DEBATE SA RH BILL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
(Hinggil sa debate sa ABS-CBN noong May 8,
at sa GMA 7 sa May 22, 2011)
ang hangarin ng babae
ay magpasya sa sarili
makinig kayong mabuti
sa adhika nila't sabi
mga paring walang matris
bakit ninyo natitiis
ang babae'y iniinis
kayo din ba'y nagbubuntis
pakinggan ninyo ang sigaw
baka puso nyo'y matunaw
labing-isang nanay na raw
ang namatay bawat araw
dahil po sa kumplikasyon
ng pagbubuntis na iyon
RH Bill ipasa ngayon
baka ito'y makatulong
kalagayan ng babae
dadaanin sa debate
baka sakaling bumuti
ang lagay ng mga pobre?
“magparami kayo, bayan”
yaong turo ng simbahan
versus sa kababaihang
pagpapasya sa katawan
di ba kayo naaawa
labing-isang buhay nga nga
bawat araw ang nawala
di kayo mapagkalinga!
relihiyong mapang-api
ay dapat nang isantabi
aanhin pa ang debate
kung patay na ang babae
1 komento:
Hi Greg,
Share ko lang na posted natin sa HRonlinePH ang tula mong ito http://hronlineph.wordpress.com/2011/05/15/literary-debate-sa-rh-bill-matang-apoy/
Salamat at makakatulong ang lahat ng porma ng ating mga sulatin sa diskurso ng RH.
Padayon!
Mag-post ng isang Komento