Martes, Mayo 31, 2011

2 Draft ng KPML Theme Song

2 DRAFT ng KPML Theme Song
ni Greg Bituin Jr.

Sa plano ng KPML NEC nitong nakaraan, nahilingan ang inyong lingkod na mag-draft ng KPML Theme Song na pagpipilian at gagamitin para sa ika-4 na Pambansang Kongreso ng KPML sa Hulyo 16, 2011. Narito ang dalawang draft, for editing pa ito, pipiliin ang isa, at dapat maaprubahan bago kantahin sa mismong Kongreso. Maraming salamat.

(KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, itinatag noong Disyembre 18, 1986)


SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA
11 pantig bawat taludtod

I

Kayhirap ng buhay ng maralita
Demolisyon lagi ang napapala
Buti't may samahang umuunawa
Sa hirap na kalagayan ng madla
KPML ang sandigan ng dukha

II

Bakit kahirapan ang nakagisnan
Ito ba'y sadyang ating kapalaran
Halina't lipunan ay pag-aralan
Bakit may naghihirap, may mayaman
Paano na ang ating karapatan

III

Hanggang sa atin ngayong napagtanto
Dahilan ng dusa'y kapitalismo
At sagot natin dito'y sosyalismo
Buti't KPML ay naririto
Upang dukha'y magkaisang totoo

Koro:

KPML, KPML
Sosyalistang sentro ng maralita
Panlipunang pagbabago'y adhika
Halina't makibaka tayong dukha
Patungo sa sosyalismo't paglaya




KAMING MARALITA NG LUNGSOD
9 pantig bawat taludtod

KORO:

Kongreso ng Pagkakaisa
ng mga Maralitang Lungsod
Isang sosyalistang sistema
ang aming itinataguyod

I

Ang aming puso'y nagdurugo
pag naganap ang demolisyon
Aming dama'y pagkasiphayo
kahit doon sa relokasyon

II

Dahil ba kami'y maralita
kaya wala nang karapatan
Turing sa ami'y hampaslupa
nitong elitista't mayaman

III

Lipunan ay aming sinuri
natanto bakit nagkagayon
Dahil meron pang mga uri
kaya halina't magsibangon

IV

Ibagsak ang kapitalismo
ito'y ilibing na sa lupa
At isulong ang sosyalismo
upang gahaman na'y mawala

Ulitin ang Koro ng 2 beses

Himutok ng Dalawang Inang Nawalan ng Anak

HIMUTOK NG DALAWANG INANG NAWALAN NG ANAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

(Alay sa International Week of the Disappeared mula Mayo 29 hanggang Hunyo 4, 2011. Pinangunahan ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) at ng Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD) ang paggunita sa isang aktibidad sa PeaceBell, QC Memorial Circle, Mayo 29, 2011.)

minsan nagkausap ang dalawang nanay
hinggil sa kanilang malungkot na buhay
sabi ng isa, "ang anak ko'y pinatay
ng mga salarin sa harap ng bahay"

"tinadtad ng bala ang kanyang katawan
tulala akong gagawi'y di malaman
hanggang sila'y tumakas ng tuluyan
habang anak ko'y walang buhay, duguan"

"takot, pangamba, paghihiganti, galit
katawan ko'y nanginig, ngipi'y nagngalit
karanasan naming mag-ina'y kaypait
bakit ba ang buhay sa mundo'y kaylupit?"

"maswerte po kayo," ang sagot ng isa
natigagal siya kaya't natanong nya
"namatayan ako'y bakit maswerte pa?
gayong anak ko'y tuluyang nawala na?"

at napaisip siya sa katugunan:
"nakita mo ang anak mo ng pinaslang
maayos na libing, siya pa'y nabigyan
at puntod niya'y alam mo kung nasaan"

"ngunit kami, kami'y di kasimpalad mo
kaytagal nang nawawala ng anak ko
di na makita kahit kanyang anino
anak ko'y isa nang desaparesido"

"anak ko'y nawawala pa hanggang ngayon
pinaslang ba siya, saan itinapon
inilibing ba siyang walang kabaong?
sadyang kailangan po namin ng tulong"

"di namin alam kung siya ba'y nasaan
sa pagkawala'y sinong may kagagawan
nasaan na kaya ang kanyang katawan
paghahanap ba'y wala nang katapusan?"

sadyang kaysakit para sa mga ina
na mawalang tuluyan ang anak nila
ang isa'y pinaslang, bangkay ay nakita
hinahanap pa kung nasaan ang isa

dalawang inang sadyang kahabag-habag
karapatan ng anak nila'y nilabag
sa dalawang krimen, sinong magbubunyag?
hustisya ba'y kailan mababanaag?

Lunes, Mayo 30, 2011

Para sa Aking Fides

PARA SA AKING FIDES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Fides - ang diyosa ng pagtitiwala sa mitolohiyang Romano)
14 pantig bawat taludtod

marami nang Fides ang aking naging diyosa
mula pagkabata'y minahal ko na't sinamba
maraming beses, naging inspirasyon ko sila
ngunit di naman sabay-sabay, kundi iisa
sa bawat panahong sila'y aking sinisinta

marapat lang sa buhay kong ito'y isang Fides
kung saan tunay na pagsinta'y nagkakahugis
ang mang-aapi sa kanya'y tabak ni Palaris
ang isasalubong ko upang dito'y mang-inis
pagkat pag-ibig ko kay Fides ay labis-labis

ang mga nakaraan kong Fides ay inibig
inasam-asam ko pa ngang siya'y makaniig
iisa lang ang aking samo't binigyang tinig
na ang mga panaghoy ko'y kanyang naririnig
upang di pawang luha ang sa puso'y dumilig

Linggo, Mayo 29, 2011

Kay Fides

KAY FIDES
(si Fides ay kaklase ko ng elementarya
na nag-birthday nitong Mayo 29)
9 pantig bawat taludtod

isang maalab na pagbati
ng maligayang kaarawan
isang matamis lang na ngiti
sa ami'y isalubong lamang
tiyak pagod na'y mapapawi
pakiramdam nami'y aalwan
classmate kong Fides, ingat lagi
lalo ang iyong kalusugan
huwag ipagdamot ang ngiti
na maganda mong katangian

(ang tulang ito'y pinadala sa pamamagitan ng facebook)

Sabado, Mayo 28, 2011

Sakbibi ng Hirap


SAKBIBI NG HIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

apat na taong gulang pa lang siya
ang bunsong kapatid na'y karga-karga
iniwan ng ina sa may bangketa
upang mamalimos na sa kalsada

buntis na ina'y saan ihahatid
ng mga yapak, saan mabubulid?
ang kaginhawaha'y isang balakid
sa kanilang pitong magkakapatid

ang ama nama'y katiting ang sahod
minsan sa amo'y halos maglumuhod
para makabale't may ipamudmod
sa pamilyang lagi nang nakatanghod

paggawa ng bata'y basta na lang ba
paano ang kalusugan ng ina
araw at gabi'y sakbibi ng dusa
ano na ang bukas nilang pamilya?

paghahatian ang isang mansanas
pinagkakasya'y isang kilong bigas
ulam nila'y isang latang sardinas
ito ba ang tinatawag na bukas?

kung manganganak na naman ang ina
madaragdagan pa ang magdurusa
sa nangyayari'y mapapailing ka
sa gobyerno ba'y balewala sila?

Biyernes, Mayo 27, 2011

Madilim Pa Ang Bukas

MADILIM PA ANG BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nahan kaya ang dalaga kong nililiyag?
Narito pa rin sa puso kong pumipitlag
Nasa malayo siyang aking namamatyag
Habang narito akong di matinag-tinag.

Sadya bang madilim ang kahapon ko't bukas
Habang kapitalismo'y tila naaagnas
Habang sosyalismo sa Rusya'y tumatagas
Habang ang puso ko'y tila wala nang lunas

Bakas pa sa kamao ko ang pagdurugo
Galing sa kapitalistang basag ang nguso
Galing sa nagdedemolis na uto-uto
Habang elitista'y nagdiriwang ang puso

Ang TV'y hinarap, pinatay ang kompyuter
Pinanood ang balitang tungkol sa poder
Palabas sa TV'y Maguindanao masaker
Habang sa History Channel ay "Life of Hitler"

Kapitalismong ito'y nakaririmarim
Mga obrero'y nabubuhay pa sa dilim
Nakakahinga pa rin kahit takipsilim
Ang pagbabago ba'y kailan masisimsim?

Kahapo'y kaydilim, pati pa ba ang bukas?
Paano ba masa'y maliligtas sa hudas?
Kailan ba ang lipunan magiging patas?
Matamo ko kaya ang pag-ibig nyang wagas?

Kung Mamamatay Ako sa Pagkaidlip

KUNG MAMAMATAY AKO SA PAGKAIDLIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung mamamatay man ako sa pagkaidlip
marahil malalim ang aking iniisip
kasama ang sinisinta sa panaginip
minamahal kong diwatang di ko malirip
ang laman ng pusong di ko ikinainip

kung sa pag-idlip mamatay, wala nang sakit
pagkat di na ramdam, tortyurin man ng pilit
mamamatay sa mundong ang tanong ay bakit
di na natanaw ang inaasam na langit
ng pagbabago ng sistema't mga alit

ngunit may kadakilaan ba pag namatay
habang natutulog ay napugto ang buhay
bakit sa pag-idlip ako mahahandusay
gayong ang isang paa ko na'y nasa hukay
mamamatamisin ko pang sa bala mamatay

aktibista akong di marapat malugmok
sa pagtulog habang kinakagat ng lamok
gayong habang gising pa ay nakikihamok
laban sa kapitalistang sa tubo'y hayok
nakikibaka laban sa sistemang bulok

ngunit hiling ko lamang sa aking pag-idlip
ay makasama ang sinta sa panaginip
sa ganito man lang, may tuwang halukipkip
malulugmok akong siya ang nasa isip
siglo ma'y lumipas, di ako maiinip

Huwebes, Mayo 26, 2011

Dudungisan mo ba ang dangal ng tulad kong tibak?

Dudungisan mo ba ang dangal ng tulad kong tibak?
Iiputan mo ba ang ulo ko't mapapahamak?
Titirahin ba ako't pagagapangin sa lusak?
Aatakehin ba pagkatao't mawawasak?

Sasabihin ko bakit dapat akong makibaka
Ramdam ko kung bakit sinasamantala ang masa
Espasyo ng kapayapaan sa puso'y wala na?
Pipigilan mo ba akong

Uusigin ko iyang mapagsamantalang uri
Yayapusin ko ang diyalektikang pagsusuri
At ibabagsak ang mga pribadong pag-aari
Nang maitayo ang lipunang walang naghahari

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 25, 2011

Kung Matitigok Ako Bago Magising

KUNG MATITIGOK AKO BAGO MAGISING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kung matitigok ako bago magising
sino kayang sa akin ay maglilibing
marahil sa pag-idlip may naglalambing
si Kamatayan na pala ang parating

ngunit kung sakaling ako nga'y matigok
sa pagkakatulog tuluyang malugmok
sana naman naabot ko na ang rurok
ng tagumpay sa mga pakikihamok

kung matitigok ako bago magising
ang bilin ko lang ay isang simpleng libing
tula ng mga aktibistang magiting
yaong sa katahimika'y tataginting

wala nang bulaklak, kundi mga tao
walang korona't tanging mga amigo
sa puntod, maso't di kurus ang nais ko
na tandang ako'y naglingkod sa obrero

Martes, Mayo 24, 2011

Ang Dapat Matunton

ANG DAPAT MATUNTON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahirap mang mabuhay sa anino ng kahapon
dapat lang mabuhay sa kung ano bang meron ngayon
bakit balikong landas pa itong tinatalunton
aba'y suriin ito't baka iba ang matunton

pag-aralan nga natin ang lipunang masagana
kaginhawaan sa daigdig ay makakamit ba
paano ang gagawin kung bulok pa ang sistema
na dahilan nitong dusa't kahirapan ng masa

kahapon pa nahihirapan itong sambayanan
tatamasahin pa ba natin ngayo'y karukhaan
halina't ating pag-aklasan ang mga gahaman
at ukitin na natin ang bagong kinabukasan

Lunes, Mayo 23, 2011

Maglinis ng Paligid

MAGLINIS NG PALIGID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

papayag ba tayong mawasak ng tuluyan
ang daigdig na ating pinaninirahan
dahil sa ginagawa ng mga gahaman
na naghahari sa bulok nating lipunan

basura nila'y basta na lang itatapon
kung saan-saang panig ng lungsod at nayon
anila, bahala ang ibang tao doon
may maglilinis naman daw ng mga iyon

winawasak nila ang mga kagubatan
dinudumihan nila pati karagatan
walang pakialam sa kapwa't sambayanan
sarili lamang ang pinakikibagayan

mga dumi sa paligid, tayo ang sanhi
kung ganito palagi ang ating ugali
susunod na henerasyon ay mamumuhi
kung kalagayang ito'y pinananatili

Linggo, Mayo 22, 2011

Magreretiro na si Inay

MAGRERETIRO NA SI INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang buwan na lang, magreretiro na si Ina
magtatapos na rin ang kanyang buhay-opisina
sa Setyembre'y bagong buhay ang haharap sa kanya
pagkat pareho na silang retirado ni Ama

maraming salamat, Ina, sa iyong mga payo
sa pagmamahal mo't sa mga anak ay pagsuyo
sa mga dinaanang pagsubok, di ka sumuko
pinakita mong matatag ka't laging nakatayo

bata pa kami'y kayo na ang nagbigay sa amin
ng mga pangangailangan namin at gastusin
at kami mang anak nyo'y may sariling buhay na rin
kami'y naririto't kayo'y aalagaan namin

ginabayan nyo kami noong aming kabataan
inaruga kami, pinag-aral, sinubaybayan
tinuruang tumayo sa sarili't manindigan
kaya inabot ngayon ang aming kinalalagyan

ilang beses mang ang puso nyo'y aming pinadugo
naging matatag kayo, tumindig, di nasiphayo
lahat ng anak binigyan ng magagandang payo
pagmamahal nyo sa mga anak ay di naglaho

kaming magkakapatid ay nagsasabing salamat
sa mga sakripisyo nyo, payo, sa lahat-lahat
di kayo pababayaan, panahon ma'y magluwat
maraming salamat, Ina, marami pong salamat

Sabado, Mayo 21, 2011

Mga Kalabit-Penge

MGA KALABIT-PENGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

napakarami nang kalabit-penge
na kaunting barya mo'y hinihingi
palad ay nakalahad, nakangiti
tandang sila'y nagbabaka-sakali

kung sino-sino ang kinakalabit
kahit kamay na'y sa rusing kaylagkit
ang kaunting barya mo'y hinihirit
maibsan lang ang gutom na kaylupit

di lang naman mga batang lansangan
itong kalabit-penge sa lipunan
minsan kahit na mga kaibigan
pati mga tibak na kasamahan

umabot na sa krisis ang sistema
gayong mga produkto'y sobra-sobra
kayang pakainin ang buong masa
di makakain dahil walang pera

sadyang nakakawala ng dignidad
bilang tao pag kamay nakalahad
lipunan ay patuloy sa pag-unlad
ngunit ang lahat sa mundo'y may bayad

tapusin na ang pagkalabit-penge
ninakaw nito'y pagkatao't puri
ganito'y di na dapat manatili
wakasan na itong lipunang imbi

Biyernes, Mayo 20, 2011

BILIBID OR NOT

BILIBID OR NOT
(Hinggil sa paglabas-masok sa kulungan ng nasentensyahang
si dating Batangas Gov. Tony Leviste)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ala eh, di ko mawari, bakingga ganire
labas-masok pala sa kulungan si Leviste
ang dating gobernador ng probinsyang ala-eh
na napiit nang paslangin ang kanyang kumpare
believe it or not, ganito nga ang nangyayari

ang treatment sa kanya'y VIP (vi-ay-pi) dahil mayaman
kaya ang kulungan, ginagawa lang pasyalan
ang kanyang sentensya'y tila pinaglalaruan
nasaan dito ang sinasabing katarungan
lalo't pinatay niya'y ang kanyang kaibigan

ang nangyaring ito'y isa ngang BILIBID OR NOT
isang insidenteng dapat nating mahalungkat
gayunman may katotohanang isiniwalat
na kahit sa kulungan man, may gutom at bundat
iba ang kalagayan ng mayaman at salat

sinong nagpalabas sa dapat ay nakakulong
kanino kayang ulo yaong dito'y gugulong
BILIBID OR NOT, nakakalabas ang may datong
sistema ng hustisya'y saan kaya hahantong
kung pinaglalaruan lang ng mga ulupong

Mga sulat sa pader ng C. R.

MGA SULAT SA PADER NG C.R.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami nang sulat sa pader ng kubeta
tila ito'y pahayagan ng propaganda
o kaya naman, ito'y sumbungan ng masa
sa dapat malutas na kayraming problema

"Hawak mo ngayon ang bukas ng santinakpan!"
"Baguhin ang sistema! Ituloy ang laban!"
"Akrho. Tau Gamma. Oxo. Bahala Na Gang."
"Ingat pagpasok. Ito'y pambabae lamang."

panulat nila'y iba't ibang klaseng pinsel
minsan ay may drowing pang de-kalibreng baril
o di kaya'y larawan ng magandang anghel
at maghihinaw sila matapos dyuminggel

pati na pangalan ng crush ay nasusulat
ang crush ng bayang pag syinota mo'y kaybigat
sa pader ng C. R. kayraming mga ulat
maraming lihim doong isinisiwalat

kayganda ng kanyang guro at super-seksi
tila nasulat iyon habang nagbabate
kawawa tuloy ang magandang binibini
tila ba siya'y hinuhubaran ng panti

anong gagawin kung kukote'y umaandar
sa maraming kabastusan, talagang bulgar
pawang kalokohan ang nasagap ng radar
sana'y burahin na yaong sulat sa C. R.

maraming opinyong pader ang piping saksi
mga taong may nais ngunit di masabi
sa pader nagsumbong, pagkat di mapakali
gayong ito'y di pisara't iba ang silbi

dapat mahuli yaong nagbabandalismo
pader sa C. R. ay dapat linising todo
kung lagyan kaya ng "Bawal magsulat dito!"
masunod kaya kung ang ugali'y sanggano?

Huwebes, Mayo 19, 2011

Ang aking si Ditas

ANG AKING SI DITAS

Ditas ang pangalan ng maganda kong kababata
Isang mutyang nais makapiling sa tuwa't luha
Tigib sa pag-ibig na kapwa namin kinakatha
Akong sumisintang sa ganda niya'y hangang-hanga
Sa Sampaloc, siya'y mutyang dapat lang pagpitagan
Representatibo ng angkan ni Venus sa bayan
Espesyal ang mga ngiti't nais maging katipan
Pangarap kong dalhin siya sa altar, pakasalan
Ubos-kayang gagawin ang lahat upang maangkin
Yaong kanyang puso't sana ako nama'y palarin
Aariing bigay ng langit kung ako'y sagutin
Ng mutyang pangarap na habambuhay kasamahin

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 18, 2011

Nagmamaramot ang Gabi

NAGMAMARAMOT ANG GABI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nakatitig sa kawalan
ang mga batang lansangan
habang nagkakarerahan
ang iba't ibang sasakyan

batang hamog kung tawagin
ang gutom ayaw nang damhin
kahit ano'y aagawin
upang sila'y makakain

sino kayang manlilimos
sa kanilang mga kapos
bakit ba sila busabos
ang nasa isip ng musmos

sa araw ay maghahanap
ng pagkaing masasarap
sa gabi'y pinapangarap
maibsan na itong hirap

gabi nila'y pumapanglaw
pangarap ba'y matatanaw
mayroon bang bagong araw
na sa kanila'y susungaw

nagmamaramot ang gabi
sa pangarap nila'y bingi
gobyerno'y walang masabi
sa hinaing ng marami

Martes, Mayo 17, 2011

Ang Welga'y Isang Paaralan

ANG WELGA'Y ISANG PAARALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

mahalagahin ang welga pagkat paaralan
hinggil sa tunggalian ng uri sa lipunan
welga'y kongkretong pagmumulat sa katangian
ng lipunan at estadong kinasasadlakan

ang welga'y paaralan upang magrebolusyon
nang makamtan ng obrero ang emansipasyon
at maresolba ang pangunahing kontradiksyon
sa pabrika, lipunan, at gamit sa produksyon

sa welga, ang mga manggagawa'y napapanday
sa pakikibaka pagkat tunggaliang tunay
kitang-kita kung bakit kapitalismo'y sablay
natututong dumiskarte hanggang magtagumpay

rebolusyon ay di lang sahod at benepisyo
at lalong higit pa sa isyu ng unyunismo
ito'y di lang katiyakan sa pagtatrabaho
kundi layon nito'y panlipunang pagbabago

Lunes, Mayo 16, 2011

Kamalayang Unyunista'y Sadyang Di Sapat

KAMALAYANG UNYUNISTA'Y SADYANG DI SAPAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kamalayang unyunista'y mananatili
kung limitado lang yaong kanilang gawi
kung munting ginhawa lang ang kanilang hingi
nagkakasyang dagdag-sweldo'y maipagwagi

hangga't sa lipunang bulok, di mamumuhi
hangga't di tukoy na pribadong pag-aari
ng kagamitan sa produksyon ay mapawi
hangga't obrero'y di maging mulat-sa-uri

kamalayang unyunista'y sadyang di sapat
dapat ang mismong lipunan na'y inuungkat
tanungin bakit may kapitalistang bundat
at kayraming obrerong sa buhay ay salat

diwang unyunismo'y huwag panatilihin
mga unyunista'y dapat organisahin
sosyalistang layunin sa kanila'y dalhin
nang diwang makauri'y kanilang yakapin

Linggo, Mayo 15, 2011

Simula Man Ang Unyonismo

SIMULA MAN ANG UNYONISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang unyonismo'y simula ng pagkamulat
pagkat nagkakaisa ang obrerong salat
ang karapatan nila'y naisisiwalat
laban sa kapitalistang sa tubo'y bundat

simula ng pagkamulat ang unyonismo
ngunit di sapat na ilaban lang ang sweldo
at batayang karapatan nitong obrero
dapat na ang diwang makauri'y matamo

dapat mapasabak ang unyon sa labanan
maaari mang ito'y welga o aklasan
nang manggagawa'y mamulat sa tunggalian
ng uri sa pabrika, pati sa lipunan

ang pagsapi sa unyon ay simula pa lang
dahil kapwa manggagawa'y nagsasamahan
ngunit kung walang makauring kamalayan
baka sila'y madurog sa simpleng labanan

simula man ng pagkamulat itong unyon
panahon nila'y di dapat maubos doon
dapat matutunan nilang magrebolusyon
yakaping mahigpit ang sosyalistang layon

Sabado, Mayo 14, 2011

Hindi Unyonismo ang Landas ng Paglaya

HINDI UNYONISMO ANG LANDAS NG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang landas ng paglaya'y hindi unyonismo
pagkat di lang sa pabrika ang labang ito
pakikibakang ito'y tagos sa gobyerno
kaya di dapat mag-unyon lang ang obrero

pakikibaka nila'y di hanggang pabrika
kaya dapat mangarap ng bagong sistema
kung saan malaya sa pagsasamantala
ng hinayupak na mga kapitalista

dapat nang ipaalam sa mga obrero
na magwawakas ang lumang sistemang ito
kung tuluyang bumagsak ang kapitalismo
at manggagawa na'y namuno sa gobyerno

panahon nang tapusin ang dusa at luha
unyonismo'y lagpasan na ng manggagawa
nasa sosyalismo ang landas ng paglaya
pagkat bubunutin na'y gintong tanikala

Biyernes, Mayo 13, 2011

Kung Nabuhay Kami Para Magutom

KUNG NABUHAY KAMI PARA MAGUTOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung ako ang batang nabuhay lamang
para magutom at mahirapan
bakit pa ako pa'y isinilang
sa mundong walang kinabukasan

matatanggap ko lamang ay mumo
habang sumisikip ang tiyan ko
sa gutom dahil di aasenso
sa ganitong sistema't gobyerno

mabuti pang ako na'y namatay
pagkasilang sa bukang-liwayway
kaysa magigisnan ko ang buhay
na bawat araw, isang tinapay

isinilang kaming walang plano
magkakapatid na labingtatlo
si itay ay kaybaba ng sweldo
labandera naman ang nanay ko

magulang ba namin ang may sala
kaya kami'y ganitong kawawa
anak kaming binabalewala
sa buhay, kami na ang bahala

tao nga kami, bakit ganito
laging gutom, utak ay tuliro
sa amin magpasensya na kayo
tinitiis kami ng gobyerno

latak na ng lipunan ang tingin
ng marami sa kagaya namin
kayhirap namang gutom tiisin
kaya nang-aagaw ng pagkain

sabi, humayo't magpakarami
kaya pagpasensyahan nyo kami
kung dumami kaming mamemeste
kami lang nama'y dumidiskarte

tao kami, ngunit nasa hukay
ang gutom maibsan lang ng tunay
kami nama'y sadyang maglulubay
buti't di namin kayo pinatay

Pagmumuni ng Makata

PAGMUMUNI NG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

paano ba paglalaruin sa papel ang mga salita
paano ba binabalangkas ng tinta ang nais na wika
paano ba inuukit sa utak ang hangad na kataga
paano bang bawat sasabihin ng makata'y hinahanda

may naiisip ngunit minsan sa utak di ito makatas
kataga'y pilit mong pinipiga'y di man lang lumabas-labas
para bang nang-aasar, ang ulo mo'y tila nga binubutas
baka ang kailangan mo lang ay kape, magyosi sa labas

kailangan pa bang minsan sa kisame siya'y tumunganga
baka sakaling naroroon ang hinahanap na salita
paano ba niya mapapagtulong ang puso niya't diwa
upang malikha niya ang nag-iisang obra niyang tula

baka kailangan ng makata'y ang magpahingang sandali
baka sa panaginip makita ang salitang minimithi
at pag naalimpungatan, maisulat niya itong madali
pagkat pag nawala pa sa utak, baka ito'y ikasawi

Huwebes, Mayo 12, 2011

Debate sa RH Bill

DEBATE SA RH BILL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

(Hinggil sa debate sa ABS-CBN noong May 8,
at sa GMA 7 sa May 22, 2011)

ang hangarin ng babae
ay magpasya sa sarili
makinig kayong mabuti
sa adhika nila't sabi

mga paring walang matris
bakit ninyo natitiis
ang babae'y iniinis
kayo din ba'y nagbubuntis

pakinggan ninyo ang sigaw
baka puso nyo'y matunaw
labing-isang nanay na raw
ang namatay bawat araw

dahil po sa kumplikasyon
ng pagbubuntis na iyon
RH Bill ipasa ngayon
baka ito'y makatulong

kalagayan ng babae
dadaanin sa debate
baka sakaling bumuti
ang lagay ng mga pobre?

“magparami kayo, bayan”
yaong turo ng simbahan
versus sa kababaihang
pagpapasya sa katawan

di ba kayo naaawa
labing-isang buhay nga nga
bawat araw ang nawala
di kayo mapagkalinga!

relihiyong mapang-api
ay dapat nang isantabi
aanhin pa ang debate
kung patay na ang babae

Martes, Mayo 10, 2011

Ngiting Kaytamis

 NGITING KAYTAMIS
ni greg bituin jr.
7 pantig bawat taludtod

pagod ko'y naaalis
katawan ma'y kaynipis
ang ngiti nyang kaytamis
sa makata ba'y hapis

papuri ma'y kaybilis
puso'y humahagibis
hangarin ko'y malinis
kahit ako'y magtiis

pagtula'y di iimpis
basta't huwag maamis
makitang walang mintis
ang ngiti nyang kaytamis

- tulang alay sa dyosang si Ara Mina

Pairalin ang Kolektibong Pamumuno

PAIRALIN ANG KOLEKTIBONG PAMUMUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pairalin ang kolektibong pamumuno
ito'y isang aral na dapat maituro
at isang estilong di nakapanlulumo
upang samahan ay masigla at di tuyo
walang Boss at walang kasamang nakayuko

sa pagpapairal nitong kolektibismo
pangunahin ay pakikipagkapwa-tao
at yaong bawat kasama'y nirerespeto
ginagamit ay di kaisipang supremo
pagkat napakababaw, di pangsosyalismo

bawat kolektibo'y laging kinukunsulta
at buong kolektibo yaong nagpapasya
di ibinababa lang ang nais ng isa
di alipin ang tingin sa mga kasama
pagkat sila'y may kaisipang sosyalista

ang kaisipang supremo'y dapat ibagsak
pagkat estilong ito'y talagang bulagsak
maraming kasama ang ipinahahamak
kaisipang supremo'y bugok, parang burak
makasarili't dapat ilibing sa lusak

ang kolektibong pamumuno'y sosyalista
dapat pairalin ng bawat aktibista
sama-samang nagpapasya't di kanya-kanya
kailangan sa pagbabago ng sistema
mahalaga't may paggalang sa bawat isa

Lunes, Mayo 9, 2011

Tubo ang Motibo ng Kapital

TUBO ANG MOTIBO NG KAPITAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bakit ba api ng mga amo
ang mga kapatid na obrero'y
aba'y kulang-kulang na ang sweldo
ay wala pa silang benepisyo

binabarat ang lakas-paggawa
hampaslupa ba ang manggagawa

pag sweldo'y tumaas, nanlulumo
itong kapitalistang hunyango
agad na silang natutuliro
apektado kasi iyang tubo

tubo ang motibo ng kapital
dito sila nagpapakahangal

pag itinaas daw yaong sweldo
presyo ng bilihi'y apektado
aba'y binobola nila tayo
akala yata, obrero'y bobo

tubo yaong may ugnay sa sweldo
at di yaong pagtaas ng presyo

dapat manggagawa'y magkaisa
dapat na silang maorganisa
labanan ang pagsasamantala
sa loob at labas ng pabrika

unti-unti tayong inuuk-ok
ng mapang-aping sistemang bulok

Linggo, Mayo 8, 2011

Sa ilang may Ph.D. [Pulos Hangin ang Dala]

SA ILANG MAY Ph.D. [Pulos Hangin ang Dala]
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kapuri-puri ang ilang naka-Ph.D. (pi-ech-di)
pinagpaguran nila ang kanilang degree
ngunit sa asal nila'y di ka mawiwili
marami sa kanila'y naging mapang-api

mga nag-doctor daw sila ng philosophy
kaya karapatan daw nilang magmalaki
ngunit karapatan din ba nilang mang-api?
at pasensya na yaong di makaintindi?

sa literatura, ang iba nga'y may degree
marami sa kanila'y Palanca awardee
pag tula mo'y pulitikal, walang masabi
kundi ibasura na't wala iyang silbi

sa eskwelahan, ang gurong mapagmalaki
ay boss na magaling ang tingin sa sarili
binabagsak ang masipag na estudyante
janitor binubulyawan, parang walang paki

sa pabrika, kapitalista'y mapang-api
makina ang turing sa manggagawang pobre
may Ph.D. (pi-ech-di) daw silang mga negosyante
kaya sila'y Boss, manggagawa'y tagasilbi

Pulos Hangin ang Dala nitong may Ph.D. (pi-ech-di)
ang turing na sa kapwa'y bobo't walang silbi
di raw nag-aral kaya di makaintindi
di raw nakapagtapos kaya naging pobre

pag kawawang maralita ang nakatabi
mandidiri na't itataboy, "tsupi, tsupi!"
iisnabin ang dukha't sisigawan ng "pwe!"
ang dukhang minata'y gusto tuloy gumanti

di naman nilalahat yaong may Ph.D. (pi-ech-di)
ngunit karamihan ay utak-negosyante
importanteng tao ang tingin sa sarili
pakikipagkapwa'y di na iniintindi

Sabado, Mayo 7, 2011

Mahirap Magbanal-banalan

MAHIRAP MAGBANAL-BANALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tulad ko'y di ba maaaring maging banal
dahil marami rin akong pagkakasala
kinalaban ko ang may-ari ng kapital
dahil sa obrero'y di magbayad ng tama

kalaban ko ang kapitalistang pusakal
dahil inaapi ang mga manggagawa
doon sa pagawaang akala mo'y kural
sa init pagkat kahit bentilasyo'y wala

kung ganito ang nangyayari sa pabrika
ang tulad ko'y mahirap magbanal-banalan
sa gobyerno man ganito ang gawa nila
barat sa obrero't barat sa mamamayan

sa mga pangako, masa'y ginagayuma
ngunit pagtupad sa pangako'y bagsak naman
paano maging banal kung ganito sila
nasa isip na'y baguhin ang lipunan

di yata pwedeng maging banal ang tulad ko
gaya kong lumalaban sa mga tiwali
aktibistang naghahangad ng pagbabago
laban sa sistemang sadya ngang mapanghati

sistemang kumawawa sa dukha't obrero
sistemang amo'y ang pribadong pag-aari
na papalitan ng lipunang makatao
kung saan pag-aari'y tuluyang mapawi

Huwebes, Mayo 5, 2011

Maganda ang bukas kung...

MAGANDA ANG BUKAS KUNG...
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maganda itong ating bukas
kung walang pulitikong hudas
kung gobyerno'y di balasubas
kung namuno'y di talipandas

maganda ang bukas ng tao
kung gobyerno'y nagseserbisyo
kung paglilingkod di negosyo
kung namumuno na'y obrero

ang bukas ay magandang halos
kung yaong masa'y natatalos
na pagbabago'y kayang malubos
kung kolektibong kumikilos

kung namumuno'y ang manggagawa
kung di na api ang maralita
kung may pagkain lahat ng dukha
kung lahat ng tao'y pinagpala

kung pantay-pantay ang kalagayan
kung wala nang mga kagutuman
kung di na danas ang karukhaan
kung nagkakaisa itong bayan

kung lahat ay nagpapakatao
at may pakikipagkapwa-tao
kung karapatan nirerespeto
kung dignidad ay taglay ng tao

maraming "kung" ang magandang bukas
ang mahalaga'y ating mawatas
anong tatahaking wastong landas
at panahon ay di na mawaldas

Martes, Mayo 3, 2011

Mayo Unong Walang "Internasyunal'

MAYO UNONG WALANG 'INTERNASYUNAL'
(Mayo 1, 2011, Mendiola, Manila)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

taun-taon, ang Mayo Uno'y tinatapos natin
sa pag-awit ng Internasyunal, di binibitin
ngunit ngayong taon, di nakanta itong awitin
natapos ang rali nang ang misa'y natapos na rin

pinatugtog ang Internasyunal, biglang pinatay
sampung segundong pasakalye, akala ko'y tunay
babalik sana ako, ngunit agad nanlupaypay
ngayong taon lang, walang Internasyunal na alay

ngayon taon din lang, misa sa Mendiola'y dinaos
gayong wala tayong maaasahang manunubos
ang kaligtasan ng manggagawa'y nasa pagkilos
nasa internasyunalismong di dapat kinapos

nang dahil ba sa misa'y wala nang Internasyunal?
rali sa Mendiola ba'y tapusin na lang sa dasal?
may aasahan na bang Bathala ang nagpapagal?
Internasyunal na ba'y di dapat kaya tinanggal?

di na dapat maulit ang ganitong karanasan
ang manggagawa'y di na dapat muling maisahan
sa bawat Mayo Uno'y huwag nating kalimutan
ang Internasyunal para sa manggagawa't bayan

alipin ng gutom, bangon na sa pagkabusabos
pagkat sa atin ay walang sinumang magtutubos
ang Internasyunal ay awitin natin ng lubos
saanmang rali ng Mayo Uno tayo magtapos

Lunes, Mayo 2, 2011

Nasukol ng mga maka-Noynoy?

NASUKOL NG MGA MAKA-NOYNOY?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mukhang naisahan ang militanteng manggagawa
sa mismong Daigdigang Araw ng Paggawa
imbes na magrebolusyon ay manampalataya
imbes talumpati'y misa ang sinubo sa madla

sa makasaysayang Mendiola pa nangyari ito
lumabnaw na ba ang paninindigan ng obrero?
wala na ba ang tinatanganan nilang prinsipyo?
o naisahan lang sila ng galamay ng trapo?

mapagpalayang prinsipyo ba'y di na tumatagos?
kaya aasahan na'y Bathala o manunubos?
mananampalataya na lang ba ang mga kapos?
o kaligtasan ng manggagawa'y nasa pagkilos?

tila nasukol ng maka-Noynoy ang manggagawa!
natatakot ba si Noynoy na siya'y matuligsa?
dahil sa isyu ng manggagawa'y walang magawa?
paglabnaw ng araw na ito'y kaninong pakana?

di ko minamasama ang isinagawang misa
ngunit dapat sa simbahan ito, di sa Mendiola
sa loob kaya ng simbahan tayo magprotesta
panawagan nati'y RH Bill na'y agad ipasa

tiyak nang hindi papayag dito ang kaparian
tiyak nang tayo'y agad nilang ipagtatabuyan
kaya huwag ibigay sa kanila ang lansangang
binahiran ng dugo ng mga martir ng bayan

ang Mendiola'y kasaysayan ng maraming protesta
ang simbahan ay para sa mga nais ng misa
di pa lubos kung simbahan nga'y kakampi ng masa
laki ng abuloy nila'y mula kapitalista

ganito pa rin ba kaya sa susunod na taon?
misa na lang sa Mayo Uno imbes rebolusyon?
dapat lamang balikan natin ang totoong layon
kung bakit may Mayo Uno sa kasaysayan ngayon