGDAMDAM ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ramdam mo bang nagdaramdam din ang kalikasan
dahil siya'y patuloy nating sinusugatan
paanong di lumubha pa't ating malunasan
yaong kanyang mga sugat sa kaibuturan

ang pagkasira nito'y sadyang nakalulungkot
kaya mga tanong na ito'y dapat masagot
upang may magawa pa bago mundo'y bumansot
di dapat pulos pagdadahilan at palusot

panaghoy nitong kalikasan ay ating dinggin
at nangyayari sa kanya'y ating unawain
agos ng sugat niya'y paano aampatin
ang pagdaramdam ba niya'y ating titiisin

pagdaramdam ng kalikasan kung patuloy pa
mga pagkasugat niya'y maghihilom pa ba

May Taya Ka Ba sa Kalikasan?

MAY TAYA KA BA SA KALIKASAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may taya ka ba sa kalikasan
para sa bukas ng kabataan
para sa bukas ng sambayanan
para sa bukas ng daigdigan

ang kalikasan na'y lumuluha
ang kalupaan na'y binabaha
ang karagatan na'y nasisira
paano nga ba tayo tataya

paano ba natin iaambag
ang ating lakas, talino't sipag
sa iba'y paano ilalatag
ang taya nating di pampalubag

mapipigil ba ang pagkasira
ng kalikasang dapat aruga
kung ito'y di natin maunawa
paano nga ba tayo tataya

Huwebes, Hunyo 9, 2011

Ang kampyon, ayon kay Muhammad Ali

ANG KAMPYON, AYON KAY MUHAMMAD ALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Champions aren't made in gyms. Champions are made from something they have deep inside them - a desire, a dream, a vision. They have to have last minute stamina, they have to be a little faster, they have to have the skill and the will. But the will must be stronger than the skill." ~ Muhammad Ali

i
"hindi nililikha sa dyimnasyum ang mga kampyon,"
ayon kay Muhammad Ali sa isang pagtitipon
pagkat kampyon ay nilalang na may lalim, may bisyon
kampyong nangangarap, naninindigan, mahinahon

dapat sila'y may lakas, nakatatagal sa laban
dapat mas mabilis pa kaysa kanilang kalaban
taglay nila ang kasanayan pati kagustuhang
maging kampyon at ialay ang panalo sa bayan

ngunit dapat mas matimbang ang loob, ang adhika
mas matindi ang pangarap na bumangon sa wala
katunggali niya'y sanay din, sino ang dadapa
puso'y pairalin hanggang matalo ang mahina

pareho man ng katawan silang magkatunggali
pawang may kasanayan at pusong nananatili
kahit malala ang tama at pumutok ang labi
ang ganitong kampyon ay ikinararangal ng lahi

ii
mga aktibista'y pawang kampyon ng kasaysayan
pagkat tinataya'y buhay sa kanilang larangan
naghahangad ng pagbabago sa ating lipunan
prinsipyo'y tangan, iniingatan ang karangalan

tumatatag dahil sa sinaloob na prinsipyo
lumalakas dahil sa pangarap na pagbabago
tumitindi sa pagtuligsa sa kapitalismo
patuloy na itinataguyod ang sosyalismo

marami na sa kanilang namatay, nangawala
at mga pamilya nila'y nalungkot, nangulila
ngunit patuloy sila sa pangarap at adhika
habang inoorganisa ang uring manggagawa

marangal nilang prinsipyo, paninindigan, puri
aktibistang pinaglalaban ay mabuting sanhi
buhay ma'y ialay, pagkakaisahin ang uri
itatayo ang lipunang sosyalismo ang binhi

Martes, Hunyo 7, 2011

Araw ng Pagtitiis, Araw ng Pagtutuos

ARAW NG PAGTITIIS, ARAW NG PAGTUTUOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di lahat ng araw ay araw ng pagtitiis
pagkat darating din ang araw ng pagtutuos
ngunit sitwasyong ito bago natin matiris
kabulukan nitong sistema'y ating bang talos?

pag-aralan ang sistemang nagdulot ng amis
kaya buhay nati'y lunod sa kaytinding unos
naghahari sa sistema'y dapat nang magahis
ng sambayanang kaytagal nang binubusabos

tinutubo sa lakas-paggawa'y labis-labis
ngunit buhay ng manggagawa'y kalunos-lunos
gayong kitang-kita ang kaunlarang kaybilis
ngunit kaunlarang kayrami pa rin ang kapos

kaunlaran sa daigdig ay walang kaparis
kaya nang pakainin ngayon ang lahat halos
sa karukhaang danas, ikaw na'y maiinis
ginigisa ka sa mantika't balat mo'y lapnos

imbes lumusog, mamamayan ay umiimpis
habang iilan, kapitalismo'y yapos-yapos
nais nilang karapatan natin ay manipis
na pinananatili nitong burgesyang bastos

manggagawa't sosyalista'y dapat nang magbigkis
dahil ang pagbabago'y nasa ating pagkilos
tapusin na natin ang araw ng pagtitiis
at paghandaan na ang araw ng pagtutuos

Lunes, Hunyo 6, 2011

Mabuting pang maglakad kaysa mag-wan-tu-tri

MABUTI PANG MAGLAKAD KAYSA MAG-1-2-3
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mabuting pang maglakad kaysa mag-wan-tu-tri
pagkat nakakahiya pag ikaw'y nahuli
di ka nagbayad sa dyip, nais mong malibre
taumbayan tiyak kayraming sinasabi

habang ramdam mo'y bumaba ang pagkatao
di kasi nilakad ang tatlong kilometro
para kang may ketong sa ibang pasahero
parang lagi silang nakamata sa iyo

ah, mabuti pang kahit malayo'y maglakad
kaysa mag-wan-tu-tri at puri'y makaladkad
kaya kung wala kang pamasaheng pambayad
maglakad hanggang sa pupuntahan mapadpad

ang kawawang tsuper ay simpleng manggagawa
pag nag-wan-tu-tri ka, siya'y iyong dinaya
kayod ng kayod, wala palang napapala
pagkat di nagbayad ang tulad mong kuhila

mahirap magdahilang butas yaong bulsa
kaya dapat pamasahe'y magtabi ka na
mahirap kung sinta mo pa'y iyong kasama
sa ginawa mo'y baka mapahiya siya

Ang di marunong madala

ANG DI MARUNONG MADALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

mabuti pa ang taong di marunong madala
kaysa ayaw sumubok dahil ayaw pumalya
yaong sumusubok, tagumpay ay humahanga
ang di sumubok, wala, bigo, kulelat, nganga

walang kadala-dala'y kayraming karanasan
kayraming aral, alam niya ang kabiguan
di na inuulit ang anumang kamalian
at sa huli, tagumpay ay tiyak makakamtan

Linggo, Hunyo 5, 2011

Sa Araw ng Kapaligiran

SA ARAW NG KAPALIGIRAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(Idineklara ng United Nations na World Environment Day ang Hunyo 5 ng bawat taon. Ang tema ngayong 2011 ay "Forests: Nature at your service".)

i.

busog sa usok ang mamamayan
lalo na doon sa kalunsuran
sira na ba ang kapaligiran?
ito ba'y masasagip ng bayan
upang di masira ng tuluyan?

naglipana ang maraming plastik
na sa basurahan nakasiksik
at sa karagatan inihasik
kaya dapat lang tayong umimik
at sa sulok ay di manahimik

maging seryoso tayo, kapatid
nangyayari'y dapat nating batid
makaharap ma'y mga balakid
ay maisaayos ang paligid
upang sa sakuna'y di mabulid

ii.

anong gagawin sa kagubatan
upang ito'y mapangalagaan
ibon pa ba'y may masisilungan?
masasagip ba nating tuluyan
sa pagkasira ang kakahuyan?

maraming puno'y ating itanim
huwag hayaang ito'y makimkim
ng mga may budhing maiitim
na tubo ang nasa pusong sakim
nang gubat ay di maging malagim

kaya nga dapat nating matalos
na gubat ay di dapat maubos
halina't tayo nang magsikilos
bago pa nila tayo maulos
at gubat ay kanilang makalos

Isa Lang Akong Makata

ISA LANG AKONG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
salitan ang 8 at 10 pantig sa taludturan

isa lang akong makata
sa maraming makata sa daigdig
na pagsinta'y tinutula
sa napupusuan at iniibig

isang magandang dalaga
yaong sa puso ko'y nagpakaligkig
ngayon aking nadarama
pagsinta niya'y humahalumigmig

isa lang akong makata
sa maraming makata sa mundo
kahit laging nangangapa
nakakamta'y pagsintang tuliro

kaysarap niyang mahalin
tila puso ko'y di mahahapo
at kung ako'y papalarin
mamahalin siyang buong-puso

habang tangan ko ang tula
na sa kanya'y aking bibigkasin
upang puso niya't diwa
sana'y tuluyan ko nang maangkin

ah, huwag sanang masawi
itong makata sa nililiyag
dahil pag sinta'y humindi
buhay kong ito'y isa nang hungkag

Sabado, Hunyo 4, 2011

Ang diwatang si Fides

ANG DIWATANG SI FIDES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaysarap sadyang pakinggan ng kanyang tinig
sa boses pa lang niya, ako'y kinikilig
tulad pa rin noon, siya'y napakalambing
di man umaawit, tila anghel ang himig

hinaplos ko ang puso, siya'y hinahanap
ang tulad niya'y diyosa sa alapaap
ang makasama nga lang siya'y anong sarap
babatahin mo anumang daanang hirap

simpleng ganda, ngunit boses lang, pamatay na
tila nayayanig ang aking kaluluwa
sa tuwa, tila ba nasa langit ng ligaya
aba'y lalo na pag siya'y nakasama

tila ako'y lupang inaabot ang langit
at naroon si Fides, laging umaawit
nanunuot sa kalamnan, humahagupit
O, Fides, sintang handog ko'y odang marikit

Biyernes, Hunyo 3, 2011

Kung ikaw ang aking magiging kabiyak

KUNG IKAW ANG AKING MAGIGING KABIYAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

alay kay klasmeyt Fides

kung ikaw ang aking / magiging kabiyak
ay bibigyan kita / ng maraming anak
pagsinta ko ikaw / ay makatitiyak
pagkat sa puso ko'y / tangi kitang galak

kung ikaw ang aking / magiging asawa
iyong madarama / tunay kong pagsinta
sa araw at gabi'y magkasama kita
hanggang kamatayan / ay kaulayaw ka

ibigin mo ako / O, sinta kong Fides
pagkat hangarin ko / sa iyo'y malinis
sa dusa't ginhawa / tayo'y magbibigkis
sa ligaya't hirap / kahit na magtiis

gagawaran kita / ng sanlibong halik
pagkat pag-ibig mo / sa puso ko'y siksik

Huwebes, Hunyo 2, 2011

Himutok sa Piitan

HIMUTOK SA PIITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan isang hapon, ako'y dumalaw sa kulungan
dinig ko ang himutok ng isang nasa piitan:

"di lahat ng nahahatulan ay may kasalanan
di lahat ng may kasalanan ay nahahatulan"

marahil ang sinabi niya'y may katotohanan
dahil kitang-kita niya ang mga katunayan

para sa pamilyang sinakbibi ng kagutuman
nagnakaw ng kilong bigas kaya nasa piitan

yaong milyones ang ninakaw sa kaban ng bayan
ay nakangising kapit-tuko pa sa katungkulan

ikinulong pati ang nagtatanggol sa tahanan
pagkat teroristang demolisyon ay nilabanan

bilanggong mayaman ay labas-masok sa kulungan
ngunit di ang mahihirap kahit may karamdaman

kahit sa usapin ng hustisya'y may tunggalian
dukha'y nabubulok, nakalalaya ang mayaman

pag-uwi ko'y nakatatak pa sa aking isipan
yaong ibinubulong ng isang nasa piitan:

"di lahat ng nahahatulan ay may kasalanan
di lahat ng may kasalanan ay nahahatulan"