Sabado, Hulyo 31, 2010

Ang Nais ng Dukha

ANG NAIS NG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

angal ng angal ang dukha
dahil sa pagdaralita
parang di kinakalinga
ang maralitang kawawa

ngunit di sapat ang angal
gobyerno'y dapat maaral
pati na usaping legal
sa sistemang umiiral

upang tayo'y may magawa
at di pulos na lang ngawa
laban sa pangkakawawa
ng patakarang kuhila

tayo'y magpakahinahon
ngunit kumilos na ngayon
labanan ang demolisyon
at ang kontraktwalisasyon

tatahimik na lang ba tayo
kung tayo na'y ginugulo
kaya anong gagawin mo
kung nais mo'y pagbabago

mga aping mamamayan
magkaisa nang tuluyan
labanan ang kahirapan
at baguhin ang lipunan

Limampisong Tsampurado, Bente Pesos na Load

LIMAMPISONG TSAMPURADO,
BENTE PESOS NA LOAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang maralitang iskwater kahit walang sahod
ay nabubuhay sa diskarteng nakakapagod
nakakaraos din kahit sa hirap lumuhod
akala mo'y di naghihirap, di nakatanghod
dumidiskarteng pilit, patuloy ang pagkayod
limampisong tsampurado, bente pesos na load
ay munting kasiyahan nang ikinalulugod

Tita ng Bayan

TITA NG BAYAN
(sa unang anibersaryo ng kamatayan
ni Tita Cory sa Agosto 1, 2010)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isang taon na mula nang humimlay
yaong titang ina ng demokrasya
marami pa ring sakbibi ng lumbay
na pawang mga nagmahal sa kanya

siya yaong nagbigay inspirasyon
sa sambayanang sakbibi ng dusa
inilunsad ng bayan ang rebelyon
kaya ibinagsak ang diktadura

bagamat kayrami ng pagkakamali
ni Tita Cory pagkat ibinalik
yaong oligarkiyang paghahari
sa historya, siya na'y natititik

Biyernes, Hulyo 30, 2010

Batas ng Bundat

BATAS NG BUNDAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod, soneto

dapat nang makawala sa batas ng bundat
ang uring manggagawang laging sinisilat
pagkat batas na ito'y di para sa lahat
tutukan na ito ng ating mga banat

batas ng bundat ay batas ng masisiba
binibira nila ang mga manggagawa
binabarat nila yaong lakas-paggawa
kapitalismo nga'y sistemang mapanira

winawasak nila ang ating pagkatao
ginigiba pati ang buhay ng obrero
dahil sa tubo, sila'y nagiging demonyo
sadyang ito ang batas ng kapitalismo

dapat magkaisa ang mga nagsasalat
upang madurog natin ang batas ng bundat

Paglulubid ng Buhangin

PAGLULUBID NG BUHANGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pinuno kaya'y naglulubid ng buhangin
di kaya paratangan siyang sinungaling
o ginawa niya'y katapatang malalim
sa mga sakop kaya sinabi'y taimtim
o baka naman siya'y totoong balimbing

e, kaybago pa naman ng pinunong iyan
bakit hindi muna natin siya subukan
ang masa ba sa kanya''y may maaasahan
o katulad din siya ng mga nagdaan
mapaglubid ng buhangin, pawang bulaan

noong kampanyahan, maririnig sa dila
ang kanya raw isanglibo't isang panata
sa taumbayan, na pag naboto'y giginhawa
itataas daw ang sahod ng manggagawa
at di na idedemolis ang maralita

ngunit pawang pangako pa lamang ito ngayon
hindi pa ramdam ang ginhawang dulot niyon
kung sakali mang di niya tinupad iyon
dapat lamang siyang ibagsak at ibaon
sa limot o kaya'y sa kangkungan itapon

Mensahe sa Pader

MENSAHE SA PADER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

mayayaman sa impormasyon
ang mga mensahe sa pader
basahin mo ang naroroon
at baka mensahe ng lider

ng mga manggagawang api
sa kanilang mga trabaho
mensahe'y namnaming mabuti
diwa ng obrero'y narito

kontraktwalisasyon itigil
iboykot ang mga produkto
sa pabrika upang mapigil
ang pagtatanggal sa obrero

nais iparating ng masa
sa pader ang mga mensahe
kung sa pader nagsulat sila
sila ba'y iyong masisisi

minsan, magbasa ka sa pader
tagong mensahe'y makikita
na di malabas sa newspaper
nitong mga kapitalista

sa pader, suriin ang sulat
diwa ng obrero'y nariyan
tiyak ikaw ay mamumulat
sa pader ng katotohanan

Huwebes, Hulyo 29, 2010

Kapitan Pitagan

KAPITAN PITAGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tunay nga kayang kagalang-galang
itong ating Kapitan Pitagan
na isang pulitikong kalaban
ng gahaman at makasalanan

kagalang-galang pong walang duda
si Kapitan Pitagan sa madla
pagkat nagsisilbi siyang kusa
kaya masa'y tila pinagpala

ang kurapsyon nga'y binabanatan
lalo't maraming katiwalian
ang nangyayari sa ating bayan
na dapat ilantad ng tuluyan

si Kapitan Pitagan ay tunay
na magsisilbi hanggang mamatay
ipinapakita niya'y husay
habang hustisya ang kanyang gabay

si Kapitan ay nirerespeto
dahil makatarungang totoo
mga natulungan niyang tao
sa kanya'y sadyang sumasaludo

mabuhay ka, Kapitan Pitagan
mahusay ang iyong pamunuan
sadyang ikaw'y kapita-pitagan
kaya minamahal ka ng bayan

Miyerkules, Hulyo 28, 2010

Bakas ng mga Hunyango

BAKAS NG MGA HUNYANGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nang maupo ang bagong pangulo
agad naglipatan ng partido
ang mga hunyango sa kongreso
sa senado't sa ehekutibo

matagal nang halata ng masa
mga pulitiko'y hunyango pala
anong mapapala sa kanila
kundi bayang laging nagdurusa

ang kanila bang paninindigan
pati katapatan ay nasaan
kung saan sila makikinabang
ay doon sila magpupuntahan

palipat-lipat, papalit-palit
sa masa'y nagmamalaking pilit
hindi kaya sila nanliliit
sa pagkahunyangong walang bait

(ang hunyangong nasa larawan ay mula sa
http://world.mongabay.com/tagalog/travel/07_11_17/p19665p.html)

Katubusan ng Uri

KATUBUSAN NG URI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

o, mga kapatid naming manggagawa
wala tayong maaasahang Bathala
tanging sa inyong kamay na mapagpala
matutubos ang uring mapagpalaya

kaya halikayo, mga manunubos
kayong manggagawa'y di dapat busabos
ng dito sa mundo'y kapitalistang Boss
silang mang-aapi'y dapat lang maubos

kapitalismo ang nagwasak sa puri
dangal ng obrero't dangal ng lahi
wasakin nyo yaong sistemang kadiri
pati na pribadong mga pag-aari

kayo ang tutubos, o, mapagpalaya
sa lipunang itong kapara ng sigwa

Lunes, Hulyo 26, 2010

Ang 10 Utos ng Boss

ANG 10 UTOS NG BOSS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

1
Sigaw ng Boss sa bagong Pangulo
Itigil ang Kontraktwalisasyon!
Regular at Desenteng Trabaho
Para sa lahat, ang aming hamon!

2
Isabatas, pagtaas ng sahod
Ito ang hiling ng manggagawa
Buwagin, itong Regional Wage Board
Na sa totoo'y walang ginawa!

3
Dapat ang obrero'y may insurance
Pag sila'y nawalan ng trabaho
Ito'y isabatas nang tuluyan
Nang may maasahan ang obrero

4
Ipakulong ang nagsasagawa
Ng mga labor-only-contracting
Dahil obrero'y kinakawawa
Nitong iskemang dapat ilibing

5
Desenteng bahay para sa lahat
Kahit pa ito’y sa relokasyon
Ngunit masaktan kami’y di dapat
Kaya itigil ang demolisyon

6
Hiling ng bayan ay ibasura
Ito ngang Oil Deregulation Law
Pag namahala'y kapitalista
Sisirit lagi ang presyo nito

7
Ang Magna Carta ng maralita
At manggagawa sa transportasyon
Yaong konstitusyon ng dalita
Na dapat nang isabatas ngayon

8
Tapusin ang repormang agraryo
Nang makinabang ang magsasaka
Lupang binungkal ng mga ito
Ay dapat nang mapasakanila

9
Automatic appropriation law
Ay dapat ibasurang tuluyan
Pagkat mayorya ng laang pondo
Imbes serbisyo'y pambayad-utang

10
Ang mga aktibista'y piniit
Dahil iba ang paniniwala
Bilanggong pulitikal na pilit
Kinulong ay dapat nang lumaya

Linggo, Hulyo 25, 2010

Sosyalismo ang Landas na Matuwid

SOSYALISMO ANG LANDAS NA MATUWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sosyalismo ang landas na matuwid
at di ang kapitalismong kaykitid
sistemang ito’y dapat nang ibulid
sa malalim na hukay na’y isilid
kapitalismo'y leeg na may lubid
na unti-unting sa atin papatid

sosyalismo'y bukás, di nakapinid
di bingi sa hinaing ng kapatid
lipunang ito'y dapat nating batid
pagkapantay ang diwa nitong hatid
sa manggagawa'y di ito balakid
pagkat ito'y landas ng matutuwid

Habang Nakatitig sa Kawalan

HABANG NAKATITIG SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

muli sa kawalan nakatitig ang mangangatha
muling nagdedeliryo kung ano ang iaakda
minsan napapangiti, kadalasang lumuluha
dinarama sa puso yaong mga kinawawa

nakatitig sa kawalan, hawak ang isang pinsel
iuugit ang nasa diwa sa hawak na papel
lalo't musa ng panitik na kapara ng anghel
ay dumalaw na kahit puso'y puno ng hilahil

makahulugang sulatin sa diwa'y nalilikha
maya-maya naman, ang ginagawa niya'y tula
maraming kwento rin ang sinulat ng mangangatha
at sumusubok ng nobelang pangarap maakda

Trapong Burak ang Pagkatao

TRAPONG BURAK ANG PAGKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tingin ng trapo, maralita'y uto-uto
laging hingi ng limos sa trapong hunyango
ito nama'y dahil sa kanilang pangako
ngunit kadalasang kanilang pinapako

pag nangako ng mangga, kulang sa bagoong
pag nangako ng kanin, ang bigay ay tutong
pag nangako ng sapatos, isa ang takong
pag nangako ng bangus, ang dala'y galunggong

di tuloy malaman kung anong klaseng tao
kung kikilatisin natin ang mga trapo
sa panlabas, kaygaganda ng bihis nito
sa panloob pala'y burak ang pagkatao

sawang-sawa na kami sa kapapangako
ng mga pulitikong kapara'y hunyango

Biyernes, Hulyo 23, 2010

Sa Lambak ng Kamatayan

SA LAMBAK NG KAMATAYAN
(Sa ikawalong buwan ng masaker sa Maguindanao)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

humihiyaw pa rin ang maraming namatayan
bakit ang mga suspek nais pakawalan
ng dating sekretaryong tila nabayaran
hiyaw ng madla'y "nasaan ang katarungan?"

hustisya ang hiyaw ng mga dyornalista
para sa namatay nilang mga kasama
hustisya sa nadamay pang mga pamilya
hustisya sa talagang tinarget ng bala

ang ganitong kaso'y di dapat paglaruan
ng mga nasa poder ng kapangyarihan
yaong pinaslang sa lambak ng kamatayan
ay nararapat magkamit ng katarungan

ang lambak ng kamatayan sa Maguindanao
sa puso't pagkatao natin ay balaraw
sa mundo'y hustisya ang umaalingawngaw
hustisya ang hikbi sa lahat ng pumanaw

Huwebes, Hulyo 22, 2010

Mga Tagong Kasaysayan

MGA TAGONG KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

mahirap bulatlatin ngayon
ang mga tagong kasaysayan
tila ito ang humahamon
sa ating mga kakayanan

meron ba tayong naaarok
sa istorya ng ating bayan
o tayo'y agad nalulugmok
pag nabatid ay kahirapan

ngunit dapat lang bulatlatin
ang kasaysayan at basahin
diwa nito'y ating namnamin
at maraming dito'y tuklasin

kasaysayan ay nagsasalat
dahil wala nitong magsulat
kung may magtatala ng ulat
historya'y maisasaaklat

Sa Lumbay Tigib

SA LUMBAY TIGIB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tila ako napiit sa yungib
at sa kalumbayan natitigib
tila ba ako'y sinisibasib
ng leyon na dugo ko'y inigib

Butas sa Silid

BUTAS SA SILID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(salitan ang pantigan, 10 at 11)

mahiwaga ang butas sa silid
may nag-aabang pagkagat ng dilim
butas na itong sa marami'y lingid
tanging may-ari'y ang matang lihim

butas na yumuyurak sa dangal
ng namamahingang magandang dilag
na kaysarap ialay sa pedestal
libog itong sa pag-ibig labag

makasalanan nga ba ang butas
o yung mahilig ditong mamboso
ito ba'y libog ng matang marahas
na nagpapitlag sa binatilyo

may butas kaya may sumisilip
sinisilip ang nasa, panaginip

Maaari Ko Bang Pasukin ang Iyong Mundo

MAAARI KO BANG PASUKIN ANG IYONG MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ilang beses ko nang tinangkang
pasukin ang iyong mundo
ngunit kadalasan ako'y nabibigo
marahil di pa panahon
ngunit tulad ko'y di marunong sumuko

di dahilang magkaiba tayo ng mundo
mahalaga'y magkaunawaan tayo
uunawain ko ang mundo mo
at uunawain mo rin ang mundo ko
upang magawa ko iyon
papasukin ko ang iyong mundo

sana'y huwag mo akong pagsarhan
nagpapaalam ako, darating ako riyan
sibat man o bala ng kwarenta'y singko
sa daraanan ko man ay iharang
sana naman ako'y iyong pagbigyan

pagkat nais kitang makausap
makaulayaw at maging kaibigan
na kung magtatagal pa tayo'y
ikaw'y aking maging kasintahan
maging kataling-puso sa kalaunan
mahal ko, sana ako'y paunlakan

Miyerkules, Hulyo 21, 2010

Markang Putik

MARKANG PUTIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung ituring ako'y hampaslupa
na simpleng namumuhay sa dampa
ng kahirapang di matingkala
kaya kanila akong kinawawa

kung ituring ako'y isang putik
na pagdurusa ang inihasik
sa bayang tinamaan ng lintik
masa'y ito yaong ginigibik

putik nga ba ang aking kakambal
yaong tanong ng maraming hangal
tingin sa dukha'y isang pusakal
na gagawa ng karumal-dumal

isa lang akong putik, isa lang
pagkat biktima ng kahirapan
marka ko'y putik ngunit di halang
ang bitukang laging walang laman

Martes, Hulyo 20, 2010

Sa Pagwagayway ng Pakpak

SA PAGWAGAYWAY NG PAKPAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi mo kailangang maging isang banoy
upang sa paglipad mo'y maabot ang ulap
gamugamo nga'y lapit ng lapit sa apoy
tila apoy ang sagot sa kanyang pangarap

huwag mong sisihin ang iyong nakaraan
upang matakot kang sa langit ay lumipad
kahit tutubi ka lang o langay-langayan
ay kaya mong abutin ang anumang hangad

maaabot mo ang hinahangad na langit
kung ito'y pinagsisikapan mong marating
malayo man ang pangarap mo'y lumalapit
kung nakahanda ang puso't diwang kaygiting

basta't masaya kang maabot ang pangarap
ay malilipad mo ang kaytayog na ulap

* banoy - katutubong salita sa wikang Ingles na "eagle" at sa wikang Kastilang "agila"

Ang Mga Gahaman

ANG MGA GAHAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

gahaman kaya nananatili
at dito sa mundo'y naghahari
dahil sa pribadong pag-aari
na dahilan kung bakit may uri

sakim sila sa maraming bagay
buhay ng iba'y nais maluray
tubo yaong nagpaganang tunay
nilupig pati na walang malay

dahilan sila ng mga digmaan
na sumakop sa maraming bayan
inugit nila ang kasaysayan
ng dugo at mga kamatayan

di alam makipagkapwa-tao
tila alam lang ng mga ito
ay ang mag-angkin ng kahit ano
kahit dangal ay bibilhin nito

para bang nabibili ng salapi
ang pagkatao nati't puri
gahaman silang kamuhi-muhi
dahil sa pribadong pag-aari

oras na upang sila'y wakasan
silang mga walang katuturan
baguhin natin ang kasaysayan
tungo sa isang bagong lipunan

Linggo, Hulyo 18, 2010

Wala Tayong Maaasahang Bathala

WALA TAYONG MAAASAHANG BATHALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

wala tayong maaasahang bathala
o pinaniniwalaang manunubos
ngayon nga nagdurusa pa rin ang madla
at pamilya'y nabubuhay pa ring kapos

aasahan nyo ba'y sinumang dakila
ang sa inyo'y sasagip mula sa unos
o sa kahihintay kayo'y mamumutla
hanggang lakas nyo'y unti-unting maubos

dumating raw noon ang isang bathala
upang kasalanan ng tao'y matubos
ngunit bakit kayrami pa rin ng dukha
paghihirap nila'y di matapos-tapos

turing pa rin sa marami'y hampaslupa
sistemang bulok pa ri'y bumubusabos
bisig ng obrero'y nakatanikala
kailan ba sila makahuhulagpos

bakit laging naghahanap ng bathala
imbes na suriin ang sistemang bastos
na sa mga obrero'y kumakawawa
na imbes tamang sweldo, bigay ay limos

punung-puno na ang uring manggagawa
sa sistemang sa kanila'y umuupos
maghahanap ka pa ngayon ng bathala
na pagtulong sa tao'y di naman taos

bakit hinihintay nyong lagi'y himala
at inaasahan ay pantasyang kapos
bakit ba laging naghahanap sa wala
imbes magkaisa't magtulungang lubos

wala tayong maaasahang bathala
na sa dusa't hirap nyo'y siyang tatapos
pagtiwalaan nyo'y uring manggagawa
pagkat silang obrero ang manunubos

Sabado, Hulyo 17, 2010

Huwad ang Himala ng mga Bathala

HUWAD ANG HIMALA NG MGA BATHALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang beses nang nangangako ang mga bathala
sasagipin daw nila sa kahirapan ang madla
iaahon daw sa putik ang mga hampaslupa
lalagutin daw ang tanikala ng manggagawa
kaya sa mga bathala'y maraming tuwang-tuwa

saanmang sulok magawi, sila'y namamanata
sa kampanyahan nangangakong wala nang kawawa
sa mga entablado, pangako'y wala nang dukha
sigaw sa mga lansangan, di na kayo luluha
upang mahalal, ang pangako'y himala't ginhawa

mga bathala nang nasa trono na'y tuwang-tuwa
ngunit may tanong sa sarili ang mga bathala
bakit itataas pa ang sahod ng manggagawa
bakit ipagtatayo ng bahay ang mga dukha
bakit magsasaka'y magkakaroon pa ng lupa

bakit sa ospital dapat libre ang maralita
bakit libre na ang edukasyon ng mga bata
sa mga isyung ito bathala'y natutulala
walang tubo't lugi na sila pag nagkawanggawa
mga bathala pala'y kapitalistang kuhila

di kataka-takang huwad ang kanilang himala
inilulubog nila sa kahirapan ang madla
inilulublob sa putik ang mga hampaslupa
pinakikintab lang nila ang gintong tanikala
kaya himala ng mga bathala'y pawang sumpa

Biyernes, Hulyo 16, 2010

Sa Pa-despedida ng Dalawang Burmese

SA PA-DESPEDIDA NG DALAWANG BURMESE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

magbabalik kayong muli sa inyong tahanan
matapos na sa bansa'y maraming matutunan
hinggil sa aming kasaysayan at karanasan
ng pakikibaka para sa hustisyang bayan

humayo na kayo, aming mga kaibigan
nag-uumpisa pa lang ang inyong mga laban
ang nilalayon nyong maligtas sa karimlan
ang bayan nyo nawa'y maging isang kaganapan

nawa'y maging pwersa kayo ng kaliwanagan
bansang Burma't Pilipinas ay magtulungan
nang demokrasya sa inyo'y mangyaring tuluyan
mga kasama, huwag nyong iwanan ang laban

Burma, panahon nang kamtin mo ang kalayaan
hanggang hustisya'y kamtin ng iyong mamamayan

(Ginanap ang pa-despedida sa opisina ng Free Burma Coalition-Philippines sa Lunsod Quezon)

Minsan, may taong laging nakapikit

MINSAN, MAY TAONG LAGING NAKAPIKIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsan may taong laging nakapikit
at ito'y tinanong namin kung bakit
walang tugon kaya't siya'y pinilit
at sumagot din sa kanyang buwisit

isinilang siyang pawang pasakit
ang nagisnan kaya't naghinanakit
lipunang ito'y di ba't dapat langit
kung ganyan na ang nangyari'y bakit

ayaw makita ang nakagagalit
na mga isyung sa bayan umugit
ayaw magisnan ang pagmamalupit
ng sistema sa masang pinilipit

ngunit kung patuloy siyang pipikit
maiipon lang yaong hinanakit
kaya dapat magmulat siyang pilit
at nang solusyon ay kanyang magiit

Huwebes, Hulyo 15, 2010

Ilantad ang Galing

ILANTAD ANG GALING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag nang itago ang galing mo
gamitin mo ang iyong talino
baka may mangailangan nito
makatulong ka sa kapwa tao

talino mo'y kakayahang angkin
kaya ito'y dapat mong linangin
basta't sa mabuti lang gamitin
maigi nang maging matulungin

Miyerkules, Hulyo 14, 2010

Nilimot na natin ang ating sarili

NILIMOT NA NATIN ANG ATING SARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nang nagpasya tayong pumasok sa kilusan
ay nilimot na natin ang ating sarili

pagkat inalay na ito para sa bayan
buhay na'y itinalaga para magsilbi

sa uri, masa't wakasan ang kahirapan
ng bayan at ng higit na nakararami

sabay-sabay tayong sumulong, kaibigan
at sa dating buhay ay huwag mahirati

gapiin natin ang ating mga kalaban
at magtulungan tayo bilang magkakampi

nang maipanalo ang nais na lipunan
tuluyang mapawi ang mga pang-aapi

lingunin pa rin natin ang pinanggalingan
upang maging gabay sa ating pagmumuni

ngunit hindi ito dapat maging dahilan
upang isipin nating bumalik sa dati

sapagkat nang magpasya tayo sa kilusan
ay nilimot na natin ang ating sarili

Martes, Hulyo 13, 2010

Tagas ng Tagas

TAGAS NG TAGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sayang ang tubig, tagas ng tagas
gripo ba'y bahagyang nakabukas
o kaya naman tubo'y may butas
sayang, pwede pa iyang panghugas

magdamag tumatagas ang gripo
dapat sahuran ng balde ito
upang makaipon naman kayo
ng tubig na kailangan dito

alam kong hindi sa inyo lingid
kaytaas na ng presyo, kapatid
ng tubig kaya dapat magtipid
palagay ko, inyo iyang batid

pagtagas ay gawan ng paraan
bago pa tubig, kayo'y mawalan

Sa Pagdapo ni Basyang

SA PAGDAPO NI BASYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

dumating si Basyang, kaylakas ng ulan
agad kong tinaas yaong kagamitan
baka isang Ondoy itong bagyong Basyang
kaya marapat lang siya'y paghandaan

ayon sa PAGASA ay signal number one
ngunit signal number 3 yata si Basyang
pagkat kaytindi ng epekto sa bayan
baha ang lansangan, walang madaanan

kayraming nasawi, ayon sa balita
nangalunod sila't tinangay ng baha
nasayang na gamit, buhay na kawawa
nawalan ng bahay, kayraming lumuha

tila mali-mali ang ulat sa bayan
nitong PAGASAng di na naaasahan
kagamitan nila'y dapat nang palitan
bago pa bumaha muli ang lansangan

Lunes, Hulyo 12, 2010

Puno ng Sakripisyong Pag-ibig

PUNO NG SAKRIPISYONG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pag-ibig, di ka pala pulos kasiyahan
Pagkat punung-puno ito ng sakripisyo
Ngunit kahit ang pag-ibig ay sadyang ganyan
Dapat danasin pa rin ng marami ito
Kung sakali mang natatamo'y kabiguan
Di iyan wakas, may darating pa ring bago
Kaya magpatuloy magmahal, kaibigan
At saya sa puso'y iyo ring matatamo

Makikinig na nga ba ang gobyerno?

MAKIKINIG NA NGA BA ANG GOBYERNO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ilang administrasyon na ba ang nagdaan
na laging bingi sa panawagan ng bayan
na laging bulag sa isyu ng mamamayan
di nga pipi ngunit hanggang pangako lamang

ngayon narito naman si Pangulong Noynoy
makikinig ba siya pag masa'y nanaghoy
didinggin ba niya yaong mga palaboy
o masa'y patuloy malubog sa kumunoy

makikinig na ba ang gobyerno sa masa
o ito'y tangan pa ng kuko ng agila
tatango-tango sa nais ng Amerika
imbes na sa kagustuhan ng bayan niya

sa SONA nga'y kaylinaw ng pribatisasyon
ni walang sinabi sa kontraktwalisasyon
nais pa ng pangulo ang deregulasyon
liberal kasi kaya liberalisasyon

nag-aasta silang sila'y bagong pag-asa
lilikhang muli ng mga bagong programa
ang gobyerno nga ba'y nakikinig sa masa
gayong mga napwesto'y pawang elitista

dapat ay palitan ang mga nasa pwesto
palitan ang trapo't ilagay ang obrero
sistema'y di nararapat kapitalismo
at pagsikapang itayo ang sosyalismo

Linggo, Hulyo 11, 2010

Kontraktwal Kasi (tulawit)

KONTRAKTWAL KASI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

I

salamat naman ako'y nagkatrabaho
makakatulong na rin ako sa nanay ko
ngunit limang buwan lamang pala ako
wala na namang trabaho ang tulad ko

Refrain:

walang tigil ang kontraktwalisasyon
minsan may trabaho, wala naman ngayon
pwede namang maregular, bakit ganon
kontraktwal sa hirap laging nababaon

II

ako'y muling nakahanap ng trabaho
kontraktwal na naman ang napasukan ko
limang buwan muling walang benepisyo
kaybigat ng trabaho, mumo ang sweldo

III

ganito ang sistema sa aming bayan
ang trabaho mo'y hanggang limang buwan lang
gayong trabaho mo'y mahalaga naman
sa produksyon ngunit di ka maregular

IV

kontraktwalisasyon pa ba'y matitigil
kung obrero'y nagrebolusyon marahil
kailangan talaga itong mapigil
pagkat dulot sa atin nito'y hilahil

Ulitin ang Refrain
Ulitin ang IV

Sabado, Hulyo 10, 2010

Salot ang Kontraktwalisasyon

SALOT ANG KONTRAKTWALISASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kontraktwalisasyon ay salot sa manggagawa
kayod ng kayod habang sila'y kinakawawa
ng kapitalistang wala nang ibang magawa
kundi mga obrero'y kanilang pahirapan

kontraktwalisasyon ay salot na patakaran
pagkat manggagawa'y kanilang iniisahan
walang natatanggap na benepisyong anuman
limang buwan makalipas wala nang trabaho

obrero'y kayod ng kayod na parang kabayo
kapitalista'y tuwang-tuwa naman sa inyo
dahil limpak na tubo ang inaakyat ninyo
gayong natatanggap naman ay kaybabang sahod

ang kalagayan ng obrero'y halos hilahod
sa araw-araw na trabaho'y pagod na pagod
sa baba ng sweldo siya'y halos manikluhod
gayong di maregular ang mga tulad niya

simula nang pinauso ang bagong iskema
ang pagtatrabaho'y daraan na sa ahensya
kaya natatanggap ng obrero'y may bawas na
binabawasan pa ng ahensyang mapagpanggap

hustisya sa manggagawa'y dapat mahagilap
dapat kontraktwalisasyon ay duruging ganap
pagkat iskemang ito sa obrero'y pahirap
sa lakas ng obrero'y ito ang lumalamon

wala nang katiyakan sa kontraktwalisasyon
ngunit bakit pumapayag sa iskemang iyon
nilusaw pa nito ang karapatang mag-unyon
gayong tanging dala nito'y pagkadurog natin

limang buwan matapos trabaho'y hahanapin
saan na tayo maghahagilap ng pangkain
ang iskemang kontraktwalisasyon na'y durugin
kalagayang sa pagawaan ay dapat malutas

gawing iskema sa pagtatrabaho'y parehas
ayusin ang mga patakarang butas-butas
mga manggagawa'y gawing regular ang antas
may natatanggap na benepisyo't sweldong buo

panahon nang kontraktwalisasyon ay igupo
pagkat iskemang ito'y madaya't mapanduro
salot na kontraktwalisasyon ay dapat maglaho
upang tuluyang makinabang ang manggagawa

Biyernes, Hulyo 9, 2010

Usapan ng Magkaibigan

USAPAN NG MAGKAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"gaano ba katatag sa laban ang manggagawa?"
"bakit mo ba tinatanong, wala ka bang tiwala?"
"natanong ko lang dahil nangyayari'y parang wala
tila baga tunggalian ng uri'y humuhupa"

"mayorya ang manggagawa kaysa kapitalista
ano't manggagawa'y nagpapaapi sa kanila
uring kapitalista ba'y di nila kinakaya
kaya paano naging matatag ang gaya nila?"

"hangga't naririyan ang pribadong pagmamay-ari
pagsasamantala sa obrero'y nananatili
kaya di pa humupa ang tunggalian ng uri
makiramdam ka't tunggaliang ito'y sumisidhi"

"ngunit bakit sa krisis ng bansa'y walang magawa
matatag nga ba sila, o sila'y natutulala?"
"pagtiwalaan mo sana ang uring manggagawa
mapapatid din ang kinalawang nang tanikala"

"kaibigan, nararapat yatang mamulat na nga
sa pagpapalaya ng uri silang manggagawa
hawakan nila ang maso, pader man ang mabangga
pag kumilos na, kapitalista'y matutulala"

"ngunit kailan sila magkakaisang tuluyan"
"kung mamumulat sila sa kanilang kalagayan
dapat pag-aralan nilang mabuti ang lipunan
upang sistemang bulok na'y mabaon sa libingan"

"hangga't mababa ang kamulatan ng manggagawa
sa kanilang papel bilang hukbong mapagpalaya
nabubulok na sistema'y di nila magigiba
pagkamulat nila'y susi kanilang paglaya"

"sana'y hindi hanggang teorya lang iyan, kaibigan"
"naganap na ito, magbasa ka ng kasaysayan
ang Komyun ng Paris, pati na Rusong himagsikan
na pinamunuan ni Lenin, iyong pag-aralan"

"kaya patuloy tayong mag-aral, magbasa-basa
upang mapag-aralan ang tamang estratehiya
upang uring manggagawa'y tuluyang magkaisa
at ang pagpapalaya ng uri'y maging ganap na"

"halina't organisahin ang manggagawa ngayon
upang bulok na sistema'y kanila nang ibaon
sa kangkungan ng kasaysayan tungong rebolusyon
upang maitatag natin ang mga bagong komyun"

Huwebes, Hulyo 8, 2010

Sweldong Pangtuyo

SWELDONG PANGTUYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

i
kapitalista'y walang pakialam sa iyo
kayod ka na nga ng kayod na parang kabayo
di ka man lang niya taasan ang iyong sweldo
masarap pa ang pagkain ng kanilang aso
kaysa kinakain ng pamilya ng obrero

ii
sa kapitalista ba'y anong aasahan mo
inakyat mo'y limpak na tubo sa iyong amo
ngunit pangtuyo lang ang tinatanggap mong sweldo
kaybaba ng sahod wala ka pang benepisyo
mabubuhay mo kaya diyan ang pamilya mo

Paglaya

PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

pagbati sa ating kasamang lumaya
nagbigay ito ng panibagong sigla
babangong muli ang uring manggagawa
magkakaisang muli ang mga dukha
pagkat lumaya na ang mapagpalaya

Miyerkules, Hulyo 7, 2010

Hawla ng Katahimikan

HAWLA NG KATAHIMIKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ang dulot ng hawla'y di katiwasayan
sa bihag niya kundi katahimikan
ikinukulong upang dila'y pigilan
sa paglalahad ng mga nalalaman

sa kabilang banda'y ang kabaligtaran
ang dulot ng hawla'y tortyur sa isipan
pwersahang ilahad mo'y katotohanan
aba kung ayaw mo, ikaw'y masasaktan

kahit walang kaso, nasasa kulungan
dinudurog nila ang diwang palaban
sa iyo ibubunton ngitngit daw ng bayan
gayong sila yaong totoong kalaban

karumal-dumal ang gayong kalagayan
napiit sa hawla ng katahimikan
aktibista ang biktimang karaniwan
nawalan ng hustisya't kapayapaan

Martes, Hulyo 6, 2010

Hubad na Bundok

HUBAD NA BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tanaw sa malayo ang kanyang kahubdan
hindi na matanaw ang kanyang kariktan
tanging nakikita'y ang pinagputulan
ang kahubdang ito'y kailan dadamtan

sibak dito, sibak doon ang nangyari
pinagtatagpas pa'y punong kaylalaki
kinalbo ang bundok, wala nang nalabi
kahit ibong dati'y dito humuhuni

walang mawawala kung tayo'y sumubok
kung ating dadamtan ang hubad na bundok
ngunit kapag puno'y lumago sa tuktok
huwag pabayaan sa mga dayukdok

mga salanggapang sa tubo'y biguin
tiyaking bundok na'y hindi wawasakin
tayo na’y magtanim, ating palaguin
ang hubad na bundok ay damitan natin

Tirang Gambito

TIRANG GAMBITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pagsulong ng pyesa’y di basta-basta
pinag-iisipan ang bawat tira
ano kayang dito’y tamang taktika
upang makain ang maraming pyesa

paramihan ba ng pyesang nakain
sa ahedres ay ultimong layunin
bawat tira’y pag-isipang malalim
paanong pagmate’y maging matalim

maaring pyesa mo’y isakripisyo
nang makuha ang matatag na pwesto
pag-isipan mong itira’y gambito
bilang panlalansi sa kalaban mo

ahedres ay parang larong digmaan
sa bawat sulong ay naglalansihan
kaya ang utak mo’y talas-talasan
bago ka mamate ng madalian

mga gambito’y malupit na tira
mag-ingat at huwag basta padala
nagkukunwaring mali ang tinira
iyon pala’y mahusay na taktika

sa tunay mang buhay merong gambito
kilalanin mo ang gumawa nito
mga taktika nila’y suriin mo
kung ayaw mong ikaw ay madehado

Lunes, Hulyo 5, 2010

Katas ng Diwa

KATAS NG DIWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan sandaling gawin ang isang taludtod
o kaya naman ito'y higit isang oras
ngunit ang mahalaga'y ano ang nagbunsod
sa makata upang diwa nito'y makatas

minsan sandali ring gawin ang isang saknong
o kaya ito'y isang oras ding mahigit
mambabasa karaniwan nang nagtatanong
diwa'y mabait, mapanlait o kaylupit

minsan sandali ring gawin ang isang tula
o kaya naman higit isang buwan
aayusin, hahanguin kabi-kabila
habang diwa'y pinipiga sa panagimpan

minsan imahe sa tula'y palutang-lutang
di mawatas ang nakatagong talinghaga
himig nito'y kaysarap o kaya'y maanghang
inuuyam ka na'y di mo pa maunawa

katasin mo ang diwa't ipaghele-hele
sa kandungan ng binibining sinasamba
habang umaaray ka o ngingisi-ngisi
hanggang masabing kayganda ng iyong obra

Sabado, Hulyo 3, 2010

Dapat ang Boss ay Di Busabos

DAPAT ANG BOSS AY DI BUSABOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Anang bagong pangulo, "Kayo ang aking Boss
Kaya't makikinig ako sa inyong utos!"
Kaharap ang mayayaman, masa't busabos
Sa madla'y panatang dapat niyang malubos.

Mukha namang ang pangulo'y di nagbibiro
Sa kanyang mga sinabi't ipinangako
Maging tapat siya't baka napapasubo
Dahil kung hindi, siya pala'y nang-uuto.

Kung sinasabi niyang bayan ang kanyang Boss
Dapat sa bayan ay walang mga busabos
Dapat sa lansangan ay walang nanlilimos
Dapat niyang kalingain ang mga kapos.

Kung tunay ngang Boss niya tayong taumbayan
Ang paglilingkod niya'y dapat maramdaman
Ng manggagawa, magsasaka, sambayanan
Kung hindi, dapat siyang isukang tuluyan.

Kung Kami ang Iyong Boss

KUNG KAMI ANG IYONG BOSS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Kay Pangulong Noynoy,

Sabi mo ang bayan ang iyong Boss
Kaya makikinig ka sa utos
Ng bayang noon pa binusabos
Ng dayuhan at nag-aastang Dyos

Sahod ng obrero'y laging kapos
Tila di na sila makaraos
Magsasaka'y laging nauupos
Sa hirap tila hinahambalos

Mga aktibista ba'y iyong Boss
Bakit kami'y inyong inuubos?
Bakit kami'y laging inaambus?
Itigil ito, ang aming utos!

Sa kapitalismo'y nakagapos
Ang ating bayang laging hikahos
Kaya paano makakaraos
Sa ilalim ng sistemang bogus.

Kapitalismo ang nambabastos
Sa pagkatao ng masang kapos
Sistema'y suriin mo, ang utos
At palitan ito pagkatapos.

Gobyernong ito'y dapat iayos
Kung saan walang namamalimos
Kung saan wala nang kinakapos
At walang tibak na inuubos.

Kaya, Noynoy, kung puso mo'y lipos
Ng pagmamahal sa bayan mong Boss
Aba'y dinggin mo ang aming utos
Kung seryosong kami nga'y iyong Boss

Dapat uri mo'y talikdang lubos
Iangat buhay ng masang kapos
Kung di mo ito magawang puspos
Tulad mo'y barahang Haring Bastos!

Biyernes, Hulyo 2, 2010

Bawal Na ang Wangwang

BAWAL NA ANG WANGWANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

i

ipinagbawal na ang wangwang
ng bagong halal na pangulo
dahil inaabuso lamang
ito ng mga gagong trapo

sana'y mawala pati bangbang
na pawang kayraming pinatay
sana'y itigil ang pagpaslang
sa mga inosenteng buhay

sana'y mawala pati hunghang
na naririyan sa gobyerno
upang di na makapanlamang
sa mamamayang Pilipino

sana'y bawal na rin ang buwang
upang mawala ang kurakot
pagkat hangga't may mga halang
patuloy pa ang trapong huthot

ii

pag-atake sa mayayabang
na astang hari ng lansangan
itong pagbabawal sa wangwang
nang sila nama'y matauhan

napakaraming mga bugok
ang dapat lang na ipagbawal
lalo na't mga nasa tuktok
na pawa palang pusakal

bawal ang wangwang o sirena
bagamat di sagot sa hirap
ay umpisa ng disiplina
na dapat lang nating matanggap

ipinagbawal man ang wangwang
ito'y isa pa lang simula
di pa rin ito katugunan
sa pagluha't hirap ng madla

Huwebes, Hulyo 1, 2010

Ningas-Bao

NINGAS-BAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

anong napala sa ningas-kugon
ng sari-saring organisasyon
mga samahan ba'y nagsibangon
o tuluyan na itong nabaon

gawing husay ang anumang plinano
upang di masayang ang mga ito
ningas-kugon ay tuluyang paglumpo
sa pagtupad sa nais na proyekto

sa ningas-kugon walang mapala
parang ito'y iskemang isinumpa
sayang lang ang ating pagsisimula
dahil ningas-kugon nabalewala

kaya dapat palitan natin ito
ng isang panuntunang positibo
pairalin natin ay ningas-bao
upang magampanang husay ang plano

ningas-bao ang ating ipapalit
sa ningas-kugong ugaling kaylupit
ningas-bao'y tila hulog ng langit
tagumpay ng proyekto'y makakamit

kugong nagningas madaling mamatay
bao naman ay kaytagal mabuhay
kaya kung nais nating magtagumpay
ningas-bao ang pagsikapang tunay